BUMULAHAW ang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at Tsina kaugnay ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea. Bunsod ito nang naging mapangahas na galaw ng Tsina sa pagnanais nitong angkinin ang mga bahagi ng naturang karagatan sa kabila ng paggiit ng Pilipinas sa sarili nitong soberanya.
Tumindi ang mga engkuwentro sa pagitan ng dalawang bansa nitong nakaraang taon nang harangin ng Tsina ang mga resupply mission na isinagawa ng Philippine Coast Guard (PCG). Gayundin, sinubukan ng Chinese Coast Guard (CCG) na lagyan ng floating barrier ang Scarborough Shoal upang hindi makapasok ang mga Pilipino sa nasabing lugar at ipinagpatuloy ang tahasang paninindak sa mga mangingisda ng bansa.
Sa ikapitong taon mula nang maipanalo ng Pilipinas ang kaso sa West Philippine Sea, lalo lamang lumubha ang pagsasawalang-bahala ng Tsina sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration. Pumabor man ang inilabas na Hague ruling para sa Pilipinas, bigo pa rin ang bansang malayang maglayag sa sarili nitong karagatan dahil sa matinding presensya ng Tsina at lumulutang na suliraning kaakibat ng pagdepensa sa sariling teritoryo.
Puwang sa angkla ng depensa
Sa nakalipas na 17 taon, napag-alamang Php118.7 milyon lamang ang natanggap na confidential and intelligence funds (CIF) ng PCG. Mula sa datos na inilabas noong Setyembre, binigyang-atensyon ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG tungkol sa tensyon ng West Philippine Sea, ang maliit na bahaging napupunta sa sandatahang lakas kasabay ng pag-ugong ng kontrobersyal na alokasyon ng CIF sa ilang ahensya ng gobyerno.
Pumapalaot sa maliit na pondo ang PCG sa kabila ng pagganap nito bilang unang hanay ng depensa ng bansa sa mga isyung pambaybayin. Bagamat naitaas na ng Senado sa mahigit Php27 bilyon ang badyet ng ahensya, kinahaharap pa rin ng PCG ang kakulangan sa barko at pantustos sa pagpapanatili ng kaayusan ng mga ito. “We found out that a lot of their [PCG] ships are inoperable because they are not being maintained. Wala silang pera for maintenance,” ani Senadora Grace Poe sa deliberasyon ng Senado hinggil sa 2024 badyet ng Department of Transportation.
Gayundin, unti-unti nang nasisira ang BRP Sierra Madre na matagal nang nagsisilbing military outpost ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal. Ayon sa pahayag ni Ireneo Espino, senior undersecretary ng Department of Defense, sa ulat ng ABS-CBN News noong Setyembre, “The deterioration is faster than the supply that we do to Ayungin. I mean mas mabilis masira.” Iginiit din ng opisyal ang matinding pangangailangan ng pagsasaayos sa barkong unang ginamit noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at giyera sa Vietnam.
Naninindigan pa rin ang Pilipinas na paigtingin ang diplomatikong pamamaraan tungo sa pagresolba sa hidwaan. Subalit, hindi ito nangangahulugang palalampasin ang pananakot ng Tsina at mananatiling walang presensya ang bansa sa West Philippine Sea. Sa katunayan, nitong Nobyembre, tumibay ang pwersa ng PCG nang magbigay ng limang barko at karagdagang surveillance systems ang Japan.
Rumaragasang hidwaan
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Dr. Joseph Velasco, isang kilalang dalubhasa sa agham pampolitika, ibinahagi niya ang mga pampolitika at pang-ekonomiyang implikasyon ng tensyon ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea. Alinsunod nito, binigyang-diin niya ang pagtanaw sa tensyon hindi lamang mula sa pananaw ng Pilipinas ngunit mula rin sa rehiyonal at pandaigdigang lente.
Inihayag ni Dr. Velasco ang kahalagahan ng ginagampanang papel ng West Philippine Sea sa pandaigdigang kalakalan dahil maaaring magdulot ng pagkagambala sa kalakalan at kalaunan sa ekonomiya ang patuloy na tensyon. Pagpapalawig ng eksperto, “In terms of security, China’s infrastracture build-up and ongoing confrontations jeopardize Philippine national security and disrupt regional stability.”
Pagpapalalim pa ni Dr. Charmaine Misalucha-Willoughby sa kaniyang inilathalang pagsusuri sa United States Institution of Peace, higit pa sa isang isyung heopolitikal ang tensyon sa West Philippine Sea dahil nakaaapekto rin ito sa sektor ng pangingisda at seguridad ng pagkain. Kabilang sa mga manipestasyon ito ang pagbaba ng mga nahuhuling isda ng mga mangingisda ng Pilipinas sa Scarborough Shoal dahil sa panggigipit ng mga Tsino.
Bagkus, iminungkahi ni Dr. Velasco na bigyang-priyoridad ang diplomatikong solusyon sa pagtugon sa naturang hidwaan. “Our priority is for our fishermen to be able to access their traditional fishing grounds. Any step the Philippines takes in relation China should be well-considered,” pagpapaalala ng propesor.
Pagkalunod sa sariling tubig
Naiipit sa naturang hidwaan ang mga mamamayang tumutungo sa karagatan upang maghanap-buhay. Batay sa ulat ng Inquirer, limang mangingisdang Pilipino ang sinagip ng PCG matapos banggain ng isang Chinese commercial vessel nitong Disyembre. Dagdag pa rito, ilang beses na ring binomba ng tubig ang mga sasakyang pandagat na ginagamit ng mga Pilipino sa Scarborough Shoal.
Kaakibat nito, itinataas ng Bigkis ng Mangingisda Federation sa Masinloc, Zambales, ang masidhing pag-apela sa gobyerno na madagdagan ang miyembro ng sandatahang lakas na magbabantay sa kanila kontra sa mga sasakyang pandagat ng CCG. Hiling pa ni Henrelito Empoc, tagapagsalita ng nasabing grupo sa isang pahayag sa radyong DZBB, “Matutuwa ang mga Pilipinong mangingisda [kapag napadalas sa Bajo de Masinloc ang mga barko ng PHL Navy, BFAR, PCG].”
Malakas ang bugso ng takot at pangambang nararamdaman ng mga mangingisda sa tuwing papalaot sa sariling karagatan. Higit pa rito, sinusuong din nila ang malaking kabawasan sa kinikita araw-araw buhat ng pagbaba ng bilang ng mga nahuhuling isda at pinagmamay-ariang bangka. Lubhang nararamdaman ang bigat ng kakulangan sa kahandaan at pondo ng sandatahang lakas upang makapagbigay ng epektibong proteksyon sa mga Pilipinong namamalagi sa mga nasabing lugar.
Habang sumisikip ang espasyo ng Pilipinas sa angking teritoryo, hindi lamang ang karapatang igiit ang soberanya ang nananakaw mula sa bansa. Kasama na ring naaapektuhan ang mga yamang-dagat at higit sa lahat, ang yamang-taong pilit na binubura ang imahinaryong linyang ibinabandera ng mga Tsino. Para sa mga mangingisdang Pilipino at mamamayang naghahangad na hindi maging dayuhan sa sariling karagatan, mithiin nilang mas lumakas ang agos ng panawagang “Atin ang Pinas, Tsina layas!”