Sino ang may sala?


Kamakailan lamang, umugong ang balita tungkol sa pagdawit ng tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Insurgency (NTF-ELCAC), Southern Luzon Command chief Lt. General Antonio Parlade Jr. sa 18 paaralan at pamantasan bilang “recruitment havens” ng rebeldeng grupo na New People’s Army (NPA). Kabilang sa listahan ang Pamantasang De La Salle (DLSU), Ateneo De Manila University (ADMU), at ang Unibersidad ng Pilipinas na matatandaang nasasangkot sa isyu ng pagsasawalang-bisa ng UP-DND Accord. Lahat ng ito, nangyari sa gitna ng lumalalang krisis-pangkalusugan sa bansa. 

Sa libo-libong Pilipino na napagkamalang bandido’t tulisan noong panahon ng Martial Law, na hindi na nakauwi sa kanilang tahanan kailanman; sa libo-libong unyonista, mamamahayag, at aktibistang hinamak at patuloy na sinisindak ng kasalukuyang administrasyon—hindi biro ang isyu ng red-tagging. Ikinakahon ng pangre-red-tag ang iba’t ibang kritiko ng pamahalaan sa iisang bansag tulad ng “teroristang Komunista,” “NPA,” “kaaway ng estado,” “subersibo,” “maka-Kaliwa,” at marami pang iba. Kaya naman, nalalagay rin sa matinding panganib ang mga biktima nito sapagkat maaaring makaranas ng pananakot, paninirang-puri, at pang-aabuso mula sa mismong estado ang isang tao, organisasyon, o komunidad. Alinsunod ito sa pahayag ni Karapatan vice-chairperson Reylan Vergara na “All these serve the same goal – to legitimize repression and box critics into dangerous labels that lays down the pretext for state forces to persecute them.”

Ayon din sa isinagawang pag-aaral ng International Peace Observers Network Project, isang uri ng psychological warfare ang red-tagging sapagkat maituturing ding biktima rito ang kabuuang populasyon ng bansa dahil nakokondisyon ang bawat mamamayang tanggapin ang mga pananaw na taliwas sa batas ng karapatang-pantao.

Sa palagay naman ng retired Supreme Court justices na sina Antonio Carpio at Conchita Carpio-Morales, maituturing umano na isang mukha ng terorismo ang ginawa ni Parlade sapagkat isinasangkalan nito ang buhay at kaligtasan ng anti-terror law petitioners. Kilala si Parlade sa pangre-red-tag sa mga aktibista, estudyante, lehislador, pati mga artistang tulad nina Angel Locsin, Liza Soberano, at Catriona Gray gamit ang social media accounts nito. Kaya naman, bunsod ng panibagong insidente, nagpasa ng limang pahinang mosyon sa Korte Suprema ang dalawang retired justices noong Enero 22 upang pagpaliwanagin si Parlade ukol sa “details regarding the source, circumstances behind, and intent of the post” at kumpirmahin kung opisyal na komunikasyon ng gobyerno o ng isang opisyal ang kaniyang mga pahayag sa kaniyang social media accounts.

Hindi na bago ang iresponsable at walang batayang pangre-red-tag ng militar, kapulisan, at maging ng administrasyon. Noong Oktubre 2018, si Parlade pa rin, na nanunungkulan noon bilang deputy chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, ang nanguna sa delikadong pang-aakusa sa 18 paaralang bumubuo umano ng alyansa sa ilalim ng Red October plot upang mapatalsik si Pangulong Rodrigo Duterte. Kabilang pa rin sa listahang ito ang malalaking pamantasan sa Maynila tulad ng UP, DLSU, at ADMU—kasama pa ang isang “Caloocan City College” na nakumpirmang gawa-gawa lamang. Taong 2019 naman nang ipasara ng awtoridad ang 55 paaralan ng mga kapatid nating Lumad dahil itinuturo umano rito ang maka-Kaliwang ideolohiya. Kaya kung susumahin, hindi biglaan ang pagsulpot ng red-tagging sa bansa ngayong buwan. Malawak ang espasyong ginagalawan nito kaya’t makikita ang pag-iral nito sa iba pang suliraning kinahaharap ng mas malawak na hanay ng mga Pilipino. Patong-patong at iba’t ibang porma ng paniniil ng nasa kapangyarihan ang sumibol mula sa isyung ito, tulad ng extrajudicial killings na biktima ang mga magsasaka, unyonista, mamamahayag, at iba pang tagapagtanggol ng karapatang-pantao.

Nawa’y maikintal sa ating puso’t isipan na walang silbi ang demokrasya kung walang pag-usig sa mga kapabayaan ng gobyerno at kung walang karapatan ang taumbayang magpahayag ng kanilang opinyon. Walang silbi ang demokrasya kung hindi mananagot ang dapat managot.