SUMADSAD ANG MGA PANA ng De La Salle University (DLSU) Lady Booters kontra Far Eastern University (FEU) Women’s Football Team, 1-2, sa pagtatapos ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Football Tournament sa Rizal Memorial Sports Complex Football Stadium, Mayo 10.
Dali-daling sinunggaban ng Taft-based squad ang serye matapos magpamalas ng liksi sa bawat ball possession. Sinubukang binyagan ni Lady Booter Mari Layacan ang talaan mula sa right wing, subalit kaagad na nasalag ng FEU ang bola. Sa kabilang banda, pinigilan naman ni DLSU goalkeeper Alex Gumilao ang pagtatangkang makaisa ng katunggali sa ika-12 minuto ng bakbakan.
Gitgitang tapatan pa ang eksena ng magkabilang koponan hanggang sa makabuwelo si Layacan sa field upang wakasan ang nanunuyot na iskor, 1-0. Bunsod nito, nagkumahog ang Morayta-based squad upang itabla ang marka, ngunit matagumpay itong nabantayan ni Gumilao sa bisa ng isang crucial save.
Mas naging agresibo naman ang hanay ng DLSU sa field matapos patawan ng yellow card at magkasunod na foul si Lady Booter Anicka Castañeda. Gayundin, nakatakas ang Tamaraws sa malagkit na depensa ng Taft mainstays nang mailusot ni FEU Team Captain Inday Tolentin ang kaniyang tirada bago sumapit ang halftime, 1-all.
Pagdako ng second half, ginawaran ng corner kick ang parehong koponan, subalit sumablay ang bawat pagtatangka bunsod ng nagliliyab na depensa ng magkabilang goalie. Nabigyan naman ng pagkakataon ang Berde at Puting pangkat upang umabante matapos gawaran ng free kick, subalit nagpatuloy ang kanilang pagmintis.
Pinalawig pa ang serye matapos manatiling tabla ang iskor ng magkatunggali. Hindi nagtagal, pinatahimik ni Jonela Albiño ang naghuhumiyaw na kampo ng DLSU nang matagumpay na maipasok ang tira mula sa free kick, 1-2. Tinangka pang maibalik ang alas ng DLSU sa bisa ng mga iginawad na free kick, gayunpaman, nanaig ang depensa ng mga FEU hanggang sa naupos na ang oras.
Sa kabila ng pagpapamalas ng pursigidong puwersa, nabigong bawiin ng DLSU Lady Booters ang korona sa mga kamay ng mabalasik na Tamaraws. Bunsod nito, napanatili ng Taft-based squad ang ikalawang puwesto sa naturang torneo. Samantala, hinirang naman bilang Best Midfielder si Lady Booter Shai Del Campo sa pagwawakas ng torneo.