BINALAAN ng Office of the Provost ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang pamayanang Lasalyano na maging mabusisi sa wastong paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa kanilang pananaliksik at pag-aaral. Binigyang-linaw rin ng Pamantasan ang mga banta sa paggamit ng AI at inihayag ang pagsuporta sa mga DLSU AI researcher sa patuloy na pagsulong ng kaalaman sa naturang larangan.
Inilatag din ng Pamantasan ang mga prinsipyong dapat sundin sa makabuluhang paggamit ng AI sa pagtuturo at pagtatag ng mga parametrong magtatakda ng limitasyon sa pagamit nito. Layunin nitong magkaroon ng malalim na talakayan ang mga kinatawan at administrasyon ng Pamantasan hinggil sa pagpapahintulot sa mga pagbabago ng patakaran tungkol sa AI.
Pagkilatis sa artipisyal na kasanayan
Tinukoy ni Telibert Laoc, propesor mula sa Department of Political Science and Development Studies, ang malawakang paggamit ng mga estudyante ng AI sa pananaliksik at pag-aaral. Kaugnay nito, ipinaalala rin niyang nararapat siyasatin ng mga estudyante ang limitasyon sa paggamit nito.
Batay kay Laoc, naging bahagi na ng pag-aaral ang paggamit ng AI at nakatutulong ito sa pagpapadali ng mga akademikong gawain, pangangalap ng impormasyon, at pagbuo ng mga ideya. Nakapagbibigay rin ito aniya ng serbisyo sa mga kagaya niyang propesor dahil mas napadadali nito ang pagkalkula ng mga grado at pagsasaayos ng mga modyul at iba pang mga materyales sa pagtuturo.
Gayunpaman, isinaad niyang may teknikal na kahinaan ang AI at maaaring mali ang mga kasagutang ibinibigay nito. Nagiging sanhi rin ito ng pagkitil ng sariling kaisipan at pagkamalikhain. Pagdidiin ni Laoc, “Creativity is how you look at things by your experience, anong pinagdanan mo sa buhay–mula pagkabata hanggang pagtanda. Ang mga karanasang ito ang humuhubog at umuukit ng creativity mo–at ‘yun ang wala ang AI.”
Ayon sa kaniya, isa rin sa mga kahinaan ng AI ang kakulangan ng transparency at maayos na sanggunian ng mga nakalap na datos at impormasyon na kalimitang nakapagbibigay ng hindi kapani-paniwala at suportadong sagot. “Sa pananaliksik, dapat may basehan, may sources, at siyasatin kanino kinuha ang impormasyon at sino ang author; wala si AI nito. . . May iba tayong dimensyon ng pag-iisip. Kung si AI ang pinagkuhanan mo ng sagot, doon ka mapapako,” paglilinaw niya.
Naging hati naman ang opinyon ni Laoc ukol sa usaping pandaraya gamit ang AI. Ayon sa kaniya, nagiging mekanismo lamang ito ng pandaraya kapag ginagamit sa maling paraan. Kaugnay nito, hinimok niya ang mga estudyanteng itanim sa kanilang kaisipan ang integridad sa paggamit ng AI.
Bilang propesor, layunin ni Laoc na ikintal sa mga estudyanteng gamitin ang kanilang sariling kaisipan at huwag lamang umasa sa kaalamang handog ng AI. ”Ang lagi kong sinasabi sa mga estudyante, think with your heart. And you don’t have a thinking with your heart kapag umaasa sa AI,” mensahe niya.
Pagtuklas sa serbisyong dala ng AI
Ibinahagi ni Herise Janah Visto, ID122 mula Bachelor of Science in Information Technology, na isang simulation ng katalinuhan ng tao ang AI. Sa kaniyang pagsasalaysay, binanggit niyang nagbibigay ang AI sa kaniya ng kaginhawahan at dagdag kaalaman sa pag-aaral.
Para naman kay Arrow Paquera, ID122 mula Bachelor of Science in Psychology, napakikinabangan niya ang AI sa pag-organisa at pagpapalawig ng kaniyang ideya. Nilinaw rin niyang hindi ito nagsisilbing pamalit sa sariling kakayahan bagkus nagsisilbi lamang itong karugtong ng kaniyang isip.
Ani Paquera, nararapat na isaalang-alang ng mga estudyante at propesor ang etikal at mapanuring paggamit ng AI. Dagdag pa niya, may kakayahan din umano itong magbigay ng mga impormasyong hindi suportado ng matibay na ebidensiya, bagay na nakababahala sa usaping pananaliksik.
Sinang-ayunan din ito ni Myrtelle Tacay, ID121 mula Bachelor of Science in Business Management. Aniya, nagsisilbi lamang na “side search engine” ang AI bilang suporta o konteksto sakaling may mga tanong sa pananaliksik na hindi mahanap sa mga sekundaryang sanggunian. Nanindigan din siyang mas mainam ang tradisyunal na pamamaraan ng pagsasagawa ng mga gawaing pampaaralan kaysa paggamit ng mas pinabilis na serbisyo ng AI.
Paglalahad ni Tacay, “Siguro kinakailangan nandun pa rin yung sense of responsibility na dapat gawin ng students and maging conscious sa konteksto ng academic integrity dahil sayang [din] ‘yung ipinapangbayad nila sa kanilang tuition kung umaasa lang sa AI at hindi sa sariling capability.”
Sa kabuuan, katumbas ng pagyakap sa transpormatibong kapangyarihan ng AI ang kolektibong responsibilidad sa epektibong paggamit nito. Mahalagang maging bukas ang isipan sa pag-aaral at pagpabubuti nito at tukuyin ang mga naaayon na patakaran upang mapangalagaan ang pang-akademikong integridad. Sa gayon, patuloy na mahahasa ang sistemang pumapanday sa potensiyal ng AI sa mga susunod pang henerasyon.