“Makibeki! ‘Wag mashokot!”
IPINAGDIWANG ng pamayanang Lasalyano ang makulay na kapistahan sa Pamantasang De La Salle (DLSU) sa isinagawang Pride March na may temang “Embracing Every Hue”, Hunyo 5. Pinangunahan ng DLSU PRISM at University Student Government – Office of the President (OPRES) ang Animo Pride 2024 bilang selebrasyon at pagkilala sa mga estudyanteng miyembro ng LGBTQIA+ community.
Bahagi rin ng mga inihandang aktibidad sa naturang araw ang paggawa ng mga placard, DIY T-shirt Tie Dye, Bead Bar Solidarity Activity, at Loud & Proud: Open Mic Night. Nakalinya rin sa buwan ng Hunyo ang Drag Concert Extravaganza, Don’t Be a Drag: The Importance of Queer Mental Wellness, Pride Full Bloom: A Spring Promenade, at Animo Pride Fun Run.
Pagbasag sa mapanghusgang lipunan
Ikinintal ni University Student Government (USG) President Raphael Hari-Ong na pangunahing layunin ng aktibidad na gawing ligtas na espasyo ang Pamantasan sa lahat ng mga estudyante. Isa aniya itong malaking hakbang upang magsulong ng inklusibidad at maitaguyod ang kaligtasan sa loob at labas ng Pamantasan.
“Pride Month is not only an avenue for commemorating the community’s triumphs over history, but also a protest. A platform to assert our unwavering resolve,” saad ni Hari-Ong. Ibinahagi rin niyang kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang USG sa USG Legislative Assembly upang enmendahan at palawakin ang Safe Spaces Policy gaya ng gender inclusivity.
Pinasalamatan din ni Hari-Ong ang mga project heads at team leaders na nagtulong-tulong upang maisulong ang programa. Pinaalalahanan din niya ang pamayanang Lasalyanong tumindig at basagin ang mapanghusgang pananaw at perspektiba ng lipunan. “Together, let us make DLSU a safe space that allows you to express your true selves, embracing every part of you, embracing every hue,” mensahe niya.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Dar Tangco, Animo Pride 2024 Project Head at DLSU PRISM President, sa lahat ng mga nakidalo at nagkaisa upang maisakatuparan ang mga aktibidad. Bilang kasapi ng komunidad, isang magandang pagkakataon aniya ang selebrasyong ito upang ipagdiwang ang pakikibaka sa kalayaan at dignidad ng mga kasapi ng LGBTQIA+.
Pagwagayway ng banderang bahaghari
Isinalaysay ni Deo Cabrera, isa sa mga host ng Pride March, na layunin ng programang palakasin ang adbokasiyang isinusulong ng komunidad ng LGBTQIA+. Isa rin aniya itong pagkakataon upang maisatinig ang ipinaglalaban ng mga estudyanteng bahagi ng komunidad.
Tinalakay rin ni Cabrera ang mga isyu at pang-iinsultong kinaharap ng Pamantasan sa pagsasagawa ng naturang selebrasyon. Mensahe niya, “Tanggapin natin lahat ng tao, mahalin mo ang kapwa mo. Para sa sa mga DLSU students na talagang lumalaban pa sa mga taong binabash ang school natin for celebrating Pride, laban lang!”
Binigyang-diin ni Mikylla Cunanan, EDGE 2022, Batch Vice President, na hindi mali ang pagsasagawa ng ganitong aktibidad. Isa aniya itong hakbang upang maisakatuparan ang hinihinging kalayaan ng mga miyembro ng komunidad na nakakaranas ng karahasan at pang-aabuso.
Paglalahad ni Cunanan, “Alam naman natin na Pride is not just a celebration; it’s more than that—it’s a protest, it’s about liberation.” Sinang-ayunan naman ito ni Michael Ocan, ID122 mula BS Psychology, at inihayag na nakatutulong ito upang tulungan ang iba pang mga taong maging bukas sa kanilang identidad nang walang takot at pag-aalinlangan.
Isinalaysay naman ni Luis Cantero, “best dress” awardee, na sinisimbolo ng selebrasyon ang kanilang tunay na pagkatao bilang miyembro ng komunidad. Aniya, “Gusto kong maipakita [ang] sarili ko . . . and I wanna show other people na kaya din nila ‘yun.”
Para naman kay Dina Dalaga, isa sa mga host ng Animo Pride 2024, isang pagkakataon ito upang maipakita ang kaniyang identidad at talento bilang isang drag queen. Giit niya, “I think it should always be celebrated even if you already got the rights that you’re fighting for; kasi it reminds us of how strong the community is.”