HINDI MATUTUMBASAN ang gaang ibinibigay ng mga matitikas na strength and conditioning coach sa mga atletang Lasalyanong itinataas ang bandera ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa entablado ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Patuloy ang kanilang pagkayod upang mapanatiling makisig ang pangangatawan ng mga manlalaro. Bakal man ang puhunan sa larangan, hindi maitatanggi ang tibay na naibibigay ng mga tagapagsanay sa mga atleta ng Pamantasan.
Kasabay ng mainit na pagbabalik ng UAAP Season 86, ibinahagi nina Coach Miguel Aytona at Coach Gelo Vito sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel ang mga pagsasanay at programang kanilang isinasagawa bilang mga strength and conditioning coach ng DLSU Green Archers.
Pagpapagaan sa bigat ng pasanin
Mahigpit na nakaagapay ang mga strength and conditioning coach sa masidhing pagbabanat ng buto ng mga atletang nais makakuha ng pagkakataong maipamalas ang kanilang husay. Ayon kay Coach Aytona, nakatuon ang kanilang gampanin sa pagpapatibay ng katawan ng bawat Green Archer at matiyak na nakasusunod sila sa programa ni DLSU Men’s Basketball Team Head Coach Topex Robinson.
Bilang dating manlalaro ng University of the Philippines Fighting Maroons, ibinahagi ni Coach Vito na hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng mga injury na maaaring maging balakid sa karera ng isang atleta. Kaugnay nito, lumikha sila ng karagdagang programa upang makabalik sa angkop na lakas ang mga manlalarong nagtamo ng pilay. Dagdag pa ni Coach Aytona, “All the basics, we had to put them in different phases. We had to start with a foundational phase, wherein we do higher reps kasi ‘yung mga joints, tendons, and ligaments, it adapts better to those parameters.”
Kaakibat naman ng pag-eensayong pisikal ang mental na paghahanda sa mga manlalaro. Pagdiriin ni Coach Vito, isinasalang nila ang mga atletang dumaraan sa rehabilitasyon sa mga pagsasanay na magbibigay sa kanila ng motibasyon upang makabalik sa kort. Nagsisilbi rin itong gabay sa mga manlalaro upang patuloy na magpursigi at mapanatili ang kanilang posisyon sa rotasyon ng koponan. Bukod pa rito, isinasaalang-alang din nila ang pagod na nararamdaman ng mga atleta. “As much as possible we give them chances where they can move away from the game, move away from the training [to have a rest],” pahayag ni Coach Vito.
Karangalan sa landas na tinahak
Lingid sa kaalaman ng karamihan ang masalimuot na proseso sa pagiging isang strength and conditioning coach. Kabilang dito ang masidhing pasensya sa pakikitungo sa mga atleta at pagdududa ng karamihan. Gayunpaman, hindi nagdalawang-isip sina Coach Aytona at Coach Vito na magpursigi sa talunton na ito. “I get a good feeling of purpose whenever I see myathletes improve really well,” ani Coach Aytona.
Samantala, taos-pusong pasasalamat naman ang inihayag ng mga tagapag-ensayo sa suportang kanilang natatanggap mula sa pamayanang Lasalyano. Hindi maipagkakailang malaking papel ang ginagampanan ng dalawang strength and conditioning coach sa pagtatatag ng matiwasay na sistema sa koponan. Buhat nito, ipinapangako nina Coach Aytona at Coach Vito ang kanilang patuloy na gampanin at pag-agapay sa Green Archers.