PATULOY ANG PAGHIHIKAHOS ng De La Salle University Lady Spikers matapos bumigay sa tikas ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 11-21, 10-21, sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Beach Volleyball Tournament sa Sands SM by the Bay kahapon, Nobyembre 19.
Maagang nakapagpundar ng kalamangan ang kababaihan ng Taft sa pagbulusok ng unang set nang hulugan ng bola ni Lady Spiker Sophia Sindayen ang butas na depensa ng FEU, 5-2. Ngunit, agad na napawi ang angat na naisumite ng Taft-based squad nang magrehistro ng atake si FEU player Melody Pons, 8-all. Buhat ng nasulot na momentum, nagpasiklab ng run ang Lady Tamaraws upang tuluyang angkinin ang unang bentahe, 11-21.
Pansamantalang binuwag ni Sindayen ang depensa ng Lady Tamaraws matapos magpakawala ng drop ball pagtungtong ng ikalawang set, 5-7. Gayunpaman, nagpatuloy ang pangingibabaw ng Morayta-based squad nang magtala ng magkakasunod na attack error sina Jenya Torres at Sindayen, 8-13. Samakatuwid, hindi na nakaporma pa ang Berde at Puting tambalan nang wakasan ni Pons ang sagupaan gamit ang isang service ace, 10-21.
Sa kabila ng pagkatalo, susubukang makamtan ng Lady Spikers ang inaasam na unang panalo kontra Adamson University Lady Falcons sa darating na Biyernes, Nobyembre 24, sa ganap na ika-10:45 ng umaga sa parehong pook.