LUMAGAPAK ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers kontra sa pangil ng University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses, 20-25, 25-16, 20-25, 25-19, 7-15, sa pagtatapos ng kanilang paglalakbay sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament Final Four round sa SM Mall of Asia Arena kagabi, Mayo 5.
Nagsilbing tanglaw ng Lady Spikers si opposite spiker Shevana Laput matapos bumalikat ng 20 puntos mula sa 18 atake, isang block, at isang ace. Kumamada rin para sa pinatibay na pader ng DLSU sina skipper Thea Gagate na umukit ng anim na block at Baby Jyne Soreño na nagrehistro ng limang block. Sa kabilang panig, bigong pundihin ng Lady Spikers ang alab ni Player of the Game Angeline Poyos matapos umariba ng 28 puntos mula sa 25 atake, dalawang service ace, at isang block. Gayundin, kumumpas si UST playmaker Cassie Carballo ng 18 excellent sets kaakibat ang anim na puntos.
Gitgitang sagupaan ang naging bungad sa unang set matapos magpalitan ng tirada sina Poyos at Laput, 4-all. Sinupalpal naman ni DLSU Taft tower Gagate ang angil ng mga tigre at malugod na tinanggap ang regalo mula kay best libero frontrunner Detdet Pepito, 7-11. Agad namang humarurot ang España mainstays patungong 20-point mark nang umeksena sa gitna si Pia Abbu, 12-20. Nagawa pang itaas nina Gagate at Laput ang Berde at Puting kalasag kontra España, 19-23, subalit sinelyuhan na ni UST open hitter Jonah Perdido ang naturang set, 20-25.
Sawi mang masikwat ang unang set, maagang nagpakitang-gilas sa pagtudla si opposite hitter Soreño buhat ng matagumpay na pagbutata kay Perdido, 2-0. Pinatahimik naman ng luntiang koponan ang alingawngaw ng karagatan ng dilaw matapos nilang umukit ng 10-0 run sa pangunguna nina Taft duo Soreño at Gagate, 19-11. Sinubukan mang pumukol ng mga puntos ng UST sa bisa ni Renee Peñafiel, ngunit namayagpag na ang Lady Spikers upang tapusin ang naturang yugto gamit ang down-the-line hit ni Laput, 25-16.
Maagang napana ng Taft-based squad ang kalamangan pagdako ng ikatlong set sa bisa ng nagbabagang tirada ni Laput, 8-6. Agad namang sumagot ang UST ng 4-0 run gamit ang crosscourt hit ni open hitter Poyos, 8-10. Matatag na sinabayan ng Berde at Puting pangkat ang tulin ng mga nakadilaw matapos tipakin ni Gagate ang nagbabagang tirada ni Poyos na sinundan pa ng drop ball ni Angel Canino, 18-all. Gayunpaman, pumalya ang pagtudla ni Laput kontra sa depensa ng UST sa pagtatapos ng naturang set, 20-25.
Nakipagsabayan ang Taft-based squad sa galaw ng Golden Tigresses sa tulong ng service ace ni Canino sa pagbulusok ng ikaapat na yugto, 2-1. Hindi rin nagtagal ang kalamangan para sa pangkat matapos tumantos ang UST ng tatlong puntos para umangat ang talaan, 3-6. Kasunod nito, pumukol si reigning Most Valuable Player Canino nang dahan-dahang sinamantala ang mga pagkakamali ng mga taga-España, 15-11. Dinagundong ng tambalang Laput at Canino ang kort upang tuluyang ibalik sa DLSU ang kanilang nagniningas na ritmo, 21-16. Umandar pa ang pagpapaikot ni DLSU playmaker Jules Tolentino na siyang nirespondehan ni Gagate ng pagbaon mula sa gitna upang tapusin ang set, 25-19.
Sinimulan agad ni Canino ang huling sagupaan matapos tumirada sa linya, 1-0. Gayunpaman, unti-unting naupos ang momentum ng berdeng kampo matapos magrehistro ng 6-0 run ang Golden Tigresses, 3-9. Sa kabila ng tangkang paggising ni Laput, tuluyan nang tumagas ang mga puntos ng kabilang panig na siyang pinagtibay ng sunod-sunod na errors mula sa DLSU at pagselyo ni Carballo gamit ang service ace, 7-15.
Sa pagbitaw sa kanilang kampanya para depensahan ang titulo, tuluyan nang yumukod ang Lady Spikers sa ikatlong puwesto tangan ang tansong gantimpala.