HINDI TINIPID ng mga progresibong organisasyon ang pagpuna sa layon at implikasyon ng Maharlika Investment Fund (MIF) sa pamamagitan ng pagtitipong itinampok ng First Quarter Storm (FQS) Movement sa College of Science Auditorium, Unibersidad ng Pilipinas nitong Oktubre 13.
Umalingawngaw ang boses ng pag-agam tungo sa panukalang MIF sa kabila ng patuloy na paglaganap ng katiwalian, kawalan ng pananagutan, at kaduda-dudang mga probisyon sa naturang batas. Panawagan ng sambayanan, lalo na ng mga manggagawa at pambansang minorya, ilaan ang bilyon-bilyong pondo ng MIF sa mga pampublikong sektor patungo sa pag-usbong ng kabuoang kalagayang panlipunan.
Pinanghahawakang kapital
Iginiit ni Diwa Guinigundo, dating deputy governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na taumbayan ang madedehado sa alanganing kapasidad ng pamahalaang maipatupad ang mga layunin ng MIF. Ilan sa mga mithiin ng nasabing batas ang pagpapayabong sa pambansang ekonomiya sa pamamagitan ng pag-akit ng karagdagang Foreign Direct Investment (FDI), paglikha ng mga trabaho, pagpapatayo ng mga imprastraktura, at pagkamit ng seguridad sa suplay ng enerhiya at pagkain.
Sa kabila nito, pinabulaanan ni Guinigundo na makatutulong sa pagpapataas ng FDI ang MIF. Ayon sa dating alternate executive director ng International Monetary Fund, pagpapamalas ng mahusay na pamamahala at kadalian ng daloy sa kalakalan ang mga pangunahing tugon sa pag-angat ng FDI at ekonomiya sa bansa.
Ipinunto rin sa talakayan ang kakulangan sa mga mekanismong inilatag sa MIF na makapagpapanatag sa kalooban ng sambayanang Pilipino kaugnay ng patutunguhan ng kanilang pinuhunan. Wika ni Guinigundo, “Doon nga sa ibang government agencies, every year may nakikitang malfeasance, graft, corruption, abuse of power and authority. Ito five years [ang auditing] . . . Tapos na, 2028 na, halalan na naman.”
Hinggil naman sa mandatoryong pagpopondo ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines sa inisyal na kapital ng MIF, hinirit ni Guinigundo ang kabalintunaan ng pamumuhunan ng naturang government-owned and controlled corporations sa MIF gayong sila rin ang nangangailangan ng subsidiya mula sa pamahalaan.
Kaugnay nito, matatandaang humingi ng regulatory relief ang dalawang bangko noong Oktubre matapos ibigay ang Php75 bilyon bilang kontribusyon sa naturang investment fund. Mula ang halagang ito sa mga pondong nakalaan dapat sa mga magsasaka, reporma sa lupa, at pagpapaunlad sa mga medium at small enterprise.
Petsa de peligro
Binigyang-diin ni Ferdinand Gaite, dating kinatawan ng Bayan Muna, ang mga nakaambang panganib na hatid ng MIF sa mamamayang Pilipino. Bilang mga pangunahing tagapagsustento ng naturang investment fund, isinaad ni Gaite na taumbayan ang higit na malulugi sa pagkakataong hindi magtagumpay ang implementasyon ng nasabing batas.
Pinasaringan din ng lider ng unyon ang mabilis na pag-apruba sa nasabing wealth fund na matatandaang sinertipikuhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ‘urgent’ noon, ngunit kanselado na muna ang implementasyon sa ngayon.
Ayon kay Gaite, “[MIF] is a diversion of public funds that is not transparent, independent, and accountable.” Pagpapalawig niya, nakasalalay sa naturang batas ang pera ng taumbayan at kalaunan, maaaring mga Pilipino muli ang papasan ng mga suliranin habang ang iilan lamang ang makikinabang.
Bilang karagdagan, minabuting ibahagi ni Rose Guzman, research head ng IBON Foundation, ang ilang mga alternatibong paraan upang matustusan ang pambansang pag-unlad.
Aniya, maaaring makapagdagdag ng pondo ang mahigpit na pagbubuwis sa mga bilyonaryo, paglalaan ng badyet para sa mga pampubliko at pang-ekonomikong serbisyo, at ang pagdidirekta ng pribadong paggastos sa sektor ng agrikultura at mga proyektong industriyal.
Higit sa mga probisyong nakapaloob sa MIF, itinataas ng nagkakaisang tinig ng taumbayan na pera ng masang Pilipino at hindi basta pondong malulustay ng mga namamahala ang nakasalalay sa sitwasyong ito. Tangan ng mga progresibong grupo ang panawagang hindi gawing tubong-lugaw ang pagsasaalang-alang sa patutunguhan ng pinamuhunan ng mga mamamayan. Sa huli, ang pagpapamalas ng wastong pamamalakad at pagpapabuti sa mga serbisyong panlipunan lang naman ang pinakainaasahan nilang magiging katumbas ng ipinagkatiwalang kaban ng bayan.