TINANGAY ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang tansong medalya kontra sa langkay ng Adamson University (AdU) Lady Falcons, 18-16, sa overtime ng battle-for-third match ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s 3×3 Basketball Tournament sa Ayala Malls Manila Bay Activity Center kagabi, Mayo 5.
Rumatsada para sa Berde at Puting koponan si Ann Mendoza matapos tumikada ng pitong puntos. Hindi rin nagpahuli sa opensa si veteran Lee Sario bitbit ang anim na marka. Sa kabilang panig, nanguna para sa kampanya ng Lady Falcons si Elaine Etang tangan ang limang puntos. Samantala, kumayod din ng tig-apat na basket sina Cheska Apag at April Tano.
Kaagad na nagpasiklab si Tano para sa AdU sa unang dalawang minuto ng sagupaan matapos pumuwesto sa labas ng arko, 2-4. Gayunpaman, hindi nagpatinag si Mendoza nang magpakitang-gilas sa loob ng paint, 4-6. Tuluyan nang naitabla ni Sario ang talaan matapos magpakawala ng dos sa ika-6:50 minuto ng bakbakan, 6-all.
Nagpatuloy ang dikdikang palitan ng opensa ng dalawang koponan pagpatak ng huling dalawang minuto, 14-all. Nagawang maisahan ni Sario ang depensa ng Lady Falcons at mariing nailusot ang layup, 15-14. Bumuwelta pa ng dalawang magkasunod na marka si Apag upang ungusan ang mga nakaberde, 15-16. Ngunit, humarurot ng clutch layup si Sario mula sa assist ni Mendoza pagsapit ng ika-9.7 segundo upang bitbitin ang tapatan sa overtime (OT), 16-all.
Kaakibat ang nag-aalab na ritmo, umatake si Sario ng baseline drive upang irehistro ang unang marka ng Lady Archers sa OT, 17-16. Sa kabila ng tawag na offensive foul contact kay Sario, kaagad na winakasan ni Mendoza ang kampanya ng Taft mainstays mula sa loob ng paint, 18-16.
Bunsod ng matagumpay na pagbulusok, tuluyang nasikwat ng Lady Archers ang ikatlong gantimpala matapos lumilok ng 5-4 panalo-talo baraha sa naturang torneo.
MGA ISKOR:
DLSU 18 – Mendoza 7, Sario 6, Binaohan 3, Bacierto 2.
AdU 16 – Etang 5, Apag 4, Tano 4, Agojo 3.