LUMUBOG ang paa ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers matapos dikdikin ng Ateneo de Manila University Blue Eagles, 16-21, 13-21, sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Beach Volleyball Tournament sa Sands SM by the Bay, Nobyembre 24. Yumukod din ang kalalakihan ng Taft kontra sa mabalasik na Far Eastern University Tamaraws, 14-21, 14-21, nitong umaga sa parehong lugar.
Kumamada ng two-point lead ang Loyola-based squad sa pagbubukas ng unang yugto nang mahuli ang corner pocket ng Green Spikers, 3-5. Tinangka namang selyuhan ni Green Spiker Vince Maglinao ang kalamangan matapos saraduhan ng pinto si Blue Eagle Jian Salarzon, 8-9. Gayunpaman, nilamon ng service errors ang Taft mainstays kaya patuloy na diniin ng mga agila ang bola sa panig ng Berde at Puti, 11-15. Tuluyang tinuldukan ni Amil Pacinio ang unang yugto nang gulatin ang naghihikahos na depensa ng Green Spikers gamit ang 1-2 play na hulog, 16-21.
Napuwing nang maaga ang puwersa ng tambalang Andre Espejo at Maglinao sa pagbubukas ng ikalawang yugto nang magpamalas ng malabuhawing palo at service ace si Salarzon, 2-7. Hindi naman kaagad bumitaw si Espejo matapos humataw ng mga tirada, 9-12. Subalit, mayroong ibang plano si Pacinio matapos magpasiklab ng mga nakabibiglang hulog kontra sa depensa ng Taft mainstays, 11-19. Samakatuwid, depensa at opensa ang naging puhunan ng mga agila upang masikwat ang panalo laban sa DLSU, 13-21.
Buhat ng pagkasubsob, bitbit ng Green Spikers ang 2-4 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, susubukan ng luntiang koponang makapuslit ng panalo sa kanilang huling sagupaan sa elimination round ng naturang torneo kontra University of the Philippines Fighting Maroons bukas, Nobyembre 25, sa ganap na ika-2 ng hapon sa parehong pook.