NAGLIYAB ANG MGA PALAD ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers matapos barahin ang mabangis na hanay ng National University (NU) Lady Bulldogs, 15-25, 25-19, 18-25, 25-19, 15-12, sa kanilang unang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa SMART Araneta Coliseum, Marso 16.
Hinirang bilang Player of the Game si middle blocker Amie Provido matapos umukit ng 14 puntos mula sa siyam na atake at limang block. Tumulong din sa kaniya si DLSU opposite hitter Shevana Laput at open hitter Angel Canino na nagtala ng pinagsamang 37 marka. Samantala, nanguna naman para sa Lady Bulldogs si open spiker Bella Belen na nagsumite ng 20 puntos.
Maagang namuhunan ang Lady Spikers mula sa tatlong magkakasunod na error ng NU, 3-0. Samantala, umalab ang kamay ni Belen matapos magpakawala ng mga atake upang ungusan ang mga nakaberde, 9-12. Nagpatuloy ang pag-arangkada ng Lady Bulldogs sa bisa ng mga atake ni NU winger Vangie Alinsug, 13-19. Sinubukan pang pigilan ni Season 85 Rookie of the Year at Most Valuable Player Canino ang momentum ng Jhocson mainstays nang magpakawala ng down-the-line hit, 14-23. Gayunpaman, napasakamay ng Lady Bulldogs ang unang set mula sa error ng Lady Spikers, 15-25.
Bitbit ang hangaring makabawi, inumpisahan ni DLSU open hitter Alleiah Malaluan ang ikalawang set sa bisa ng isang nagbabagang regalo at opposite attack, 2-1. Hindi rin nagpaawat si Taft tower Laput matapos magkumpas ng tatlong magkakasunod na palo mula sa labas ng linya, 10-8. Sinubukan pang bumawi ng Jhocson-based squad, ngunit tuluyan nang tinuldukan ni Malaluan ang naturang yugto bunsod ng off-the-block hit, 25-19.
Maagang pinakita ng Bulldogs ang tibay ng kanilang pangil sa pagpasok ng ikatlong set matapos tipakin ang palo ni Thea Gagate, 1-6. Sinubukan namang sumagot ni Provido at ipinamalas ang tibay ng Berde at Puting kalasag laban kina Sheena Toring at Alyssa Solomon, 5-11. Nakahanap din ng butas sa pagitan ng dalawang blockers si DLSU opposite attacker Jyne Soreño na kaniyang sinamantala upang magpakawala ng rumaragasang tirada, 8-13. Tuluyang nakaporma ang Bulldogs sa kalagitnaan ng set matapos puntiryahin ni Solomon ang zone 6, 11-20. Nakabuwelo pa ang Lady Spikers gamit ang 3-0 run mula kina Laput at Provido, 17-23, ngunit walang pag-aalinlangang tinuldukan ni Belen ang naturang set, 18-25.
Purong dominasyon naman ang ipinamalas ng Taft-based squad sa panimula ng ikaapat set sa bisa ng mga tirada nina Canino at Provido, 9-0. Pinatikim din ni Provido sa mga nagkukumahog na aso ang talim ng kaniyang running attack 17-9. Umararo naman ng tatlong marka si Lady Bulldog second-stringer Ara Panique upang paliitin ang bentahe ng mga nakaberde, 19-14. Gayunpaman, kaagad na sinalag ni Laput ang tirada ni Panique upang durugin ang namumuong kumpiyansa ng Jhocson-based squad, 20-14. Samakatuwid, napasakamay ng Taft mainstays ang ikaapat na set matapos ang attack error ni Belen, 25-19.
Dikdikan ang naging eksena ng dalawang koponan matapos magpalitan ng nagliliyab na palo pagdako ng huling yugto ng sagupaan, 4-all. Sa kabila nito, nag-uumapaw na determinasyon ang ipinakita ni Canino matapos tumuklaw ng isang open hit, 13-9. Hindi na rin hinayaan pang humabol ng DLSU ang hanay ng NU matapos ang rumaratsadang opposite hit ni Laput, 15-12.
Bunsod ng panalong ito, tatapusin ng Lady Spikers ang unang yugto tangan ang 6-1 panalo-talo kartada. Abangan ang muling pagkamada ng Berde at Puting koponan sa ikalawang yugto ng naturang torneo.