YUMUKOD ang hanay ng De La Salle University (DLSU) Green Archers sa bangis ng National University (NU) Bulldogs, 52-81, sa kanilang pagtatapat sa FilOil EcoOil 17th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Hunyo 6.
Pinangunahan ni point forward Kevin Quiambao ang Green Archers matapos magtala ng 12 puntos, tatlong rebound, at dalawang assist. Umagapay rin sa kaniya si Jonnel Policarpio na nakapag-ambag ng siyam na puntos. Samantala, hinirang si Nathaniel Tulabut bilang Best Player of the Game matapos umukit ng 11 puntos at isang rebound.
Mabagal ang naging simula ng Green Archers sa pagbubukas ng bakbakan matapos magbitaw ng sunod-sunod na puntos ang Bulldogs upang palobohin sa anim na marka ang kanilang kalamangan, 2-8. Gayunpaman, hindi nagpaawat si Quiambao nang magpakitang-gilas gamit ang isang dunk, 7-15. Hindi naman nagpatinag si PJ Palacielo matapos magpakawala ng isang layup, 9-17. Hindi na nagpaawat pa si Palacielo at tuluyang inangkin ang unang yugto para sa mga Bulldogs, 15-28.
Maingay namang sinimulan ng Taft-based squad ang ikalawang kwarter matapos makasungkit ng dalawang magkasunod na counted foul sina CJ Austria at Policarpio, 22-28. Sinubukan pang panipisin ni Green Archer Jake Gaspay ang abante ng Bulldogs matapos magpakawala ng tres, 27-35. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang Bulldogs sa pagratsada ng mga tirada upang paigtingin ang kanilang kalamangan sa pagtatapos ng first half, 28-43.
Bitbit ang mithiing makabawi sa second half, agad dinagundong ni Quiambao ang entablado gamit ang isang floater, 30-43. Sa kabila nito, nagpaulan ng tatlong magkakasunod na tirada mula sa labas ng arko ang Bulldogs mula kina Steve Nash Enriquez, Donn Lim, at Patrick Yu upang iangat sa 22 marka ang kalamangan, 30-52. Kumayod pa si Policarpio ng tres para idikit ang bakbakan, 42-67, ngunit, winakasan ni Palacielo ang ikatlong yugto sa bisa ng isang layup, 42-69.
Bumulusok si Quiambao ng magkasunod na three-point shot pagdako ng huling sampung minuto ng sagupaan upang ibigay ang momentum sa Green Archers, 48-69. Gayunpaman, agad binasag ni Paul Francisco ang pag-asa ng Green Archers na makahabol matapos magbitiw ng tres, 48-76. Hindi na muling nakaahon pa ang Taft mainstays dahilan upang tuluyang mapasakamay ng Bulldogs ang panalo, 52-81.
Bunsod ng pagkatalo, nasungkit ng DLSU ang 5-2 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Sunod namang haharapin ng Green Archers ang San Beda Red Lions para sa quarterfinals ngayong Sabado, Hunyo 8, sa ganap na ika-6 ng gabi sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 52 – Quiambao 12, Policarpio 9, Gollena 6, Agunanne 5, Gaspay 5, Cortez 5, Marasigan 4, Austria 3, Buenaventura 2, Romero 1.
NU 81 – Tulabut 11, Palacielo 10, Yu 9, Figueroa 8, Garcia 7, Enriquez 6, John 6, Manasala 5, Santiago 4, Lim 4, Padrones 4, Francisco 3, Dela Cruz 2, Gulapa 2.
Quarter Scores: 15-28, 28-43, 42-69, 52-81.