INASINTA ng De La Salle University Green Spikers ang Adamson University (AdU) Soaring Falcons, 25-22, 25-23, 26-24, sa pagbubukas ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Pebrero 17.
Hinirang na Player of the Game si Kapitan JM Ronquillo matapos magsumite ng 18 puntos mula sa 16 na atake, isang block, at isang ace. Bumida rin sa talaan si scoring machine Noel Kampton tangan ang 19 na puntos mula sa 15 atake, dalawang block, at dalawang ace. Samantala, kumamada naman para sa panig ng San Marcelino si open spiker Joel Menor matapos magpakawala ng 12 puntos.
Mainit na sinimulan ni AdU middle blocker Jude Aguilar ang laro matapos magpakita ng monster block kay Kampton, 0-2. Kaagad namang bumawi si Kampton at co-captain Vince Maglinao nang magbitiw ng nagbabagang spike upang itabla ang laro, 2-all. Nagpakitang-gilas sina power duo Ronquillo at Kampton sa pamamagitan ng crosscourt attack, 24-20. Sinubukan pang humabol ng Soaring Falcons gamit ang magkasunod na error ng Green Spikers ngunit tinuldukan ni Kampton ang unang set mula sa isang down-the-line attack, 25-22.
Dikdikang sagupaan ang ipinamalas ng magkabilang koponan sa ikalawang set matapos magsagutan ng atake sina Kampton at Menor, 9-10. Naging puhunan naman ng Green Spikers ang kanilang mga off-the-block hit matapos paigtingin ng San Marcelino-based squad ang kanilang depensa, 17-16. Nagpalitan pa ng mga tirada ang dalawang koponan, subalit agad nang sinelyuhan ni Ronquillo ang panalo sa naturang set, 25-23.
Rumatsada sa huling set ang Soaring Falcons sa pangunguna ni Kapitan John Gay tangan ang maiinit na atake. Gayunpaman, nagpaulan muli ng marka si opposite hitter Ronquillo upang mapanatiling dikit ang talaan, 8-all. Nagawa pang makauna ng Soaring Falcons sa set point ngunit buong tapang na naitabla ni Maglinao ang bakbakan gamit ang crosscourt hit. Kaagad itong sinundan ng malapayong na block ni Billie Anima at isang atake mula kay Kampton upang tuluyan nang maibulsa ng Green Spikers ang unang panalo, 26-24.
Bunsod ng tagumpay na ito, nasungkit ng Green Spikers ang 1-0 panalo-talo kartada sa torneo. Sunod namang makatutunggali ng Taft mainstays ang mababangis na Far Eastern University Tamaraws sa darating na Miyerkules, Pebrero 21, sa ganap na ika-10 ng umaga sa SMART Araneta Coliseum.