Sa isang bansang sagana sa agrikultura tulad ng Pilipinas, hindi lamang isang simpleng pagkain ang bigas. Parte ito ng malalim na bahagi ng kultura at ekonomiya. Sa kabilang banda, hindi lamang isang karaniwang gawain ang pagsasaing ng bigas sa hapag-kainan. Isa itong simbolismo ng kapangyarihan at liderato, lalo na kapag ang pinuno ng bansa ang nasa likod ng kaldero. Ipinapakita nito ang kaniyang impluwensya at kapangyarihan hindi lamang sa politika, pati na rin sa araw-araw na buhay ng bawat mamamayang Pilipino.
Subalit, problema ngayon ng bansa ang mataas na presyo ng bigas at maramihang pag-angkat ng bigas sa ibang bansa. Upang masolusyunan ito, nagsagawa ng TikTok live meeting ang pamahalaan at Estados Unidos. Dito nila nakilala ang Rice Master at influencer na maghahatid ng pagbabago sa kalakaran ng bigas.
Ricevolution ni Jamie Oliver
Dumating kamakailan sa bansa si Jamie Oliver, Rice Master mula sa Estados Unidos. Nais niyang ituro ang “The American Way” ng pagsasaing sa iba’t ibang kultura sa Asya. Mula sa tamang paglalagay ng tubig hanggang sa pagsasala nito sa lutong kanin, ito ang mga bagong kaalamang inihatid ng Rice Master.
Pinangunahan ng Rice Master ang isinagawang workshop sa Nueva Ecija na dinaluhan ng ilang opisyal ng gobyerno. Subalit hindi lamang ito simpleng workshop sapagkat nagkaroon ng malalim na diskurso tungkol sa mga bagong teknolohiya sa pagsasaing. Ipinakilala sa nasabing workshop ang Golden Cooker—isang high-tech na kagamitang likha ng isang F1 Race Engineer na mabilis makapagluluto ng gintong bigas.
Nagdulot ng malaking epekto sa mga opisyal na patakaran sa pagkain sa Pilipinas ang pagbisita ni Oliver. Bilang tugon sa pagbabagong hatid ng Rice Master, pinalaganap ni Totoy Macoy Jr. ang #GoldenRiceChallenge sa social media upang hikayatin ang mga mamamayan na tanggapin ang pagbabagong hatid nito.
Mga hakbang para sa ginintuang pagbabago
1. Magtakal ng Tallano Gold
Bigas na itinuturong pinagmulan ng yaman at impluwensya ng pamilyang Macoy, ipamamahagi na ngayon sa madla! Like father, like son, naging cravings din ni Totoy Macoy Jr. ang Tallano Gold. Sa pagtatangkilik nito, mas mapapalawig pa hindi lamang ang kultura at tradisyon, pati na rin ng patuloy na pag-iral ng mga kaugalian mula sa nakaraan.
2. Hugasan ito kasabay ng mga pangako at sukatin gamit ang peace sign
Sa unang take ni Direk Apple ng vlog ni Macoy Jr., ipinangako niyang uunahin ang kalagayan ng mga mamamayan. Ngunit, nasaan na nga ba ito? Umaasa ang lahat ng subscribers dito. Sa paghahanap ng solusyon sa mga problemang kinahaharap ng bansa, mas nabibigyang-halaga ni Macoy Jr. ang pag-peace sign sa camera. Subalit, sa kabila ng kaniyang mga pagsisikap, hindi pa rin sapat ang kaniyang paraan ng pagsukat ng tubig sa kaldero.
3. Hintaying maluto. . . manood muna ng Coldplay
Habang hinihintay maluto ang sinaing, inaanyayahan ang lahat na makinig o manood sa bandang Coldplay. Ipokus nga lang ang atensyon, at baka masunog ang kanin.
4. I-flex sa YouTube channel ang nilutong kanin
Syempre, huwag kalilimutan ang peace sign at signature ngiwi pose sa intro ng vlog. I-flex ang mga pangakong daig pa ang April Fools tulad ng bente pesos na kilo ng bigas na malapit nang maging bente per butil. Tila naging isang mukbang ito ng gintong bigas, habang hanggang nood na lang ang mga nasa laylayan. Hanggang nood na lang, habang kumukulo ang tiyan.
Sa pagpapatuloy ng #GoldenRiceChallenge, bukod sa peace sign, isa pang “P” ang twist ni Macoy Jr. diyan, bigyan ng price ceiling iyan! Sabay sa pagpapababa ng presyo, apektado na ang mga magsasakang nag-aani nito. Sa pagpapatupad nito, mas nabigyang puwang pa ang mga “scalper” ng golden rice sa merkado.
Sa bansang numero unong pangangailangan ang kanin, nangangailangan tayo ng taong magaling magsaing. Marapat na marunong at alam ang takal ng bigas na sasaingin. Lahat mabibigyan at walang maiiwan na pakakainin. Iyong hindi lamang huhugasan ang mga bigas kasabay ng agos ng kaniyang mga pangako. Bente pesos na kilo, bente per butil pala, hala na-prank tayo! Sa paggamit ng Golden Cooker habang nakikinig ng Coldplay, magsasaka ang naging tutong matapos isaing. Peace sign habang bumubulusok ang ekonomiya, alam nating walang take 2 kapag namatay na ang mga magsasaka.
Sa kasalukuyan, nag-aangkat pa ang Malacañang ng mga dayuhan. Nandiyan ang Vietnam, Myanmar, Thailand, at iba pa upang tayo’y saluhan sa challenge ng mala-sirkus na pamahalaan. Pag-import na talo ang mga Pilipino at malamang dayuhan ang mananalo. Subalit sandali nga lang, ano nga ba ang premyo kapag tayo ang nanalo sa #GoldenRiceChallenge ng gobyerno?