INAPRUBAHAN ang operational fund budget ng De La Salle University – University Student Government (DLSU USG) para sa akademikong taon 2023-2024 sa isinagawang unang espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Enero 12.
Pinangalanan din sa sesyon sina Jessica Mara Morgan bilang Commissioner for Human Rights (CHR) at Sophia George Reyes, Juan Alfonzo Pulhin Dacumos, at Ginger Erin Swa bilang mga Commissioner for Disability Inclusion (CDI).
Paglalatag ng taunang pondo
Inilatag ng Office of the Executive Treasurer (OTREAS) sa pangunguna ni USG Executive Treasurer Juliana Meneses ang pagsasakatuparan ng pondo ng USG para sa akademikong taon 2023-2024.
Tinalakay ni Meneses na Php566,000 ang nakatakdang badyet na ipamamahagi sa iba’t ibang sektor ng USG sa naturang taon. Tinatayang mas mababa ng Php281,500 ang pondo kumpara sa nakaraang taon.
Alinsunod sa populasyon at metrik ng kalkulasyon, Php15,000 ang batayang pondo ng bawat kolehiyo. Inilaan naman ang 43.73% ng pondo sa Executive Board, 44.35% sa mga kolehiyo ng Pamantasan, at 11.93% naman sa konstitusyonal na sektor ng DLSU.
Ikinabahala naman ni Earl Guevara, CATCH2T25, ang nakalaang Php5,000 pondo sa Laguna Campus Student Government (LCSG). Subalit, nilinaw ni Meneses na nakipag-ugnayan ang OTREAS kay DLSU LCSG President Nauj Agbayani at napagkasunduang sapat ang inilaang pondo.
Kinuwestiyon din ni Sai Kabiling, CATCH2T26, ang pinanggalingan ng GL Codes na nagsisilbing tiyak na kategoryang paglalaanan ng badyet. Pagpapaliwanag ni Meneses, ibinababa ng admin ang naturang GL Codes at nagkaroon ng talakayan sa pagpapataas ng pondong ilalaan.
Pinagtibay ang iminungkahing pondo ng USG sa botong 16-0-0.
Pagkilala sa bagong komisyoner
Hinalal ni Chief Legislator Bhianca Cruz si Morgan bilang bagong CHR. Ibinida naman ni Morgan ang kaniyang layuning makabuo ng komisyong tutulong sa pagpapalawak ng mga proyekto para sa mga estudyante ng Pamantasan.
Pangako ni Morgan, “I really want to make human rights issues accessible and create projects that make human rights issues in the Philippines easily digestible to the student body.”
Siniyasat naman ni Kabiling ang mga plano ni Morgan para sa paggunita sa anibersaryo ng Martial Law na pangangasiwaan ng CHR. Ipinaliwanag ni Morgan na wala pang konkretong plano ang kanilang komisyon, ngunit nangakong ipagpapatuloy ang nasimulan ng mga nakaraang komisyoner.
Inilahad din ni Morgan na makikipagtalakayan sila sa iba’t ibang human rights-based organization upang makabuo ng mga inisyatibang magbibigay-tulong sa mga indibidwal na nasa laylayan ng lipunan. Gayunpaman, nais muna aniyang mabubusising pag-aralan ang proseso bago gumawa ng mga kinakailangang hakbang.
Siniguro rin ni Morgan na madaling maunawaan ang mga proyektong kanilang isasagawa kagaya ng magazine, dyaryo, at podcast. Magkakaroon din aniya ng hotline ang CHR upang sagutin ang katanungan ng mga estudyante.
Nagwakas ang pangalawang parte ng sesyon sa pagluklok kay Morgan sa kanyang puwestosa botong 17-0-0.
Pagpapatuloy sa nasimulang layunin
Ibinida rin sa sesyon ang mga bagong halal na komisyoner ng CDI na mangangasiwa sa mga estudyanteng may espesyal na pangangailangan sa Pamantasan. Kaugnay nito, binuksan din ni Cruz ang usapin tungkol sa agarang plano ng bagong komisyoner ng CDI.
Ibinahagi ni Reyes na ipagpapatuloy niya ang mga proyektong nasimulan ng komisyon noong nakaraang taon gaya ng pamamahagi ng PWD lanyards, pagbibigay-priyoridad sa enlistment, at paghahandog ng tuition fee discount.
Kinuwestiyon naman ni Khurt Go, FAST2020, ang mga nakahaing inisyatiba ni Reyes upang tiyakin ang tagumpay ng kaniyang mga plano bilang komisyoner. Inamin ni Reyes na magiging hamon para sa kaniya ang paghahanap ng impormasyon tungkol sa kondisyon ng mga PWD dahil kakailanganin aniya nito ng matinding pananaliksik at fact-checking. Subalit, siniguro niyang planado na ang mga proyektong ilulunsad ng CDI at handa siyang managutan para sa kaniyang komisyon.
Isiniwalat din ni Reyes na nais nilang makipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon upang madaling maipaabot ang impormasyon at tulong para sa mga PWD sa Pamantasan.
Itinalaga si Reyes bilang bagong komisyoner ng CDI sa botong 17-0-0.
Pagsilip sa nakaambang plano
Tinalakay rin ni Dacumos ang kaniyang mithiin bilang komisyoner ng CDI na nakatuon sa pagpapalakas ng patakaran at pananaliksik sa naturang komisyon. Ibinahagi niya ang mga nakaamba niyang proyekto gaya ng “Diagnose”, “BreatheAir”, at “Sensing You” na layong pagtuunan ang mental health at espesyal na pangangailangan ng mga estudyanteng PWD.
Iginiit ni Dacumos na nangangailangan ng agarang atensyon ang mental na kalusugan ng ilang mga estudyante at sisikapin aniya ng komisyong mamahagi ng mga voucher sa pamamagitan ng partnership sa KonsultaMD. Magagamit ang mga naturang voucher sakaling naising magpakonsulta ng mga estudyante sa mga propesyonal.
Paglalahad niya, “To truly improve the environment and the PWD community, we need to ensure that awareness is at its optimal state”.
Isinaad rin ni Dacumos na nais niyang pagtibayin ang research policy ng CDI sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kasalukuyang sistema sa pagtugon sa mga katanungan ng mga estudyante. “I hope to find a better or more comprehensive document for CDI and any future concerns raised,” paniniguro niya.
Nilinaw naman ni Rafaella Li, BLAZE2023, kay Dacumos kung nakapagkonsulta na ito sa mga nararapat na opisina tungkol sa badyet. Depensa ni Dacumos, mayroon silang partikular na plano ukol sa pakikipag-ugnayan sa KonsultaMD at nilalayon nilang isagawa ito sa lalong madaling panahon.
Iniluklok si Dacumos bilang komisyoner sa botong 18-0-0.
Karagdagang benepisyo
Ipinahayag naman ni Swa ang kaniyang layuning ituloy ang mga naunang plano ng CDI, partikular na ang nasimulang balangkas ukol sa pagpapayabong ng representasyon sa Pamantasan.
Magtatala rin aniya ng regular na audit sa mga patakarang isasagawa nila sa mga pasilidad sa Pamantasan at digital na plataporma gaya ng Canvas. Pagtutuunan din nila ng pansin ang modified PE classes para sa mga estudyanteng PWD.
Kabilang din sa kaniyang pangunahing proyekto ang pagkakaroon ng mobility campaign. Sakop nito ang magtakda ng accessibility maps at specialized Google forms sa Pamantasan bilang pamamaraam ng pakikipag-ugnayan sa mga estudyanteng PWD.
Ninanais din ni Swa na palawigin ang pamamahagi ng mga kagamitan gaya ng wheelchairs sa mga PWD at pabilisin ang pagproseso ng mga medical certificates. Tiniyak niya ring susunod sa pamantayan ng lehislasyon ng gobyerno ang edukasyonal na materyales ng PWD.
Nagbato naman ng katanungan si Krisha Corbo, FOCUS2021, kay Swa ukol sa pagsasaalang-alang ng checks and balances sa komisyon. Ayon kay Swa, magkakaroon sila ng resources and development committee na mangangasiwa sa ulat ng mga constituents.
Pinaboran ng mga lehislador si Swa at itinalaga bilang bagong komisyoner ng CDI sa botong 18-0-0.