ISINAPORMAL na ang Unified Sectoral Scholarship Program (USSP) sa ikaanim na regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Marso 13. Layon nitong maglaan ng suportang-pinansiyal sa mga Lasalyanong anak ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) at single parent, person with disability (PWD), at estudyante mula sa mga Student Media Group (SMG).
Inihain naman sa unang pagbasa ng sesyon ang mga resolusyong nagmamandatong maglaan ng 15-minutong grace period sa mga klase sa Br. Andrew Gonzalez Hall at paglikha ng Committee on Student Opportunities (CoSO).
Mga bagong iskolar
Ipinabatid ni Irish Garcia, FAST2022, na inakda ang USSP Act bilang bahagi ng inisyatiba ng University Student Government Office of the Executive Treasurer (USG OTREAS) na itaguyod ang iba’t ibang pangangailangan ng mga kinilalang sektor, partikular na sa harap ng mga isyu ng implasyon at pagtaas ng matrikula.
Bukod sa tulong pinansiyal sa mga estudyanteng anak ng mga OFW at single parent, nasasaklaw ng naturang programa ang paglikha ng isang komprehensibong proseso para sa pagkuha ng mga PWD discount. Kabilang din dito ang mga regular na kasapi ng SMG na pumapasan ng gastusin para sa kanilang sariling kagamitan.
Iginiit ni Garcia na maaaring maging balakid ang hamong pinansyal sa patuloy na pakikihalok ng mga estudyanteng mamamahayag sa kanilang mga organisasyon. Dagdag pa ni Executive Treasurer Juliana Meneses, eksklusibo lamang sa mga miyembro ng lupong patnugutan ang kasalukuyang scholarship grant para sa mga SMG.
Pamamahalaan naman ng OTREAS ang operasyon ng USSP, kabilang na ang pagbubukas ng aplikasyon nito. Magtatagal ang isang scholarship grant para sa buong termino. Ipinaliwanag ni Meneses na susuriin ang mga aplikasyon gamit ang isang grading sheet. Susukatin dito ang pinansiyal na estado ng aplikante at ang sanaysay na bahagi ng aplikasyon. Nakabase naman ang mga kakailanganing rekisito ayon sa bawat sektor ng programa.
“Ang gusto natin [ay gawing] hindi masyadong mahigpit [ang proseso], kasi hindi naman mag-a-apply [ang mga estudyante] riyan kung hindi nila kailangan,” wika ni Meneses. Magmumula naman ang pondong gagamitin sa USSP mula sa Student Loan Program, Achievers Fund, depository account, at mga fundraising activity ng OTREAS.
Ibinida ni Meneses na nakalilikom ang bawat bazaar na kanilang inilulunsad tuwing Araw ng mga Puso, University Vision-Mission Week, at Pasko ng hindi bababa sa Php600,000. Tiniyak din niyang handa ang DLSU Parents of University Students Organization na magbigay ng suportang pinansiyal sa mga yunit ng USG kung kinakailangan.
Inusisa naman ni Chief Legislator Bhianca Cruz ang mga plano ng OTREAS hinggil sa pagpapalawig ng saklaw ng USSP, kagaya ng pagdaragdag ng sektor ng mga working student. Bagaman naging bukas si Meneses sa suhestiyon, ipinaunawa niyang wala pang malinaw na batayan ang kanilang opisina para sa pagsukat ng pinansiyal na pangangailangan ng mga working student sapagkat kumikita na sila para sa kanilang mga sarili.
Binigyang-linaw naman ni Sai Kabiling, CATCH2T26, na hindi nila nililimitahan ang mga scholarship grant sa apat na sektor lamang, bagkus may kalayaan ang OTREAS na baguhin ang sistema nito sa hinaharap. Pagbuod niya, “Ang main content lang talaga nito is to ensure that in the future, ‘yung [apat na] sectors talaga na ito ay natututukan. Kasi, wala talagang naibibigay sa kanila.”
Ipinasa ang resolusyon sa botong 18 for, 0 against, at 0 abstain.
Alternatibong solusyon
Itinaguyod naman nina Heaven Dayao, 78th ENG, at Ian Cayabyab, 77th ENG, ang panukalang batas na nagtatakda ng 15-minutong grace period para sa mga estudyanteng may klase sa Br. Andrew Gonzalez Hall. Batay ito sa probisyon sa Student Handbook ukol sa kabiguan ng mga estudyanteng pumasok sa nakatakdang oras ng klase bunsod ng mga hindi maiiwasang sitwasyon, kagaya ng mahahabang pila sa mga elevator sa naturang gusali.
Pinagkakalooban dito ang mga estudyante ng sapat na oras upang maagapan ang late attendance na maaaring humantong sa failure due to absences. Nakasaad sa panukalang magsisimula lamang ang checking of attendance matapos ang unang 15 minuto ng klase. Mananatili naman ang mga probisyon ng handbook hinggil sa pagliban sa klase.
Ipinagbigay-alam ni Cayabyab na sumangguni na sila sa Office of the Provost ukol sa pagpapakalat ng anunsiyong ito gamit ang Help Desk Announcement (HDA). Aniya, “This is important, because there won’t be any Student Handbook amendments within our term. So, implementation of this would be through Provost and through HDA.”
Iminungkahi naman ni Earl Guevara, CATCH2T25, ang pagdaragdag ng probisyong magtatakda ng 45-minutong grace period para sa mga propesor. Ikinatuwiran niyang patas lamang na isaalang-alang din ang karanasan ng mga kawani dahil nakasaad sa handbook na maaari nang lumiban ang mga estudyante sa isang klase makalipas ang 30 minutong wala pa ring propesor.
Umalma naman si Elynore Orajay, FAST2021, para sa mga estudyanteng magmumula sa Br. Andrew Gonzalez Hall tungo sa kanilang mga klase sa main campus. Ibinahagi ni Cayabyab na plano nilang bigyang-bisa ang resolusyon para sa lahat ng mga gusali sa kampus, ngunit kinakailangan pa nilang mangalap ng datos mula sa mga ilalabas na sarbey.
Iniatas ang resolusyon sa komiteng Students’ Rights and Welfare (STRAW).
Oportunidad para sa lahat
Isinulong ni Guevara ang resolusyong magtatatag sa CoSO upang tugunan ang kakulangan ng ugnayan sa pagitan ng mga estudyante at Office of the Vice President for External Relations and Internalization (OVPERI). Pinangangasiwaan ng opisina ang mga ugnayan ng Pamantasan sa mga internasyonal na institusyon at ang proseso ng pakikilahok ng mga estudyante sa mga programa sa labas ng bansa.
Iminamandato rito ang USG Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA) na pamahalaan ang mga operasyon ng komite. Inaprubahan na ito ni Vice President for External Affairs Macie Tarnate at dadagdagan na lamang ng mga bagong probisyon matapos konsultahin ang mga opisina sa Pamantasan. Nais din ni Guevara na magsagawa ng sarbey para sa mga estudyante bago ang ikalawang pagbasa.
Isinalaysay ni Kabiling na kalimitang mga opisyal lamang ng USG ang nakikinabang sa mga proyektong handog ng OVPERI dahil sila lamang ang maalam ukol sa mga ito. Binusisi naman ni Cruz ang kanilang inisyatiba dahil kinahaharap ding isyu ng mga bagong-tatag na komite ang kakulangan sa visibility.
Depensa ni Guevara, “I don’t think naman the problem is the visibility of OVPERI mismo, but the opportunity that the OVPERI offers. . . Whether OVPERI is more highlighted in this bill [or not], the main focus is that the opportunities are highlighted to the student body.”
Kinuwestiyon naman ni Huey Marudo, FAST2023, ang kakayahan ng OVPEA na pamunuan ang CoSO upang hindi ito humantong sa kaparehong direksyon ng Mental Health Task Force. Matatandaang inilipat ang pamamalakad nito sa Pamantasan bunsod ng kabiguan ng USG. Siniguro ni Guevara na makikipag-ugnayan siya sa OVPEA ukol sa plano nito para sa komite.
Gayunpaman, ipinahayag niyang nararapat na OVPEA ang humawak dito bilang mas kilala sila ng mga estudyante kumpara sa OVPERI. Maaari ding ipakalat ng OVPEA ang mga HDA ng OVPERI sa mga USG channel. Ipinunto naman si Tracy Dumaraos, LCSG, na nakaapekto rin sa partisipasyon ng mga estudyante ang huling pagpapadala ng OVPERI ng mga HDA ukol sa kanilang mga programa sa kabila ng maraming rekisito.
Tugon ni Guevara, ilalapit niya ang mga opinyon ng LA sa OVPERI. Magsisilbi namang isponsor ng resolusyon ang STRAW.
Mga nakaambang plano
Ibinalita ng komiteng National Affairs na nakipagpulong na sila sa Lasallian Center for Inclusion, Diversity, and Well-being (LCIDWell) upang talakayin ang pagdiriwang ng Pride Month. Isinusulong din ng komiteng makapaglabas ng opisyal na pahayag ng USG ukol sa usapin ng charter change.
Nagsagawa naman ng konsultasyon ang STRAW kasama ang LCIDWell para sa kanilang ipinapanukalang Disability Inclusion Policy na misyong palawigin ang saklaw ng Disability Inclusion Act sa buong Pamantasan. Nagpaabot naman ng suporta ang LCIDWell para sa pag-enmenda sa Safe Spaces Act. Minamata ng komiteng magpatawag ng pampublikong pagdinig upang mabigyang-linaw ang karanasan ng mga estudyante sa naturang batas sa susunod na termino.
Samantala, pinaalalahanan ni Cruz ang mga lehislador na gaganapin ang unang State of Student Governance ng administrasyong Hari-Ong sa susunod na sesyon ngayong Miyerkules, Marso 20. Magpatatawag naman ang Legislative Assembly Inner Circle ng espesyal na sesyon upang enmendahan ang mga panuntunan ng LA sa Abril 4 o 5.