‘Wag patayin ang masamang damo


Sa kabila ng mga kaso ng karahasang hindi nabigyang-pansin ng midya at tila ipinagkibit-balikat na lamang ng madla, napatunayan ng isang bidyo ng walang habas na pagpatay ng pulis na si Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya at Frank Gregorio na hindi pa rin pala manhid ang mga Pilipino sa biyolensiya. Nagngalit ang mga tao at nag-ingay sa social media. Subalit kasabay nito, muli ring umalingawngaw ang mga tawag para sa pagbabalik ng death penalty — “buhay kapalit ng buhay,” anila. 

Bilang mga dakilang oportunista, muli ring nagsilabasan ang mga senador na walang malawakang pagtingin sa sitwasyon; palibhasa, suportado nila ang pagkitil nang walang maayos na paglilitis. Tanong ng isa sa kanila, “sino pa ang gustong pumatay ng tao kung alam niyang papatayin din siya via death penalty?” Sige, sagutin natin. Hindi agaran, kundi mula sa kaibuturan at nang may malawakang pagkonsidera — hindi gaya sa kanila. 

Makasasama nga ba ang death penalty? Tara, usapang pilosopiya! 

May dalawang tanyag na pagtingin sa death penalty mula sa mga kanluraning ideolohiya. Una na riyan ang “retributivism” na nakaangkla sa prinsipyo ng “law of retaliation” o ang nagsasabing “mata sa mata, ngipin sa ngipin.” Kung makikita, sinasang-ayunan nito ang tawag ng madla na nararapat nang ipaubaya kay kamatayan ang isang mamamatay-tao. Sa kabilang dako, nariyan ang tinatawag na “utilitarianism” na binibigyang-katuwiran din ang death penalty dahil layon nitong pigilan ang tuluyang paglaganap ng karumal-dumal na mga krimen sa pamamagitan ng pananakot sa maaaring kahinatnan — ang ninanais namang ipunto ng isang senador. 

Subalit tunay na hindi lahat ng banyagang ideya’y nararapat sundin lalo na’t hindi ito angkop sa nagbabagong panahon at sa ating sariling lipunan. Unang una — at nawa alam na ng lahat — maraming masasagasaan sa pagpapasa ng death penalty dahil sa baluktot nating sistema ng hustisya. Ito ngang si Nuezca dalawang beses na palang napawalang-sala sa kaniyang homicide cases — na  magdadala sa atin sa ikalawang punto: lalo lamang maaabsuwelto ng death penalty ang bangungot ng extrajudicial killings. Pahayag ni PNP Chief Debold Sinas, kaya naman pala hindi napatawan ng parusa si Nuezca sa dalawang kaso niya ng pagpatay ay dahil kabilang na naman ito sa mga kaso ng ‘nanlaban’ o mga kasong may kinalaman sa droga. 

Nakaalpas na tayo sa sibilisasyong “mata sa mata, ngipin sa ngipin” dahil sa makabagong henerasyon, makakamit lamang ang tunay na hustisya sa pagsasaayos sa sistemang pinapanigan ang makapangyarihan. Isa pa, hindi kamatayan ang karapat-dapat na ipataw sa mga nagkasala sapagkat mistulang pagtakas lamang ito sa kanilang mga kasalanan. Mapagbabayaran pa ba ng isang tao ang kaniyang pagkakamali kapag siya na ang pinaglalamayan? 

Sa halip, ibaling natin sa habambuhay na pagkakabilanggo: dito’y maaari pa silang makapag-community service nang mapanatili ang kapakinabangan sa lipunan. Maaari ding makapag-isip-isip; at kung may kinalaman man sa droga, matugunan bilang isang isyung pangkalusugan. Kung banta naman sa mamamayan ang isang kriminal, maaari siyang ihiwalay mula sa lahat dahil hindi ba’t mas patas at makatarungan ang ganitong klase ng ‘pagtanggal sa buhay’ nang mayroon pang ulirat?

Dama ko ang panggagalaiti ng taumbayan ngunit inyo ring pagbulayan: nararapat nilang pagbayaran sa lipunang ito ang kasalanang dito nila ginawa. At Diyos na ang bahala sa kabilang-buhay.