MAHIGPIT NA GINAPOS ng De La Salle University Lady Spikers sa tanikala ang kawan ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 25-19, 25-21, 25-18, sa pagbubukas ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Marso 23.
Bumida para sa Lady Spikers si Kapitana Julia Coronel matapos umukit ng 16 na excellent set at dalawang block. Tumulong din sa kaniya sina Season 85 Rookie of the Year at Most Valuable Player Angel Canino at middle blocker Amie Provido na nakapagtala ng pinagsamang 22 puntos. Sa kabilang banda, pinangunahan ni Faida Bakanke ang Lady Tamaraws nang magsumite ng 13 puntos.
Mailap ang naging simula ng Lady Spikers matapos magbitiw ng tatlong sunod-sunod na error sa pagbubukas ng laro, 1-4. Buhat nito, tumaas ang kumpyansa ng Lady Tamaraws at nagpatuloy ang kanilang pag-arangkada mula sa mga atake nina Jean Asis at Bakanke, 3-7. Samantala, umalingawngaw ang presensya ni Provido matapos magpakawala ng atake mula sa gitna upang itabla ang serye, 9-all. Patuloy ang palitan ng atake ng dalawang koponan, ngunit sumiklab si Canino nang magrehistro ng apat na magkakasunod na marka, 17-13. Bitbit ang apat na bentahe, hindi na nagpaawat ang Taft-based squad at tuluyang sinelyuhan ang unang set, 25-19.
Naging dikit ang salpukan ng magkabilang koponan matapos magpalitan ng service error pagdako ng ikalawang set. Ngunit, kaagad namang nakaangat ang Lady Spikers bunsod ng mga atake nina Canino at Provido, 17-13. Nagawa pang maitabla ng Lady Tamaraws ang laro sa pangunguna ni Gerzel Petallo, 19-all, ngunit agad sumagot si Canino ng dalawang magkasunod na atake, 21-19. Nagtuloy-tuloy ang pagsiklab ng Taft mainstays sa huling bahagi ng set na siyang winakasan ni Alleiah Malaluan sa bisa ng isang backrow attack, 25-21.
Mahigpit ang naging sakmal ng Morayta-based squad sa pagbubukas ng ikatlong yugto matapos ang mga atake ni Bakanke at Chen Tagaod, 7-all. Sa kabila nito, masinop na nakulong ng Berde at Puting pangkat ang mababangis na Tamaraws bunga ng nakasasakal na depensa. Dagliang nagliyab ang mga palaso matapos ang 8-0 run buhat ng mga perpektong set ni Coronel at umaatikabong spike nina Provido at Canino, 15-7. Bahagyang nakadikit ang FEU, ngunit hindi ito naging sapat upang suwagin ang Lady Spikers na tinuldukan ang tapatan sa umaapoy na kill ni Provido, 25-18.
Bunsod ng panalo, napanatili ng Lady Spikers ang five-game winning streak tangan ang 7-1 panalo-talo kartada. Samantala, muling magpapakitang-gilas ang Lady Spikers kontra University of the Philippines Fighting Maroons sa susunod na Huwebes, Abril 4, sa ganap na ika-4 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena.