ISINENTRO SA ENTABLADO ng mga grupo ng kababaihan ang eight-point Women’s Agenda bilang pagpapaigting sa komemorasyon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa España at Morayta, Maynila, Marso 8. Pinangunahan ng Gabriela Women’s Party, Oriang, at 15 pang mga organisasyon ang isinagawang mobilisasyon upang ipaglaban ang sahod, kabuhayan, lupa, pampublikong serbisyo, klima, karapatan, kasarinlan, at pagwakas sa karahasan.
Gayundin, muling ipinabatid ng mga grupong multisektoral ang pagtutol sa isinusulong na Charter Change (Cha-Cha) sa Kongreso bunsod ng maaaring banta nito sa politikal at sosyo-ekonomikong mga aspekto ng bansa. Idinaan nila sa malikhaing sayaw-protesta ang pagkondena sa pag-enmenda sa 1987 Saligang Batas at ipanawagan ang pagpapahalaga sa kapakanan ng kababaihan.
Nauna nang ipinarating na bahagi ng paggunita sa naturang araw ang pagmamartsa mula España Boulevard patungong Mendiola upang idaos ang pormal na programa. Subalit naudlot ito nang harangin ng Philippine National Police ang mga progresibong grupo sa pamamagitan ng paglalagay ng barikada sa kahabaan ng Morayta.
Indayog ng pagpalag
Inihataw pa rin ng iba’t ibang organisasyong pangkababaihan ang lakas ng kanilang hanay sa kabila ng kinaharap na balakid mula sa mga puwersa ng estado. Isinagawa ang pangkalahatang programa sa harap ng Far Eastern University at binigyang-diin ang mga napapanahong hinaing ng mga Pilipina.
Ilan sa mga ito ang pagtaguyod sa mas ligtas na mga espasyo at kampanyang One Billion Rising na naglalayong wakasan ang pang-aabuso sa kababaihan. Salamin ang naturang hakbangin sa bigat ng nakaaalarmang 17.5% ng mga Pilipinang biktima ng pisikal, emosyonal, at sekswal na porma ng karahasan batay sa National Demographic Health Survey noong 2022.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Gabriela Women’s Party Representative Congresswoman Arlene Brosas, idineklara niyang isang tagumpay ang hindi pagpapatinag ng kababaihan kontra sa panghahadlang ng kapulisan sa kanilang kilos-protesta. “Ang pagpipigil ay pansamantala lamang. Hindi nito mapipigilan ‘yong buong buhos ng mga mamamayan at ng mga kababaihan na humihingi ng pagbabago,” masidhing sambit ni Brosas.
Ipinaliwanag din ng mambabatas ang dahilan ng pagdaragdag sa pagsayaw bilang bahagi ng komemorasyon sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ngayong taon. Pagpapalawig niyang sa pamamagitan ng pagsasayaw, maipahahayag ang mga hangarin ng mga kababaihan tulad na lamang ng pagtutol sa Cha-Cha at pagiging kritikal sa ideya ng pagbubukas ng isang daang porsyento ng mga pampublikong serbisyo sa dayuhan.
Bukod pa rito, marubdob ding sinambit ni Brosas na ang inang bayan ang pinaglilingkuran ng kababaihan. Aniya, naninindigan ang mga ito, lalo na ang mga kababaihang anak-pawis, para makamit ang pagbabago sa lipunan at lubos na mapangalagaan ang kabataan.
Sa parehong ugat, isinalaysay ni Faye Bait sa APP ang kahalagahan ng pagdiriwang sa buwan ng kababaihan ngayong Marso. “…para ipaalala ng mga kababaihan na nandito kami bilang babae at mahalaga kami. Malaki ang papel na aming ginagampanan sa lipunan sa larangan ng ekonomiya at kahit dapat sa politika, sa usapin ng pagpapasya,” ani ng miyembro ng Oriang.
Kumpas ng katapangan
Winakasan ni dating Kabataan Partylist Representative Congresswoman Sarah Elago ang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa isang mapusok at makabuluhang talumpati. Mariin niyang idineklarang dapat pagtuunan ng pamahalaan ang kalagayan at panawagan ng kababaihan, gayon na rin ng bayan. Pinagtibay muli ni Elago sa harap ng kapulisang kailangang tutukan ng mga nasa posisyon ang walong puntong agenda ng kababaihan. Sinigurado rin ng dating kinatawan ng kabataan na babalik sila nang mas marami habang itinataas ang diwang palaban ng mga Pilipinong kasama sa kilos-protesta.
Paulit-ulit na itong binabanggit, ngunit paulit-ulit ding ipinaaalalang hindi lamang sa tahanan nabibilang ang kababaihan. Maaari rin silang matagpuan sa lansangan at saan man sila dalhin ng malayang kaisipan. Bitbit nila ang angking lakas, tatag ng mga nauna sa kanila, at pagmamahal na walang kapantay sa pakikibaka sa mga hamon ng lipunan. Hindi natatapos sa buwan ng Marso ang pag-abante sa karapatan, kabuhayan, at kasarinlan. Sapagkat mararamdaman lamang ang tunay na komemorasyon para sa kababaihan sa panahong napakikinggan at natutugunan nang lubos ang tunay na agenda ng kababaihan.