11,103—bilang ng mga nabigyang-reparasyon kaugnay ng mga naganap na pang-aalipusta ng rehimen ni Ferdinand Marcos Sr. sa karapatang pantao. 75,730—numero ng mga ninais makatanggap ng reparasyon ukol sa kanilang pagdurusa sa ilalim ng Batas Militar. Mahigit 200,000—ang itinuturing na bilang ng mga nakaranas ng paniniil.
Sa pagsalin ng mga buhay bilang numero, kadalasang nawawalan ng saysay ang kanilang mga kuwento. Sandamakmak ang bilang, ngunit naglalaho ang bigat ng bawat kalupitang dinanas. Itinampok sa dokumentaryong “11,103” ang pagsipat sa kahalagahan ng mga numero, sa direksiyon nina Jeannette Ifurung at Miguel Alcazaren. Binigyang-diin nito ang sari-saring buhay na nagdusa sa ilalim ng diktadurang Marcos nang maganap ang Batas Militar sa Pilipinas. Mapusok at malikhaing ipinasilay dito ang mga dibuho at animasyong may dagtum at puting kulay kasama ang harap-harapang pagkukuwento ng mga biktima.
Hindi man mabilang ang saktong numero ng mga nagdusa—lahat may halaga, lahat may istorya. Sa pagsuntok ng pulang kamao sa kanilang mga sikmura, paano nga ba nasisikmura ng karamihang Pilipino ang pagtalikod sa karanasan ng kanilang kababayan?
Mapait na asukal
Sa pagbigkas ng mababalasik na salitang magpapatupad sa Batas Militar, lumagapak ang ekonomiya dulot ng ubod na kasakiman. Walang awang pinuntirya ni Marcos Sr. ang mga naglalakihang negosyo ng asukal sa Negros Occidental. Isinakripisyo ng diktador ang hanapbuhay ng mga Pilipino na pinagsisilbihan upang makabuo ng isang monopolyo. Sa gayon, sumailalim sa samu’t saring paghihirap ang taumbayan, mahirap o mariwasa man ang pinanggalingang buhay.
Dulot ng pagsakmal ni Marcos Sr. sa kabuhayang nagbibigay-tamis sa mga magtutubo, naglaho ang hanapbuhay ng Pamilya Casocot. Mula sa kinalakihang hekta-hektaryang lupaing pinangalanang Hacienda Roca, nanirahan sila sa mumunti at marurungis na bahay. Nagbanat ng mga buto at nagkahiwa-hiwalay ang pamilya upang maibsan ang gastusing iniinda.
Hindi lamang mga may-ari ang nadehado sa pamamahala ng mga kroni ni Marcos Sr. sa industriya ng asukal. Higit din nitong sinira ang buhay ng 190,000 manggagawa ng mga tubuhan. Isa sa biktima nito si Joel Abong, isang batang nakaranas ng malubhang malnutritrisyon. Sa pagkawala ng pinagkakakitaan ng amang si Rolando Abong, nasimot ang kaniyang kalusugan—buto’t balat ang paslit na pinagkaitang mabuhay nang matagal. Nang tuluyang yumao ang bata, nanghihinang hinagkan na lamang ni Rolando ang anak habang humahagulgol. Tila naging mapait ang matatamis na ani ng mga Pilipino; patunay na walang pinipili ang kalupitan at kasakiman ni Marcos Sr.
Dumami rin ang kawalang-hustisyang idinulot ng kawalan ng maayos na proseso ng paglilitis ng mga kaso. Tangan nito ang paglala ng pang-aabuso ng militar at mga namumuno sa bawat lungsod. Kilalang biktima rito ang binansagang “Negros 9” na nakulong dulot ng paratang na kasabwat sila ng New People’s Army (NPA) sa pagtambang at pagpatay sa isang alkalde. Nakalaya lamang sila matapos ang 14 na buwang paghihirap sa kulungan.
Hindi tumigil dito ang pagpapakita ng dahas at kalapastanganan ng mga militar sa kapwa Pilipino sapagkat nasilayan noong Setyembre 1985 ang mapait na nakaraang kinilala bilang Escalante Massacre. Sinalubong ng mga militar ng walang tigil na karahasan ang isinagawang welgang bayan—isang pagtitipon na hinulma upang isigaw ang mga hinaing sa gobyerno. Sa kabila ng pagprotesta ng taumbayan ukol sa hindi matapos-tapos na pagdurusa, pananamantala, at panunupil, nagpatuloy ang malagim na kalupitan ng rehimen. Pinaulanan ng mga bala ang katawan ng mga biktima ng madilim na kahapon; walang-pakundangang pinagpapatay sa harap ng kanilang mga pamilya at kaibigan.
Ginintuang panahon man sa iba ang Batas Militar, tanda ang mga nakasisindak na karahasan ng pinagdaanan ng mga Pilipino na napuntirya ng naghahari-harian sa puting palasyo.
Pagsiwalat sa mga nakakubling ulat
Sa paggalugad ng mga danas sa Batas Militar, tumambad ang mga kuwentong pilit itinago—mga alaalang hindi nararapat ipagsawalang-bahala. Saan man mapadpad, may istoryang nais iladlad—ang kawalan ng kalayaan, katarungan, at karapatan. Sa kalunos-lunos na panahon, walang pinili ang nasa tuktok; lahat maaaring mahuli’t makulong. Hindi sapat ang bilang ng mga daliri sa pagkalkula ng mga pinagkaitan ng kasarinlan.
Para sa iilang may marangyang buhay, maaari silang magkibit-balikat sa mapangahas na kahapon. Subalit, hindi maitatangging habambuhay mag-aaklas ang mga boses mula sa mga bungangang pilit binubusalan. Sa haba ng panahong paggapang sa lusak, hahayaan na lamang bang patuloy na masadlak ang bayan sa mapang-alipustang mga kamay?
1972. Kuwentong kasuklam-suklam ang inialay ni Cris Palabay—biktimang anim na buwang nakulong at muling naaresto noong 1974. Nabalot ang kaniyang katawan ng panginginig mula sa takot at lamig sa pagkakaupo sa bloke ng yelo. Hindi makapiglas sa pagkalublob sa kasilyas. Hinubaran. Kinoryente. Nawalan ng malay. Gayundin, bigong makatakas sa lagim ng pamumuno ni Marcos Sr. ang kaniyang mga mahal sa buhay. Yumao ang kaniyang dalawang kapatid at dito napagtantong walang lugar ang pagluluksa mula sa kaliwa’t kanang pagdurusa. Gaya ng kaniyang sambit—hinding-hindi siya magsisising tumindig laban sa gobyernong hindi marunong umibig.
1974. Dilim ng Palimbang Massacre ang nangibabaw sa murang-isipan nina Mariam, Mohammad, at Madaki Kanda. Bukang-liwayway pa lamang, binulabog ng mga bapor ng hukbong pandagat ang kanilang mga tirahan. Sa bawat kalampag, nagkandarapa silang gumapang papalayo sa mga nagliliparang bala ng baril at bomba. Nakarating sila sa bundok na itinuring nilang kanlungan—malayo sa alingawngaw, malayang nakagagalaw. Subalit, hindi nagtagal ang pansamantalang pahinga; pinababa sila kaakibat ang kasinungalingang walang mangyayaring masama. Pinatay ng mga militar ang kanilang mga pinuno, nilapastangan ang mga babaeng namumukod-tangi ang ganda, at hinulog sa dagat ang mga batang may sakit. Hindi na maatim ng mga tainga ang araw-araw na tunog ng baril—nakapanggigigil ngunit walang makapigil. Matapos ang danas na ito, hindi na kailanman humilom ang sugat dulot ng pinsalang naganap sa Sultan Kudarat.
1984. “Bakit ako?” ang panimulang tanong na nabuo sa nakapanlulumong alaala ni Purification “Puring” Viernes. Isang taong simbahan subalit pinagbintangang kabilang sa NPA—patunay na maging ang mga relihiyoso, hindi pinalagpas ng gobyerno. Naging masalimuot ang gabi ng kanilang tahanan nang buksan ng kaniyang asawa ang pinto para sa mapanlinlang na militar—humingi ng tulong, sinuklian ng mga bala. Hindi na muling natanaw ng asawa at dalawang anak ni Puring ang sinag ng araw. Kakila-kilabot. Katakot-takot. “Hindi naman ‘yun madaling kalimutan kasi buhay ‘yun ang kinuha nila,” manginig-nginig na bigkas ni Cecilia Viernes-Nuñez, natirang anak ni Puring.
Tatlo lamang ang mga ito sa libo-libong pinsalang itinatak ng diktadura. Bukod sa mga pamilyang Palabay, Kanda, at Viernes, nagsiwalat din ng madugong alaala ang iba pang mga biktima ng Batas Militar na sina Dr. Aurora Parong, Hilda Narciso, Nemia Cabe, Enrequita Toling, at Edicio Dela Torre. Kumirot man ang nakaukit na sugat sa kaibuturan ng mga puso, mas pipiliin nilang manindigan upang hindi maulit ang karumal-dumal na kahapon.
Maraming salaysay pa ang patuloy na kinukubli. Sa bawat kuwento, napatunayang hindi lahat ng sugat mailalanggas. Hindi kailanman mahahagilap ang panapal sa mga alaalang patuloy na nananariwa.
Tintang pilit binubura
Sino ang magnanais sa muling pagtangis? Tumindig ang balahibo ng mga Pilipino noong Hunyo 30, 2022 nang umupo si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas. Sigaw ng bayan, hustisya—bakit ang iniluklok, nagpapatay-malisya?
Sa pagsasawalang-bahala ng mga nasa palasyo ng Malacañang, mas lumalim ang tusok ng bubog sa puso ng mga inabuso—tila nakalimutan ng iba ang gahamang pamumuno ng kaparehong apelyido. Magbulag-bulagan man sa kasuklam-suklam na karanasang inukit ng Batas Militar, hindi mabubura ang mga alaalang kumitil sa kalayaan ng mga biktima. Gayundin, ilang beses mang ibaon ng mga nasa tuktok ang mga panulat sa lupa, hindi kailanman pupusiyaw ang diin at dilim ng tinta mula sa mapang-alipustang pamamahala.
Hahayaan na lamang bang muling dumanak ang pulang tinta? Para sa pithaya ng susunod na henerasyon, bigyang-saysay ang mga numero ng kahapon—damhin ang sakit at huwag hayaang maulit.