KINALAMPAG ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang kampo ng University of the East (UE) Red Warriors, 25-14, 25-20, 31-29, sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 6.
Nangibabaw para sa Green Spikers si Player of the Game Vince Maglinao matapos magtamo ng 16 na puntos mula sa 13 atake, dalawang block, at isang service ace. Kasangga niya sa pagpuntos sina Kapitan JM Ronquillo at open hitter Noel Kampton na nakalikom ng pinagsamang 26 na puntos. Samantala, nagsumikap din si opposite hitter Joshua Pozas para sa Red Warriors matapos magtala ng 14 na puntos.
Nagbabagang palaso ang pinalasap ni DLSU outside hitter Kampton sa pagbubukas ng unang yugto ng sagupaan matapos magpakawala ng mga asintadong tirada, 6-0. Sinubukan namang buwagin ng mga manlalaro ng Silangan ang depensa ng Taft nang bombahin ni Kapitan John Paul Mangahis ang zone 6 ng kort, 11-6. Gayunpaman, hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Taft-based squad nang magpaulan sina Ronquillo at Maglinao ng umaatikabong crosscourt at backrow attack, 25-14.
Sa pagbulusok ng ikalawang set, nagbigay ng regalo si DLSU libero Menard Guerrero sa kabilang kampo, 0-1. Gayunpaman, agarang tinubos ni Maglinao ang puntos sa bisa ng pipe attack, 1-all. Pinagpatuloy ng berdeng koponan ang alab matapos ang matayog na depensa sa net, 18-15. Sinubukang magmatigas ng Red Warriors matapos ang quick attack ni middle blocker Axel Defeo, 22-20. Subalit, bigong makalapit ang sandatahan ng UE matapos tuldukan ni DLSU middle blocker Billie Anima ang naturang set sa bisa ng mabilis na hawi sa gitna, 25-20.
Determinadong tapusin nang maaga ang tapatan, kaagad nagparamdam ang malapader na depensa ni Nath Del Pilar na sinundan ng mabigat na atake mula sa gitna, 4-1. Sa pag-init ng ikatlong set, kumamada ng 4-0 run ang mga mandirigma ng Silangan kasunod ng pagbaon ni Defeo ng bola sa butas ng depensa ng Berde at Puting pangkat, 16-all. Mula rito, nagpatuloy ang palitan ng kalamangan sa pinahabang laro, subalit nangibabaw ang Taft mainstays matapos ang dalawang magkasunod na error mula sa Red Warriors, 31-29.
Buhat ng tagumpay na ito, patuloy na lumilikha ng alingawngaw ang Green Spikers sa kanilang kampanya bitbit ang 4-1 panalo-talo kartada. Samantala, sunod na hahamunin ng DLSU ang pangkat ng University of the Philippines sa darating na Linggo, Marso 10, sa ganap na ika-12 ng tanghali sa parehong lugar.