NASUPIL ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang sandatahan ng University of the East (UE) Red Warriors, 83-75, sa kanilang unang bakbakan sa pagtatapos ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Basketball Tournament sa UST Quadricentennial Pavilion, Oktubre 21.
Nagpasiklab para sa Green Archers si center Raven Cortez matapos magsumite ng 18 puntos, limang rebound, at tatlong block. Umalalay rin si power forward Kevin Quiambao matapos magtala ng 17 puntos, 12 assist, isang steal, at isang block. Umarangkada naman para sa Red Warriors sina Rey Remogat at Abdul Sawat matapos makapag-ambag ng pinagsamang 26 na puntos.
Maagang nagningning para sa Green Archers si Quiambao matapos tumira ng floater, 4-3. Kaagad namang humarurot sa loob si Red Warrior Sawat upang paigtingin ang kalamangan ng mga nakapula, 6-11. Nagawa pang maitabla ng Taft-based squad ang iskor nang makapagpundar ng apat na puntos mula sa free-throw line sina Jcee Macalalag at Jonnel Policarpio, 17-all. Gayunpaman, tinuldukan ni Red Warrior Ryzel Gilbuena ang naturang kwarter gamit ang isang mid-range jumper, 17-19.
Gitgitang sagupaan ang binungad ng dalawang koponan pagdako ng ikalawang kwarter matapos magsagutan ng tirada sina Red Warrior Gilbuena at Green Archer Michael Philips, 19-21. Tumudla naman ng isang jump shot si DLSU point guard Evan Nelle kaakibat ang foul para subukang idikit ang talaan, 34-38. Sa kabilang banda, pinalobo ng mga kawal ng Silangan ang kanilang kalamangan gamit ang 8-0 run, 35-46. Samakatuwid, tinuldukan ni Red Warrior Precious Momowei ang 1st half sa bisa ng isang dunk, 37-48.
Kaagad na kinalampag ni Nelle ang labas ng arko upang puntiryahin ang kalamangan ng Recto-based squad sa pagbubukas ng ikatlong kwarter, 40-48. Nabuhay ang diwa ng kalalakihan ng Taft nang itabla ni DLSU shooting guard EJ Gollena ang talaan matapos sumibol sa labas ng balantok, 57-all. Hindi naman nagpatinag sa puwersa ng Taft mainstays ang sandatahan ng Silangan matapos rumatsada ng 18 puntos sa naturang yugto, 62-63.
Kaagad na sinilaban ni DLSU point guard Mark Nonoy ng jump shot ang kabilang koponan pagdako ng huling bahagi, 65-63. Tuluyang nakamtan ng Green Archers ang komportableng kalamangan matapos magpakawala ng tatlong puntos ni Quiambao, 73-66. Pumorma naman ng atake si Jack Cruz-Dumont upang tapyasin ang abante ng Berde at Puting koponan, 75-70. Sa kabila ng pakikibaka ng Recto-based squad, namayagpag pa rin ang Green Archers sa pagtatapos ng sagupaan, 83-75.
Bunsod ng panalong ito, tangan ng Green Archers ang 4-3 panalo-talo kartada sa pagtatapos ng unang yugto ng torneo. Sa kabilang banda, sisikapin ng kalalakihan ng Taft na makasikwat ng mga panalo sa pagpapatuloy ng ikalawang yugto.
Mga Iskor:
DLSU 83 – Cortez 18, Quiambao 17, Nelle 14, Austria 7, Policarpio 7, Nonoy 6, Gollena 5, M. Phillips 4, Macalalag 3, Abadam 2, David 0, Nwankwo 0, B. Phillips 0, Manuel 0, Escandor 0.
UE 75 – Remogat 13, Sawat 13, Momowei 12, Galang 10, Cruz-Dumont 9, Gilbuena 7, Tulabut 6, Fikes 3, Alcantara 2, Langit 0, Lingolingo 0.
Quarter Scores: 17-19, 37-48, 62-63, 83-75.