INANUNSYO ng Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition Fees (MSCCTF) ang limang porsyentong (5%) pagtaas ng matrikula sa susunod na akademikong taon 2024–2025 sa isinagawang town hall meeting na pinangunahan ng De La Salle – University Student Government (DLSU USG), Marso 13.
Nagbahagi rin ng sentimyento sa pagpupulong ang DLSU Parents of the University Students Organization (PUSO) at Association of Faculty and Educators of DLSU (AFED) upang ihayag sa pamayanang Lasalyano ang mga napagkasunduan mula sa naganap na pagpupulong ng MSCCTF kasama ng University Administration noong Pebrero 21.
Alab ng dedikasyon sa panawagan
Dinaluhan ng pamayanang Lasalyano ang naturang town hall meeting upang antabayanan ang naging pagpapasya ng MSCCTF sa pagtaas ng matrikula. Matatandaang aktibong nakiisa ang mga nananawagang estudyante sa mga nagdaang kampanya kontra tuition fee increase (TFI) na pinangunahan ng DLSU USG.
Nagbalik-tanaw si USG Chief Presidential Communication Officer Mikee Gadiana sa mga proyektong naisakatuparan ng DLSU USG para ikampanya ang 0% TFI. Tinalakay niya ang ipinamalas na dedikasyon ng DLSU USG upang pangasiwaan ang mga focus group discussion, pangangalap ng sarbey, at isinagawang kilos-protesta upang tutulan ang minamatang pagtaas ng matrikula sa Pamantasan.
Isiniwalat naman ni USG Chief Presidential Advisor Xymoun Rivera na nagsimula ang kanilang opisina sa panukalang 0% tuition fee increase noong Disyembre 2023. Masusi anilang pinag-aralan ang mga datos at opinyon ng iba’t ibang sektor sa Pamantasan upang makabuo ng isang komprehensibong polisiyang naglalayong isulong ang karapatan ng bawat estudyante. Batay sa resulta ng sarbey 5,312 estudyante ang tumutol sa TFI.
Mariing ipinaalala ni Rivera na hindi nagsisinungaling ang mga numero at datos na nakalap mula sa mga sarbey na isinagawa ng USG. “I pledge the Policy Department will redouble efforts in crafting policies that will ensure De La Salle University is a University of, for, and by the people,” pangako niya.
Hadlang sa kahilingan
Ipinabatid ni USG School of Economics Government (SEG) President Annika Subido na nagtagal mula Enero 24 hanggang Pebrero 7 ang naging deliberasyon ng MSCCTF para sa ipapataw na TFI sa susunod na akademikong taon. Binubuo ang komite ng MSCCTF ng DLSU USG, DLSU PUSO, AFED, Employees Association (EA), at DLSU Administration.
Isinalaysay naman ni USG Executive Treasurer Juliana Meneses ang mga proposisyon ng iba’t ibang sektor ng MSCCTF sa mga nagdaang pagpupulong ng komite. Nagmula ang 9.21% TFI sa suhestiyon ng AFED at EA, mas mataas kompara sa inilatag na 6% TFI ng administrasyon. Sa kabilang banda, naglabas naman ng panukala ang DLSU PUSO na 0% TFI, na sinuportahan ng DLSU USG. Dahil sa magkakaibang kahilingan, naging mahaba ang diskusyon upang isapinal ang desisyon sa pagtataas ng matrikula.
Umabot ng halos walong oras ang deliberasyon ng MSCCTF na nagsimula ng 12 ng tanghali hanggang 7:30 ng gabi. Ibinahagi ni Meneses na tangan ng USG ang kanilang mithiin at panawagan bago pumasok ng silid ng deliberasyon. Pangako nila, ”Hindi tayo lalabas ng kwartong ito na hindi 0% tuition fee increase ang mapagkakasunduan.”
Sa huli, nabigo ang panawagan ng mga Lasalyano at kawani ng USG na panatilihin ang 0% na pagtaas ng matrikula. Batay sa anunsiyong inihayag ni DLSU PUSO President Ma. Lourdes Fajardo, tataas ng 5% ang matrikula sa susunod na taon sa Pamantasan.
Sinubukang tutulan ng USG ang naging desisyon subalit limitado lamang ang kanilang kakayahan ukol dito. Datapwat nanatiling malakas ang loob ng USG sa kabila ng naging desisyon ng komite.
“Since a 5% increase will be applicable next school year, it is right and just to demand for improvements in our student life,” paninindigan ni Meneses. Sa kabilang dako, nangako ang DLSU PUSO na patuloy silang magbibigay ng tulong pinansyal at oportunidad sa mga nangangailangang Lasalyano.
Nanawagan si AFED President Dr. David San Juan na huwag magalit sa faculty sa naging resulta ng pagpupulong. Ipinangako nilang maghahatid ang AFED ng kalidad na edukasyon at ipagpapatuloy ang pagpapalawig ng komunikasyon sa mga estudyante upang marinig ang kanilang mga saloobin at suhestiyon.
Ipinabatid ni Dr. San Juan na hindi buong ikinatuwa ng faculty ang naging pinal na pagpapasiya. Aniya, “Kahit ang mga faculty ay hindi 100% na masaya sa 5% increase, kasi yung 5% increase na ‘yon sa tuition ay hindi automatic na 5% din across the board ang pagtaas ng sweldo ng teachers at staff.”
Pag-asa sa kabila ng pagsubok
Ikinalungkot ni USG President Raphael Hari-Ong ang naging desisyon ng administrasyon. Ipinabatid din niya ang kaniyang pagkadismaya dahil tatlong taon na aniyang hindi naisasakatuparan ang kanilang kahilingang itigil ang pagtaas ng matrikula sa Pamantasan. Aniya, ginawa nila ang lahat ng paraan upang matupad ang ninanais ng mga Lasalyano.
Ibinunyag rin niyang hindi siya agarang pumirma sa memorandum of agreement bago matapos ang naturang pagpupulong. “I did not affix my signature to that document on that very day for I could not, in good conscience, formalize such a decision without first honoring the dismay and anguish it would undoubtedly bring upon the student body,” paliwanag ni Hari-Ong. Sa kabila ng naging resulta sa pagtaas ng matrikula, nangako ang DLSU USG na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang isulong ang karapatan ng mga estudyante.
Nanindigan si Hari-Ong na ipaglalaban ng DLSU USG ang pagbawas ng surcharge fee at pagtatag ng Scholar Card Program para sa mga nangangailangang estudyante sa Pamantasan. Itataguyod din anila ang digitalisasyon sa proseso ng pagbabayad gamit ang e-wallet at palalawigin ang libreng sakay sa Pamantasan.
Maglulunsad din ang kanilang tanggapan ng iba pang mga scholarship grant sa pamumuno ng Office of the Executive Treasurer, tulad ng Unified Sectoral Scholarship Program, 3-Point Subsidy, Dean’s Lister Grant, Achievers Scholarship Program, Lasallian Scholarship Program, at Extra Allowance Program.
Pinasalamatan naman ni Hari-Ong ang lahat ng nakiisa sa kampanyang 0% TFI na inilunsad ng kanilang tanggapan. Taos-puso siyang nangakong patuloy na magiging katuwang ng bawat Lasalyano ang DLSU USG sa bawat karanasan nila sa Pamantasan.