NASUPIL ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers ng matatapang na National University (NU) Bulldogs, 20-25, 16-25, 25-23, 21-25, sa pagwawakas ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa SMART Araneta Coliseum, Marso 16.
Lumagablab ang galamay ni Kapitan JM Ronquillo para sa Green Spikers matapos pumoste ng 22 puntos mula sa 19 na atake, dalawang block at isang service ace. Umalalay rin si outside hitter Vince Maglinao tangan ang 13 puntos mula sa 11 atake at dalawang block. Sa kabilang banda, pinangunahan naman ni Player of the Game Leo Aringo ang kampanya ng Bulldogs matapos kumamada ng 20 puntos mula sa 18 atake at dalawang block.
Maagang kumita ang Bulldogs sa magkakasunod na errors ng Green Spikers dahilan upang bumulusok ang kanilang kalamangan sa limang marka, 2-7. Hindi naman nagpatinag si opposite hitter Ronquillo matapos payungan ang atake ni NU rookie Jade Disquitado, 13-14. Inutakan din ni DLSU open spiker Noel Kampton ang kampo ng NU sa bisa ng soft touch, 20-21. Gayunpaman, tuluyan nang winakasan ni Kapitan Joshua Retamar ang unang yugto ng sagupaan gamit ang magkasunod na service ace, 20-25.
Tahimik na nagsimula ang ikalawang set nang nagpalitan ng puntos ang dalawang koponan ng iskor buhat ng mga teknikal na bayolasyon, 3-all. Uminit ang opensa ng Bulldogs nang patikimin nila ang Taft mainstays ng mga atake. Sinubukang bumawi ng Green Spikers sa pangunguna ni Maglinao, ngunit bigo silang pigilan ang pagbulusok ng kabilang koponan, 8-13. Hindi na napigilan pa ng mga nakaberde ang nagliliyab na opensa ng Jhocson-based squad at tuluyang ipinaubaya ang naturang set, 16-25.
Buhat ang hangaring palawigin ang laro, nagpakawala ng nagbabagang service ace si Kampton, 2-1. Ginawa ring bentahe ng Green Spikers ang errors ng Bulldogs upang itaas ang kalamangan sa apat na puntos, 11-7. Patuloy ang pag-arangkada ng Taft mainstays sa pangunguna ni Ronquillo matapos umukit ng dalawang magkasunod na marka mula sa atake at block, 19-15. Samantala, sinubukan pang panipisin ni Disquitado ang kalamangan sa isa matapos rumatsada ng dalawang magkasunod na hampas, 23-22. Gayunpaman, nagtagumpay ang Green Spikers na kunin ang ikatlong yugto nang nagtala ng error ang Bulldogs, 25-23.
Pumorsyento ang Bulldogs sa mga error ng Green Spikers dahilan upang makuha ang kalamangan sa pag-uumpisa ng ikaapat na set, 5-10. Patuloy na umarangkada ang Bulldogs sa mga sumunod na serye sa pamamagitan ng mga atake ni Disquitado, 18-23. Sinubukan pang pahabain ng Green Spikers ang serye ngunit nalasap ng Bulldogs ang matamis na panalo matapos magsumite ng service error si Maglinao, 21-25.
Bunsod ng pagkatalong ito, tangan ng Taft-based squad ang 5-2 panalo-talo kartada at kasalukuyang nakaupo sa ikatlong puwesto sa pagtatapos ng unang yugto. Abangan ang muling pag-angat ng Green Spikers sa ikalawang bahagi ng naturang torneo.