LIGLIG na pagmamahal ang inialay ni Restituto “Kuya Resty” Ortega Jr. bilang isang kilalang utility man ng Office of Sports Development (OSD) ng Pamantasang De La Salle (DLSU). Umabot ng 25 taon ang kaniyang pamamalagi sa OSD buhat ng mabusising pagsusumikap at hindi matatawarang katapatan.
Madalas mang hindi hinaharap sa entablado, hindi maikakaila ang kaniyang bahagi sa bawat karera ng mga atletang Lasalyano. Kaugnay nito, isinalaysay ni Kuya Resty sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kaniyang karanasan at saloobin sa loob ng mahabang taong paninilbihan sa Pamantasan.
Umaapaw na dedikasyon
Kabalikat ng bawat paglampaso ng sahig ang kasu-kasuang umaaray sa tuwing pumapatak ang oras ng pahinga. Subalit, para kay Kuya Resty, isa itong gintong karanasan na naging tulay patungo sa mas malagong oportunidad.
Taas-noong nagbalik-tanaw si Kuya Resty sa panayam ng APP tungkol sa kaniyang makabuluhang pinagdaanan sa Pamantasan. Aniya, nagsilbi muna siyang janitor ng unibersidad noong taong 1990 bago tuluyang napadpad sa mundo ng isports matapos ang anim na taon. Buhat ng hindi mapantayang suporta sa mga atletang Lasalyano, kinilala siya bilang regular na empleyado paglipas ng isang taong pamamalagi sa OSD.
Gayunpaman, hindi naging madali para sa beteranong utility man ang desisyong manatili sa Pamantasan. Pagbabahagi niya, naglakas-loob lamang siyang pasukin ang mundo ng pampalakasan na nasa ilalim ng pamamahala ng OSD. “[Sa] awa ng Diyos, maganda naman ‘yung [trato] sa akin dito sa isports kaya umabot ako ng 25 years,” ani Kuya Resty nang may ngiti sa labi.
Bayani sa likod ng entablado
Katuwang ng mga atletang Lasalyano si Kuya Resty sa bawat pagsasanay at bakbakang kanilang kinahaharap. Hindi niya alintana ang pagod mula ika-6 ng umaga hanggang ika-9 ng gabi, Lunes hanggang Sabado, upang mapaglingkuran ang mga manlalaro. Bukod pa rito, ibinahagi niyang isa sa kaniyang mga pangunahing tungkulin ang paghahanda ng mga kinakailangan ng DLSU Men’s Basketball Team. Ilan sa kaniyang pangunahing gampanin ang paglilinis ng kort gayundin ang paghahanda ng tubig, tuwalya, at iba pang materyales na kakailanganin ng mga atleta sa kanilang pagsasanay.
Lingid sa kaalaman ng nakararami, may mga pagkakataong pumapasok si Kuya Resty tuwing Linggo para sa pag-eensayo ng mga atleta. “Halimbawa may game ng Wednesday so kailangan mag-practice ng Sunday. Papasok kami kahit Sunday ‘yung [day] off namin, kung may practice obligado kaming pumasok,” ani Kuya Resty.
Pagmamahal sa serbisyo
Matibay na pundasyon ang itinayo ni Kuya Resty upang magtagal ng 25 taon bilang isang utility man ng mga koponan sa Pamantasan. Sa likod ng nag-aalab na dedikasyong ito, malaki ang naging gampanin ng kaniyang pamilya bilang motibasyon sa pagpupursigi sa paglilingkod.
Dagdag pa rito, ang pagkakaroon ng pagkakataong makapunta sa iba’t ibang bansa ang kaniyang maituturing na benepisyo at isa sa hindi malilimutang karanasan. “Unang [sama] ko [sa] Taiwan yung men’s basketball [tapos] ‘yung sunod Korea men’s basketball [din],” malugod na ibinahagi ni Kuya Resty.
Sa pagyakap sa gampanin bilang utility man, hindi natatapos ang serbisyo sa oras ng pagsasanay ng bawat koponan. Kaakibat nito ang pagiging handa sa anomang hindi inaasahang hamong haharapin ng bawat atletang Lasalyano. Para sa nangangarap na sumunod sa kaniyang yapak, ang pagiging matapat at masigasig sa trabaho ang magiging pangunahing susi sa matagumpay na ugnayan sa loob at labas ng koponan.
Buhat nito, buong pusong ipinagmamalaki ni Kuya Resty na sa bawat kinang ng medalyang naiuuwi ng mga atletang Lasalyano, hindi maikukubli ang kaakibat na dedikasyong nagmula sa kaibuturan ng kaniyang puso.