Magkakapit-bisig na tinatalunton ng mga ordinaryong Pilipino ang hamon ng pandemya. Sumisibol ang pag-asa sa bawat kuwento ng mga taong nagtutulungan. Kaakibat ng nakahahawang sakit ang pasan-pasang bigat na walang kasiguraduhan. Sa kabila nito, itinawid ng sining ang mga hindi nila mamutawing panalangin.
Idinaos noong Enero 10 ang Rewind bilang panimula sa 8th Sorok Short Film Festival (SSFF) na pinangunahan ng Sorok Uni Foundation, Inc. Sa pistang ito, ipinalabas ang mga lumahok na pelikula sa mga nagdaang SSFF. Layon nitong makalikom ng pondo para sa iba’t ibang adbokasiyang isinusulong ng organisasyon.
Ilang taon na ang nakalipas mula nang magdeklara ng lockdown sa Pilipinas bunsod ng pandemyang COVID-19. Subalit, hindi pa rin nabubura ang iniwan nitong mga bakas ng pisikal, mental, at emosyonal na paghihirap. Sa bawat pelikulang itinampok sa bulwagan ng Noel B. Benitez ng Pamantasang Pambabae ng Pilipinas, mayroong pagtunghay sa tunay na danas ng mga Pilipino.
Pag-alalay na alay sa mga nangangailangan
Hindi basta-basta ang pagkamit ng kolektibong pag-unlad. Kailangan ng isang komunidad ang malasakit mula sa mga kamay na handang tumugon sa kanilang pagdarahop. Nagsilbing kaagapay ng mga nangangailangang sektor ang Sorok Uni Foundation Inc., isang organisasyong tumutulong sa iba’t ibang sektor na nangangailangan. Ibinahagi ni Roselle Alzaga, Communication Officer ng Sorok Uni Foundation Inc., sa Ang Pahayagang Plaridel na may apat na beneficiary ang organisasyon. Kabilang dito ang mga may sakit na leprosy, mga naghihikahos na makapagtapos ng pag-aaral, mga naninirahan sa kalsada, at mga katutubo.
Sa ilalim ng temang “Bubong: Panimula, Pangarap, Pag-usad” ng SSFF, sinalamin ng mga pelikula ang danas ng masa. Kasama rito ang epekto ng pandemya sa kani-kanilang mga relasyon sa pamilya, sarili, at kapwa Pilipino. Sa pagtalakay sa mga ito, natunghayan ang mga adbokasiya ng organisasyon kagaya ng pagsulong sa mas maayos na kalagayan ng mga healthcare workers.
Bukod sa mga patimpalak, mayroon ding mga programa ang Sorok Uni Foundation Inc. tulad ng Kamada na nagbibigay-pagkakataon sa mga nangangailangang makatayo sa kanilang sariling mga paa. “Kapag na-empower na sila, ginagawa natin silang sustainable. Paano? Inililipat namin sila sa community natin sa region IV-A, [kung saan] mayroon kaming Sorok Uni Village sa Quezon Province,” paliwanag ni Alzaga. Binibigyan sila ng disenteng tahanan, sapat na pagkain, at iba pang pangangailangang binabawasan kalaunan upang maturuan silang mamuhay nang mas maalwan. Sa pamamagitan ng paggabay at pag-alalay, unti-unting nakatatayo sa sariling mga paa ang mga dating nakatira sa kalsada at natututong kumayod para sa matatayog na pangarap.
Iba’t ibang daan, iisang hangad
Masyadong madaya ang mundo para makipaglaro rito ang mga Pilipino. Itinadhanang taya ang bawat tao bitbit ang layong makawala sa posas ng problema. Payapang sinimulan ang Rewind tangan ang mga malikhaing elemento ng pelikula. Inilatag nito ang limitadong galaw ng mga tauhan at malamlam na kulay para sa pangkalahatang estetika. Sa nakabibinging katahimikan mula sa mga karakter, naaninag sa kanilang mga mata ang mga kuwentong nais kumawala.
Sa pagpusiyaw ng liwanag sa isang munting silid, bumungad ang isyu hinggil sa ugnayan ng pamilya at kahirapan nang umarangkada ang pelikulang “Tay, Padala” sa direksyon ni Angelo Fernando. Itinambad nito ang pagpupunyagi ng isang haligi ng tahanan habang pasan-pasan ang mabigat na kahong kalakip ang itinatagong problema. Binalot man ng limitadong salita ang pagsasalaysay, hindi naikubli ang iniukit nitong panglaw sa puso ng mga manonood. Gayundin, marahang isiniwalat ng mga eksena ang baluktot na pamamalakad ng gobyerno sa mga liblib na pook sa usaping pangkalusugan. Sa huli, ipinabanaag ng kuwento sa publiko ang realidad ng mundo—ilang kilometro man ang layo, patuloy tatahakin ng mga Pilipino ang malubak na daan kahit na manatiling dehado.
Sa kalagitnaan ng pagsubaybay sa magkakaibang danas ng buhay ng mga Pilipino, naging agaw-pansin ang pelikulang “Lola Isa” sa direksyon ni Trisha Enriquez. Itinampok nito ang halaga ng kalinga ng isang lola at ang madamdaming epekto ng COVID-19. Nagningning din ang konsepto ng pagtuklas ng panibagong libangan sa gitna ng pandemyang hindi tiyak ang katapusan. Bukod-tangi rin ang estilong ginamit sa pagsasalaysay matapos ipakita ng direktor ang kalidad ng bottle film sa pamamagitan ng pagdaos ng kabuuang eksena sa iisang lugar lamang. Sa loob ng dalawampung minuto, itinatak ng pelikula sa mga puso ng madlangmahirap mabuhay habang binabalot ng pangungulila sa mga mahal sa buhay.
Isang nasyong uhaw sa pagbabago mula sa nagbibingi-bingihang gobyerno ang ipinasulyap ng pelikulang “See you, George!”. Sa direksyon ni Mark Moneda, inilantad nito ang nakauubos-hiningang kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan noong kasagsagan ng COVID-19. Gayunpaman, sa paglapat ng kakaibang timpla ng liwanag at dilim na atmospera, mas tumingkad ang dramatikong diwa ng kuwento. Napatunayan nito ang halaga ng dagtum at puting sinematograpiya sa industriya ng pelikula—may mga emosyong hindi madaling maiparating gamit ang mga kulay. Ipinabatid ng salaysay sa taumbayang hindi pa huli upang tumindig at magsilbing boses para sa mga sumalangit na tinig.
Marami pang maiikling pelikula ang inihandog ng Rewind na tumalakay sa kaliwa’t kanang isyu ng bansa tulad ng diskriminasyon, edukasyon, kalusugan, at hanapbuhay. Sa lahat ng anggulo, madarama ang kahalagahan ng ugnayan ng tao sa bawat isa. Iba-iba man ang daang binabagtas ng bawat tauhan sa pelikula, iisa lamang ang inaasam na bukas—nananatili sa bawat isa ang pithaya sa pagbabago.
Saklaw ng isang tanglaw
Magsilbing liwanag sa madilim na kalsada ang isa sa mga layunin ng Sorok Uni Foundation Inc. Sa bawat maikling pelikulang ipinasilay sa loob ng kuwadradong silid, napatunayang may kaniya-kaniyang kuwento ang bawat indibidwal sa mundo. Bilang mga anak ng lipunan, tangan ng lahat ang responsibilidad ng buhay—hindi nino man maiiwasan ang mga patibong na inihain sa mundong ibabaw.
Marahang ipinaalala ng Rewind na sarili mismo ang taya sa mapaglarong sansinukob. Sa larong langit at lupa, ano man ang lunan, mananatili ang mga problemang pasan-pasan. Manalo man o matalo, tuloy ang pakikipagpatintero sa nagtatayugang balakid. Gayundin, walang-humpay na makikipagtaguan sa pait ng kahapon habang sinusubukang tuklasin ang tamis ng kinabukasan.
Naluha o namangha man ang mga manonood, nagtagumpay o natalisod man ang bida—patuloy na mag-aalay ng palakpak ang madla. Sa pagwawakas ng mga istorya ng mga pelikula, bumungad ang liwanag kasabay ang pagsibol ng bagong pag-asa.