Sa pag-upo ng mga manonood sa madilim na Teresa Yuchengco Auditorium, tila may lambong bumabalot sa misteryong pilit kumakawala. Yumayakap ang katahimikan sa bawat isa habang pinalalakas antisipasyon. Kaabang-abang ang pagbukas ng mga pintuan patungo sa kahanga-hangang mundo ng Paroo’t Parito.
Mula Marso 20 hanggang 22, ipinakita ng DLSU Harlequin Theatre Guild ang lagusan patungo sa lugar ng pinaghalong mahika at realidad. Sa “Paroo’t Parito, Liwayway ng Pag-asa. Silip sa Kuwentong Nueva Vizcaya”, pinagtahi-tahi ni Dr. Richie Ann Balgos ang mga kuwento ng kabataang Lumad na kumurot sa imahinasyon ng mga manonood.
Sa gitna ng kagubatan, unang maririnig ang mga awit at kuwento ng kabataan. Susundan naman ito ng pagsasadula ng mga hamong hinarap ng mga elemento ng kalikasan. Hindi pa rito magtatapos ang kakaibang mundo ng Paroo’t Parito. Magbubukas din ang pintuan sa isang makulay at makabuluhang karanasan ng mga taong nabubuhay sa punerarya. Sa huling pagsindi ng ilaw, matutuklasan ang tradisyong isinalin mula sa ilang henerasyon ng kababaihan.
Pagyakap sa luntiang hinaharap
Nagsimula ang pagtatanghal ng mga bidang musmos ng Pelaway sa unang dulang “Minkeva (Lakad Lang)” sa direksyon nina Zion Lim at Aaliyah Labrador. Kilo-kilometrong paglalakad sa masukal na kagubatan ang tiniis ng mga mag-aaral makapasok lamang sa paaralan. Saksi ang luntiang kalikasan sa kanilang pagdaing at paghihirap habang bitbit nila sa daan ang kani-kaniyang himig ng pangarap.
Sa gitna ng kanilang paglalakbay, ipinakita ng mga tagapagtaguyod ng kalupaan at kalangitan ang hiwaga ng buhay. Nagmula raw ang buhay sa kalikasan at ipinagkatiwalang kalingain ng sangkatauhan. Sa gayon, nagpatuloy sila sa paglakad tangan ang bagong inspirasyon upang tuparin ang mithiing inaasam. Ipinakita nitong mahalaga ang bawat hakbang sa pag-abot ng mga pangarap—isang binhi ng pag-asa sa bawat yapak.
Tampok naman sa ikalawang dulang “Balitok (Ginto)”, sa direksyon nina Devon De Vera at Chelzea Juniosa, ang mga batang Kalilet at ang mga elemento ng kalikasan. Sari-saring mga pangarap ang ibinida ng bawat bata—halintulad ng lipunang may iba’t-ibang mukha at ipinaglalaban. Kabuhayan ang inuuna ng iba habang kaligtasan ang priyoridad ng ilan. Subalit, sa harap ng matinding unos, nasubok ang kanilang pagkakaibigan at prinsipyong pinaniniwalaan.
Sa murang edad, nakagisnan ng mga bata ang pang-aabuso ng malalaking korporasyon sa likas-yaman. Wala man silang sala sa pagkasira ng kapaligiran, kabataan ang nalagay sa kapahamakan. Sa kasamaang palad, lalong dumilim ang bulaang pag-asa ng maganda nilang kinabukasan. Gayunpaman, pinili nilang tanawin ang liwanag na handog ng mga diwatang tagapangalaga ng kalikasan. Nagbigay-pagkakataon ito upang bumuo sila ng mga sariwang pangarap na muling kukulayan ng mga diwang kumikislap.
Mababanaag hanggang sa kasalukuyang hindi lamang isang katha ang mga tunggalian ng tao at kalikasang ipinakita sa dula. Bagkus, tunay na ipinaglalaban ng mga katutubo ang kanilang lupang tinubuan laban sa mga mapang-abusong kompanya. Sa huli, binigyang-diin ng dulang may karapatan ang tao at kalikasan sa isang hinaharap na may kasiguraduhan.
Pagtalikod sa makulimlim na nakaraan
Sa pagbabalik sa tanghalan, bumungad ang munting punerarya bilang tagpo sa dulang “Pencil Box” sa direksyon nina EJ Ramos at Jessica Soriano. Nakapapanibago ito sa mga naunang pagganap sapagkat hindi na napigil ang halakhak ng mga manonood sa buong teatro. Sa pagpasok pa lang ng mga bidang sina Francesca Togado bilang Jen-jen at Aleshanee Abanilla bilang Jon-Jon, nailatag na ang nakasisiyang daloy ng dula. Mas lalo pang naabot ang rurok ng kaligayahan nang dumagdag sina Kat Dela Cruz bilang Batang Jen-Jen at Anna Franceska Correo bilang Dan-Dan. Nabuo ang balanse sapagkat umangat sa entablado ang kaniya-kaniyang mga personalidad nang hindi sinasapawan ang isa’t isa.
Hindi rin nagkulang ang obra sa pagtalakay ng makabuluhang isyu ng mga pamilya. Maiuugnay ng madla ang sarili sa anak na hinahanap ang sarili at inang binubuhay ang deka-dekadang tradisyon. Mahusay ang palitan ng emosyon at natural ang daloy ng dula. Kaya naman, sa pagwawakas, iiwanan ang manonood na may pag-aasam na hindi na matapos ang naka-aaliw na produksyon ng Pencil Box.
Sa pagbukas muli ng mga ilaw, tumambad ang munting tahanan bilang tagpo ng “Inala” sa direksyon nina Jacinth Rodriguez at Murline Uddin. Tinalakay rito ang buhay-bahay ng tatlong henerasyon ng kababaihan sa pagganap nina Chloe Velasco bilang Edythe, Elishah Antonio bilang Teresa, at Richelle Manaloto bilang Salve. Salungat sa dumaang produksyon, bakas sa seryosong mga diyalogo ang mabigat na emosyon ng teatro sa pagbubukas pa lang nito. Pinagagaan ang kabigatan ng dula ng kamusmusan ni Edythe at mga biro ng mga sumusuportang aktor.
May ilang sandali namang mabagal ang daloy ng dula, ngunit napananatili pa rin ang atensyon dala ng kuryosidad na malaman ang pinaghuhugutan ng bawat bida. Sa kabilang dako, mahirap makamit ang balanse sa komedya dala ng mabigat ng paksang tumalakay sa domestikong pang-aabuso. Mahirap panoorin ngunit naipararating ang pinagdadaanan sa tunay na mundo ng ilang kababaihan. Mahusay na sinimulan at binigyang-resolusyon ng dula ang pagpupumiglas mula sa pang-aabuso.
Pagpasok sa mundo ng mahika at realidad
Sa paglalakbay sa mundong Paroo’t Parito, hindi lamang mga natatanging kuwento ng kabataan ang nasilayan ng mga manonood. Pinaghalong mahika at realidad ang ipinakita sa mga dula. Nasaksihan din ang pagsibol ng pag-asa, pagtitiwala ng magkakaibigan, at pagpapahalaga ng pamilya.
Madamdamin at puno ng aral ang paglalakbay sa bawat yugto—nagsimula sa Minkeva, sumunod ang Balitok at Pencil Box, hanggang sa Inala—na talaga namang tumatak sa mga puso at isipan ng mga manonood. May kapupulutang aral ang bawat kuwentong puno ng inspirasyon at pag-unawa sa buhay.
Sa bawat pintuang binuksan sa mundo ng Paroo’t Parito, palatandaan ang bawat kuwentong isang walang katapusang paglalakbay ng pagkakaibigan at pag-ibig ang buhay.