Hindi namamatay ang pag-ibig, tao ang nasasawi. Kaya sa panahong pagsinta na lamang ang natitira sa aking pagkatao—ibahagi mo ako.
Hindi magpakailanmang nabubuhay ang katawang ipinagkaloob sa kaluluwa ng mga tao. Sa oras na pagkaitan ng hininga, tanging mga alaala ng paglalakbay at pagkakaibigan ang mamamalagi. Masugatan man sa pamamaalam, agaran itong matatapalan ng kabutihang-loob at pag-irog na hindi matutumbasan. Kaya sa pagsulyap sa mga tala, patuloy na lamang ngumiti at magmuni—makikita kaya muli ng mga katoto ang prinsipeng kaibigan?
Itinampok sa makulay ngunit mumunting entablado ng Amelia Lapeña-Bonifacio Teatro Papet Museo ang “Prinsipe Bahaghari” na pinagbidahan ng mga papet na gawa sa rattan. Sa direksyon ni Aina Ramolete at panulat ni Vladimeir Gonzales, nabigyang-lunduyan ang mga aral ukol sa pagkakaibigan, pag-ibig, at paglisan. Malikhain ding naisabuhay ng produksyon ng Teatrong Mulat ng Pilipinas ang istoryang hango sa akda ni Antoine de Saint-Exupéry na “The Little Prince.” Hawig man ang kuwento sa banyagang akda, nananaig pa rin ang mga kultural na aspektong masisilayan lamang sa Pilipinas.
Kalatas sa kalawakan
Bawat tapak sa panibagong planeta o kaharian, bagong aral ang nakukuha ng lalaking may dugong maharlika. Nakabibighaning ipinakita sa teatro ang paglalakbay ng munting prinsipe upang makahanap ng kaibigang tutulong sa kaniyang pag-aalaga kay Gumamela. Natamasa niya sa kaniyang paglipad sa samu’t saring tala ang mga karunungang magliligtas sa kaibigang bulaklak na kasama sa tahanang planeta.
Pagtungo ng prinsipe sa isang kaharian, nakilala niya ang haring nabulag at nalihis ng landas nang makamit ang kapangyarihan. Dulot ng trono hindi na nakisalamuha at nakipag-ugnayan ang hari sa mga karaniwang mamamayan. Masalimuot ngunit malapit ang istorya sa karanasan ng mga Pilipino—tatak ng mga kasalukuyang lider ang pagtataksil sa taumbayan. Sa katauhan ng hari, natuklasan ng prinsipeng nararapat pahalagahan ng pinuno ang kaniyang relasyon sa mga mamamayan. Aniya, makabuluhan ang relasyon ng hari sa taumbayan sapagkat sila ang naging haligi sa kaniyang pagtamo ng trono.
Natutuhan naman ng prinsipe sa iba pang mga bahagi ng paglalakbay, katulad ng pagkilala sa ahas, ang kabuluhan ng relasyon sa pagitan ng sarili at ni Gumamela. Tanda ng mahabang paglalakbay ang kaniyang dedikasyon para sa makulay at marikit na bulaklak. Humantong man ito sa biglaang pamamaalam sa kaniyang mga naging kaibigan, wala siyang panghihinayang at pagsisising naramdaman.
Hiwaga ng mumunting teatro
Bihirang makita sa tanghalan ang mga tau-tauhang manika. Malimit na hindi ito nabibigyang-halaga bagamat kalakip ng bawat pigura ang hindi masukat na pagsisikap ng mga lumikha nito.
Gamit ang rattan, naipasilay nina Ramolete at Nap Rivera ang kanilang nakamamanghang talento sa pagdisenyo at paggawa ng mga maryoneta. Lantarang matatanaw sa hulma at itsura ng mga mani-manikang obra ang kanilang dedikasyong maisabuhay nito ang prinsipe at iba pang mga karakter. Gayunpaman, kapansin-pansin din ang pagkawala ng hiwaga ng mga obra dahil sa pasyang huwag lagyan ng gumagalaw at makatotohanang bunganga’t mata ang mga papet. Tila naging hadlang ang kawalan nito ng kakayahang magpakita ng emosyon sa mabilisang paglubog ng ibang manonood sa mga tauhan. Sa kabutihang palad, nalutas ang kakapusan ng nakalilibang na personalidad na inilakip sa bawat karakter.
Sa kabilang dako, kapuri-puri rin ang ibang aspekto ng palabas—ang mabisang paggamit ng disenyo ng entablado tungo sa walang-kapintasang voice acting at sound design. Dagdag pa rito, simple man ang paggalaw ng mga ilaw at bidyo, nabuo nito ang mundong nilalakbay ng prinsipeng bahaghari. Subalit, may pagkakataon pa ring nawawalan ng saysay ang pagsasabuhay ng mga tau-tauhang pinagagalaw sa pamamagitan ng pisi. Nagmistulang hindi mahahalagang karakter ang mga papet dahil nakapokus ang higit sa kalahati ng pagtatanghal sa mga tauhang ipinakita lamang sa pamamagitan ng mga bidyo.
Matalinhaga rin ang wikang binibigkas ng mga tauhan. Sa pagsasatitik ng kuwento, mapipilitang humanga sa iskrip na huwarang nakabatay sa wikang Filipino. Subalit, dala pa rin ng malalalim na mga salita ang mga senaryong mahirap maintindihan ng manonood.
Kupas na tanghalan
Kalakip ng palabas ang sari-saring aral na malapit sa puso’t diwa ng mga Pilipino. Subalit, mahihinuha pa ring bilang pagtatanghal na isinagawa para sa kabataan—hindi maalwan ang mga tema at wikang nakapaloob dito. Masarap man madinig ang matatalinhagang salita, nawawalang-saysay ang lalim nito sapagkat hindi nawawari ng madla ang kabuluhan ng mga ito.
Sa likod ng bawat entablado, maaaninag ang kumikinang na pagsisikap ng bawat miyembro upang matagumpay na mabuo ang isang palabas. Gayunpaman, puno pa rin ng suliranin ang pagsasagawa ng isang tanghalang pagbibidahan ng mga papet. Nakalulungkot na kaakibat ng kanilang paghihirap ang kawalan ng kasikatan sa madla na nagdudulot ng kakapusan sa badyet. Hindi nito nabibigyan ng oportunidad ang mga alagad ng sining na palawakin at pagbutihin pa ang kanilang mga obra.
Katulad ng kuwento ni Prinsipe Bahaghari, nararapat na manatili ang diwa ng pagmamahalan at pagkakaibigan sa puso ng lahat. Mamaalam man ang kaniyang kuwento, kailangan pa rin nitong maglakbay upang lumaganap ang genre sa lipunan—na magbibigay-suporta sa obrang nakasandig sa paghawak at paggalaw ng mga maryonetang ihinulmang parang mga tao.