Bumubuo. Nakapag-iisa. Ganito mailalarawan ang wikang Filipino sa gitna ng progresibong paglaganap nito sa kasalukuyang panahon. Maituturing ito bilang simbolo ng malayang nasyon at instrumento para sa epektibo’t makabuluhang komunikasyon. Siyang bigkas, siyang baybay—dahilan upang mas madaling aralin at unawain, maging ng mga banyaga.
Sa bawat pagbuka ng bibig, lalabas ang mga salita’t tinig na dadaloy sa magkabilaang pandinig. Tatagos sa isip at damdamin ang mensaheng nais ipahayag ng taong may gustong sabihin. Wikang tunay na tumitinta. Inilikha upang gumawa ng koneksiyon at lumaganap ang pagkapantay-pantay, gayundin ang pagtanggap sa kasarian o identidad ng bawat isa. Gender-neutral na wika, likas na maituturing na yaman ng bansa. Makinig, sumiyasat, at kumilala.
Walang kinikilingan
Masasalamin ang pagiging ingklusibo ng kulturang Pilipino dahil sa wikang itinuturing na gender-neutral. Natatangi ang ating mga panghalip-panao tulad ng “ako,” “ikaw,” at “tayo” sapagkat may espesipikong kataga itong binubukod ang mga kasarian kapag isinalin sa wikang Ingles. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Miguel*, isang miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+, inilahad niya ang implikasyon ng gender-neutral na wikang karaniwang hangaring gamitin ng mga madla sa kontemporaneong panahon.
Walang pinipiling kasarian ang wikang Filipino. Para kay Miguel, mahalaga ang wikang walang kinikilingan sapagkat karapat-dapat na mabigyan ng ligtas na espasyo ang mga miyembro ng LGBTQIA+ upang ipahayag ang kanilang mga sarili. Nasa punto pa rin tayong alam lamang ng karamihan ang kinikilingang kasarian ng binansagang bahagharing komunidad ngunit hindi pa rin tunay na tinatanggap ang kanilang pagkatao. Kaya isang hakbang ang pagbigkas ng mga salitang ingklusibo sa unti-unting pagtanggap sa mga miyembro ng LGBTQIA+.
Hindi alintanang nakararanas din ng ebolusyon ang wikang Filipino dahil sa nagbabagong panahon. Ibinahagi ni Miguel na may mga bagong salitang naiimbento bawat taon kaya ipinapakita nitong madaling ihulma ang wika upang makasabay sa makabagong panahon. Aniya, “Progresibo ang paggamit ng gender-neutral na wika. . . [kaya] hindi dapat tayo ang maga-adjust sa wika, dapat ang wika ang maga-adjust sa kung paano tayo umunlad.” Sa murang edad, mahalaga na maituro ang kahalagahan ng wika at ang pagkakapantay-pantay ng bawat kasarian. Makatutulong ito sa mga miyembro ng LGBTQIA+ upang mas makilala ang kanilang identidad.
Nang lumitaw naman ang konseptong Filipinx, nakatanggap ito ng iba’t ibang reaksiyon sa publiko—may mga hindi sang-ayon sa konsepto at may mga bukas naman sa panibagong terminolohiya. Paglalahad ni Miguel, kinakailangan pang himayin ang naturang adhikain. Sa pag-analisa nito, mawawaring may kaunting kolonyal na implikasyon ang paggamit ng Filipinx sapagkat hindi ginagamit ang letrang “x” sa mga salitang Filipino. Dagdag pa niya, “Kung magkakaroon man ng mga bagong terminolohiya para mas maging gender-neutral ang wikang Filipino, sa palagay ko dapat nakaayon pa rin [ito] sa kultura at wika ng ating bansa.”
Markang iniiwan
May taglay na bigat ang bawat salita—minsan may talim ang mga pantig, subalit may lalim ding ikinukubli. Binibigyang-kahulugan nito ang bawat tinig upang humubog ng mga ugnayang nagsisilbing mitsa ng panibagong yugto sa lipunan. Salamin ang wika ng nakalipas, manipestasyon ng kasalukuyan, at pundasyon ng hinaharap.
Sa panayam ng APP kay Chen Ramos, propesor mula sa Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle, ibinahagi niyang naniniwala siyang ipinamamalas ng pagiging gender-neutral ng wikang Filipino ang pagkapantay-pantay ng mga kasarian sa sinaunang lipunan ng bansa. Paliwanag ni Ramos, hayag sa wikang Filipino ang pagkakaroon ng mga salitang tumutukoy sa iba’t ibang kasarian na sumasalamin sa kanilang mahabang paglalakbay sa ating kasaysayan.
Sinuportahan din ni Ramos ang pahayag ni Miguel ukol sa kahalagahan ng gender-neutral na wika para sa mga miyembro ng LGBTQIA+. Paglalahad niya, binibigyang-pagkakataon ng wikang Filipino ang lahat ng kasarian na maiparating ang kanilang natatanging identidad, konteksto, at karanasan. Ani Ramos, “Binibigyan [nito] ng diversity, ‘yung pagkakaiba-iba, [‘yung] perspektiba noong tao sa lipunan. Binibigyan [nito] ng bagong lalim kumbaga na ganito pala mag-isip ‘yung mga [miyembro ng LGBTQIA+].”
Gayunpaman, hindi nagwawakas sa paggamit ng gender-neutral na wika ang laban sa pagsugpo ng diskriminasyon. Paalala ni Ramos, kasabay ng paggamit ng wikang angkop sa lahat, nararapat ding siguruhing pantay ang tingin ng lipunan sa bawat miyembro nito. Tungkulin ng wikang maging tagapag-ugnay ng iba’t ibang kasarian upang mapagbuklod ang karanasan ng bawat miyembro ng lipunang ginagalawan. Sa ganitong paraan, tunay na magagampanan ng wika ang layunin nitong humubog ng mas patas at mapagpalayang lipunan.
Mahirap mang maisakatuparan, naniniwala si Ramos na likas na taglay ng wikang Filipino ang kapangyarihang maipakita ang kolektibong karanasan ng bayan. Aniya, sa halip na baguhin, mas kinakailangan pang aralin ang wikang Filipino upang maintindihan ang kasaysayan ng mga kasariang nakapaloob sa bawat salita. Hindi rin umano nakatutulong ang pagbabago sa wika ayon sa pamantayang kanluranin, kagaya ng konsepto ng Filipinx. Pagdiriin niya, “Produkto [ang wika] noong karanasan ng bayan at doon sa karanasan ng bayan, kasama ang lahat. . . [kaya] mahihirapan na makita at iugnay din [ng] mga tao ‘yung salita at karanasan niya doon sa Filipinx na ‘yon.”
Salamin ng kultura’t karanasan
Sa patuloy na pag-unlad ng wikang Filipino, hindi maikakailang binuksan nito ang diskurso ukol sa mga ideyang madalang pag-usapan. Isa na rito ang ugnayan ng wika sa konsepto ng kasarian at pagkamit ng pagkakapantay-pantay. Saad nga ni Ramos, walang matibay na epekto ang pagiging gender-neutral ng wika sa pagwaksi sa hindi makatarungang trato sa mga miyembro ng LGBTQIA+. Gayunpaman, nagbubukas pa rin ito ng pagkakataong mas maging patas ang espasyong ginagalawan ng bawat isa.
Hindi man solusyon para tuluyang makamit ang pagkakapantay-pantay, nahuhubog pa rin ng wikang ingklusibo na palaguin at pagbutihin ang pananaw ng lipunan sa sari-saring kasarian. Patunay lamang ito na sadyang makapangyarihan ang bawat letrang nakalapat sa mga papel. May bigat ang bawat salitang sinasambit ng mga bibig at may lalim ang bawat pangungusap na binabaybay ng mga mata.
Bilang ingklusibong wika, nakaangkla ang paglago ng wikang Filipino sa karanasan ng bawat Pilipino. Kaya nararapat itong bigyang-kabuluhan upang makabuo ng kamalayan ukol sa epekto ng pagtalikod dito sa lahat ng bahagi ng lipunan. Ani nga nina Miguel at Ramos, taliwas sa ating kultura at kasaysayan ang pagbabago ng identidad ng wikang Filipino bilang Filipinx.
Sinasalamin nito ang realidad na hindi sagot ang paglimot sa ating sariling pagkakakilanlan upang palawakin ang posibilidad na makamit ang hinahangad na tunay na pagkakapantay-pantay. Sa gayon, mas maiging magpatuloy na lamang sa pagpapalago ang sariling wika.
Upang makamit ito, maiging ugaliin ng lahat na makinig sa mga karanasan, siyasatin ang sariling kultura, at kilalanin ang bawat miyembro ng lipunan—ito ang tunay na daan upang masambit ang wikang nag-uugnay sa lipunang watak-watak.
*Hindi tunay na pangalan