SINARIWA ng iba’t ibang sektor ang ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa pamamagitan ng sabay-sabay na pagtutol sa panukalang Charter Change (Cha-Cha) sa kahabaan ng EDSA Shrine at People Power Monument, Quezon City, Pebrero 25. Sinundan naman ang seremonya ng isang malawakang kilos-protestang pinangunahan ng mga progresibong grupo kagaya ng Kabataan Partylist, Kilusang Mayo Uno (KMU), at Gabriela.
Nakiisa rin ang De La Salle University – University Student Government (DLSU USG) sa idinaos na wreath-laying ceremony ng National Historical Commission of the Philippines sa People Power Monument. Bahagi ito ng mga aktibidad na isinagawa sa Pamantasan bilang paggunita sa madugong bahagi ng kasaysayan ng bansa.
Matatandaang hindi idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isang special non-working holiday ang anibersaryo ng pag-aaklas sa EDSA ngayong taon dahil tumama ito sa araw ng linggo. Sa kabila nito, ipinakita ng mga Pilipinong mas malakas ang tinig ng paggunita sa kalsada kaysa sa katahimikan ng palasyo sa pamamagitan ng pagtitipon sa EDSA Shrine.
Martsa kontra Cha-Cha
Ipinamalas ng mga manggagawa, guro, kabataan, tsuper, at miyembro ng simbahan ang kanilang tapang upang bigyang-diin ang paglaban sa Cha-Cha. Binagtas ng taumbayan ang kahabaan ng EDSA upang manawagang unahin ng gobyerno ang mga napapanahong suliranin gaya ng mababang sahod, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at paglabag sa karapatang pantao sa halip na baguhin ang Saligang Batas.
Gayundin, pinagtibay nina dating Bayan Muna representative Neri Colmenares at dating senador Leila De Lima ang legasiya ng EDSA nang talakayin nila ang pagbasura sa isinusulong ng Cha-Cha. Muli nilang pinaalingawngaw ang mga posibleng negatibong implikasyon ng mga probisyong nais palitan sa 1987 Constitution.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Lito Ustarez, KMU Executive Vice Chairperson, ibinahagi niya ang posibleng bantang hatid ng Cha-Cha sa ekonomiya ng bansa. Mababalikang kabilang sa mga iminumungkahing probisyon sa konstitusyon ang lalong pagluwag sa kasalukuyang 60-40 na restriksyon sa mga pinagmamay-ariang industriya ng mga dayuhan.
“Hindi tayo nakatitiyak na yung mga papasok na investor dito sa Pilipinas ay makamanggagawa. So ibig sabihin niyan, suntok sa buwan yung Cha-Cha na ginagawa ngayon sa Kongreso,” giit ni Ustarez.
Dagdag pa ni Ustarez, tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon ang kinakailangang pagtuunan ng pansin ng gobyerno upang makamit ang totoong pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Ayon sa kaniya, mahalagang isipin muna ng gobyerno ang dalawang nabanggit na konsepto para tuluyang makamit ang hustisyang ipinaglaban ng mga sumali sa naunang rebolusyon sa EDSA.
Bukod pa rito, masidhi ring sinambit ng beterano ng unang People Power ang kahalagahan ng papel ng kabataan sa paggunita ng mga pangyayari sa nakaraan. “Dapat mamulat sila [kabataan] na ito yung pinaglaban ng mamamayan noong EDSA 1 at kailangang ito pa rin yung ipaglaban natin dahil walang nagbago sa ating lipunan,” wika ni Ustarez.
Kabataan para sa sambayanan
Sa kabila ng mga hamon, taos-pusong pakikiisa at libo-libong likhang sining ang inialay ng mga kabataang nais ipakitang hindi kukupas ang diwa ng People Power. Kabilang sa mga nakibahagi ang Anakbayan, Student Christian Movement of the Philippines, Panday-Sining, at League of Filipino Students.
Sa panayam ng APP kay Kabataan Partylist Representative Congressman Raoul Manuel, isinaad niya ang kaniyang saloobin hinggil sa mga rason ng unti-unting pagkupas ng diwa ng EDSA sa paglipas ng panahon. “Dahil sa pagkalat ng misinformation at dahil sa pag-distort ng ating history—yung simpleng pagturo sa ating schools ng wrong history ay main factors kung bakit nawawala ang essence ng EDSA People Power,” pahayag ng kinatawan ng kabataan sa Kongreso.
Hinikayat ni Manuel ang mga kabataang makilahok, mag-organisa, at maging maalam sa mga nangyayari sa ating bansa. Samakatuwid, patuloy ang pagtitiwala niya sa kakayahan ng kabataang ipaglaban ang katotohanan at baguhin ang lipunan. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng wastong edukasyon, malinis na proseso ng eleksyon, at paninindigan laban sa mga pagbabago sa Saligang Batas bilang mga pundasyon ng tunay na pagbabago at pag-unlad.
Anomang pagsubok na patahimikin ang bayan, kabingi-bingi ang sigaw ng mga kabataan, biktima, at ordinaryong mamamayan. Bagamat mabibigat na hamon ang haharapin upang mapanatili ang diwa ng EDSA, nananatiling puno ng pag-asa at pangarap ang mga dumalo. Sa pagkilos at pagtindig, patuloy na maglalaho ang dilim ng kahapon at magbubukang-liwayway ang bagong umagang puno ng pag-asa at pagkakaisa para sa bayan. Sapagkat lagi at sa huli, nasa mamamayan pa rin ang kapangyarihan.