BINAKURAN ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang kanilang puwesto sa final four matapos paluhurin ang Adamson University (AdU) Soaring Falcons, 69-57, sa kanilang ikalawang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Nobyembre 8.
Kumislap bilang Player of the Game si DLSU power forward Kevin Quiambao matapos pumundar ng 11 puntos, 11 rebound, tatlong assist, at isang steal. Sa kabilang banda, bumida para sa Soaring Falcons si Didap Hanapi matapos magrehistro ng 16 na puntos at isang assist.
Maagang nag-apoy ang momentum ng Green Archers matapos bumulusok ng apat na puntos si DLSU small forward CJ Austria sa pagbubukas ng unang kwarter, 4-0. Hindi naman nagpahuli ang Soaring Falcons nang itabla nila ang talaan sa bisa ng floater ni Ced Manzan, 8-all. Kumamada rin ng dumadagundong na tres si big man Michael Phillips upang tuluyan nang wakasan ang unang kwarter, 20-18.
Sa pagpasok ng ikalawang kwarter, bumuga agad ng magkasunod na tira sa labas ng arko sina Earl Abadam at Joshua David, 26-20. Sa kabilang banda, matagumpay na tumikada ng isang aregladong floater si Soaring Falcon Joem Sabandal, 26-22. Nagpatuloy pa rin ang pag-arangkada ng kalalakihan ng Taft sa tulong ng pihadong drive ng Quiambao at Mark Nonoy tandem, 34-27. Samakatuwid, inangkin ng Taft-based squad ang first half, 43-34.
Nahirapang umalpas ang Green Archers nang magsimula ang ikatlong kwarter matapos umukit ng 4-0 run ang Soaring Falcons, 47-43. Gayunpaman, kaagad namang binasag ni EJ Gollena ang momentum ng San Marcelino-based squad matapos umariba sa loob ng linya, 49-43. Nagpatuloy ang pag-arangkada ng Green Archers nang mag-alab ang mga galamay ni Quiambao at Joaquin Manuel, 52-45. Sinubukan pang panipisin ng mga nakabughaw ang bentahe ng La Salle, ngunit naubusan na ng oras sa ikatlong kwarter, 54-50.
Naging mainit naman ang pagbubukas ng huling kwarter matapos magsagutan ng tres sina Evan Nelle at Matthew Montebon, 57-53. Nanatili ring matatag ang depensa ng Green Archers matapos pagkaitan ang Soaring Falcons na pumukol ng puntos sa huling limang minuto ng yugto, 62-55. Hindi na nagpapigil pa sina Quiambao at David matapos umarangkada upang selyuhan ang kanilang tapatan, 69-57.
Buhat ng tagumpay na ito, nakamit ng Berde at Puting koponan ang puwesto sa final four ng naturang torneo. Kaakibat nito, umangat sa 8-3 ang panalo-talo kartada ng Taft mainstays. Subaybayan ang susunod na bakbakan ng DLSU kontra University of the East Red Warriors sa darating na Linggo, Nobyembre 12, sa ganap na ika-4 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Mga Iskor:
DLSU 69 – Quiambao 11, Phillips 8, David 8, Macalalag 8, Abadam 8, Nelle 7, Nonoy 5, Nwankwo 4, Austria 4, Escandor 2, Gollena 2, Manuel 2.
AdU 57 – Hanapi 16, Montebon 11, Sabandal 10, Calisay 7, Manzano 4, Yerro 3, Colonia 2, Ojarikre 2, Ramos 2.
Quarter scores: 20-18, 43-34, 54-50, 69-57.