PINANGUNGUNAHAN ng Lasallian Social Enterprise for Economic Development (LSEED) ang pagbuo ng mga programang naglalayong paunlarin ang sektor ng negosyo at inobasyon sa loob at labas ng Pamantasan. Binibigyang-pansin din ng naturang opisina ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon. Hinahangad nilang ilatag ang konsepto ng social enterprise at innovation upang solusyonan ang mga umuusbong na suliranin ng lipunan.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Dr. Norby Salonga, direktor ng LSEED, ibinahagi niya ang mga tungkulin at inisyatiba ng opisina. Pinasadahan din niya ang mga nakahaing programang tinitiyak na pausbungin ang kamalayan ng mga Lasalyano at komunidad ukol sa mga usaping panlipunan.
Pagbibigay pag-asa sa lipunan
Idiniin ni Salonga na pinagtutuunan ng pansin ng LSEED ang mga suliranin sa komunidad tulad ng kawalan ng akses sa serbisyong pangkalusugan, pang-edukasyon, at pangkabuhayan. Alinsunod ito sa Sustainable Development Goals (SDG) 8 at 17 na nagsisilbing gabay ng opisina. Nakasentro sa disenteng trabaho at pagpapaunlad ng ekonomiya ang SDG 8, samantalang nakatutok sa pandaigdigang pagnenegosyo para sa sustenableng pag-unlad ang SDG 17.
Bunsod nito, tinukoy ni Salonga ang 11 programa ng opisinang tumutugon sa mga naturang pangangailangan ng komunidad. Binubuo ito ng LSEED Fellowship Program, LSEED Certificate Program, LSEED Online Community, LSEED sections ng National Service Training Program, at Students Affairs Services 2000. Kabilang din dito ang LSEED internship and volunteering program, online at offline Lasallian SE Marketplace, Social Innovation Entrepreneurship Research, at Social Enterprise Development for Student Organizations.
Layunin ng mga naturang programang makipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon sa loob at labas ng Pamantasan, magsulong ng mga adbokasiyang patungkol sa social enterprise, at makagawa ng mga proyekto kasama ang kanilang mga kaagapay na komunidad. Pagmamalaki ni Salonga, “Ang kagandahan sa Social Enterprise, lahat ng sektor nasasakop [kaya] pwede kang bumuo ng Social Enterprise gamit ang iyong lente at perspektiba at matulungang mai-address o masolusyonan ‘yung problema.”
Kapit-bisig tungo sa kaunlaran
Ibinida ni Salonga na nakikipagtulungan ang LSEED sa mga lokal at internasyonal na organisasyon kagaya ng ASEAN Learning Network, Institute for Social Entrepreneurship in Asia, British Council, MSME Council, Pamantasang Ateneo de Manila Go Negosyo, at Bayan Academy upang makapaghatid ng serbisyong nakatuon sa pagnenegosyo at inobasyon. Pahayag pa niya, “Nakikipag-ugnayan [din] tayo sa local government, sa national government. . . para [masiguro] na yung agenda na pang-national, pasok ang social enterprise.”
Ipinakilala rin ni Salonga ang plataporma sa pananaliksik ng LSEED Center na tinaguriang Social Innovation Entrepreneurship Research Program (SIER). Ginagamit ng LSEED ang SIER bilang sentro ng pananaliksik sa agham, teknolohiya, at inhenyeriya. Ipinakilala rin niya ang #WeCan International Research Colloquium, isang pagpupulong tungkol sa pananaliksik na isinasagawa ng LSEED kasama ang mga bansa tulad ng Japan, China, at South Korea.
Nakikipag-ugnayan din ang LSEED sa mga student organization kabilang na ang University Student Government, Council of Student Organizations, Center for Social Concern and Action, at Student Leadership Involvement, Formation and Empowerment upang masiguro ang pagsasakatuparan ng mga pangmatagalang proyektong inihanda ng opisina. Kaisa ang mga naturang organisasyon sa pamamahagi ng kahalagahan ng social entrepreneurship na nagbibigay-solusyon sa mga problemang kinahaharap ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Pinangangasiwaan naman ng LSEED Center ang tatlong student organizations sa loob ng Pamantasan. Kabilang dito ang Hult Prize at DLSU na nakatuon sa social entrepreneurship at DLSU Startup Creator and Accelerator for Lasallian Entrepreneurs para sa entrepreneurship at teknolohiya. Sa kabilang banda, tinutugunan naman ng Collegiate Entrepreneurs’ Organization ang kauna-unahang ecosystem building na inisyatiba sa Pilipinas na magsisilbing sistema ng suporta sa patuloy na paglago ng social enterprise.
Hinihikayat ni Salonga ang pamayanang Lasalyanong makilahok sa mga programa ng LSEED. “[Ang] social enterprise ang pangunahing tumutugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad. . . Dahil parte tayo ng isang komunidad. . . dapat nating pag-isipan [ano ang] maaaring maging kontribusyon natin sa pagpapaunlad ng komunidad na ating kinabibilangan,” paghimok ni Salonga.
Inilunsad din ng LSEED sa kasalukuyan ang SEDSO na naglalayong maging pangmatagalan ang mga programa ng iba’t ibang organization sa pagbuo ng mga social enterprise. Kaugnay ito ng paniniwala ni Salonga sa kakayahan ng pamayanang Lasalyanong maging malikhain at moderno.