NANGIBABAW ang talentong ipinamalas ni Lady Woodpusher Francois Magpily at ng kaniyang koponan sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) nang masungkit ang ikalawang puwesto nitong Season 85. Tumatak ang pangalan ni Magpily matapos walisin ang ikalawang board tangan ang siyam na panalo at tatlong tabla, upang makamit ang gintong medalya.
Hindi man nakamtan ng DLSU Lady Woodpushers ang pangkalahatang kampeon, isang tagumpay pa rin ang nakamit ni Magpily para sa kaniyang koponan at sa pamayanang Lasalyano. Bunsod nito, ibinahagi ng naturang atleta sa Ang Pahayagang Plaridel ang kaniyang mga naging karanasan sa nagdaang torneo at ang kaniyang mga tinahak na pagsubok upang makamit ang ginto sa ikalawang board kasama ang titulong season Most Valuable Player (MVP). Bukod dito, isinaad ni Magpily ang kaniyang hangarin para sa sarili at sa kaniyang koponan sa darating na UAAP Season 86.
Primerang galaw ng piyesa
Maagang sumabak sa aksiyon si Magpily matapos sundan ang yapak ng kaniyang ama na dating manlalaro ng chess. Lalong tumibay ang samahan nina Magpily at ng kaniyang ama matapos niya ito maging tagapagsanay—isang karangalang hindi pinalagpas ng naturang atleta upang mahubog ang kaniyang talento sa mundo ng chess. Bukod sa pagpupunyagi at naipong karanasan buhat ng mga naunang sinalihang patimpalak, nagsilbi ring tagapagtaguyod ng pang-araw-araw na gastusin ang mga nalikom na gantimpala sa kaniyang mga kompetisyong nilahukan.
Hindi nagkamali si Magpily sa paglundag mula España patungong Taft. Matapos lumawak ang koneksiyon nang makatuntong ng senior high school sa Unibersidad ng Santo Tomas, tumungo agad siya sa kampo ng Berde at Puti. Pasan ang pinapangarap na unibersidad, ipinamalas ng Lady Woodpusher ang angking listo sa pagdikta ng galaw ng mga piyesa sa larangan ng chess.
Bitbit ang hangaring makapag-uwi ng gintong medalya para sa Pamantasan, umentrada agad si Magpily sa mas mataas na lebel ng kompetisyon sa UAAP upang mapausad ang galaw ng kaniyang karera sa pangkolehiyong entablado. “More on sumasama ako sa mga teammates ko. Parang ‘pag nakikita ko silang naglalaro, nanonood lang ako. Minsan kasi may time na ayoko maglaro pero ‘pag nakikita ko silang naglalaro, naeengganyo ulit ako,” patotoo ni Magpily sa mga panahong nasisimot ang kaniyang motibasyon bilang Lady Woodpusher.
Most Valuable Piece
Hindi biro ang sinuong na landas ni Magpily nitong nagdaang UAAP Season 85. Isang buwan at mahigit pa ang Itinagal ng naturang torneo kaya’t sinikap ng atletang balansehin ang pag-aaral at ang pag-eensayo. Kinailangan niyang pumasok sa kaniyang mga klase sa umaga, mag-ensayo ng chess sa hapon, at tuparin ang kaniyang mga nakatakdang responsibilidad bilang estudyante sa gabi. Tiyak na nagbunga naman ang kaniyang dugo’t pawis sapagkat nakamit ni Magpily ang MVP sa nagdaang torneo.
Bilang MVP, ibinahagi rin ng dekalibreng atleta ang kaniyang mga naging paninindigan upang makamit ang gantimpala. “Be focused, stay humble, stay hydrated—kailangan ‘yon. Kasi naniniwala ako na lahat ng pagpupursige at pagsisikap ay nasusuklian ng blessings,” ani Magpily. Bilang parte ng koponan, masidhi ang kaniyang determinasyong gawin ang kaniyang makakaya upang samahang umangat ang buong koponan. Sa bawat laro ng atleta sa patimpalak, hindi nawala sa kaniyang isip ang tagumpay ng buong koponan—ang bawat sakripisyo, luha at pawis na ibinibigay ng bawat isa tungo sa tagumpay.
Malaking pasasalamat ang ipinararating ni Magpily sa kaniyang koponan at mga tagapagsanay na tumulong sa kaniyang kampanya sa UAAP. “Nagpapasalamat ako sobra sa mga coaches ko ayan sila Coach Randy Segarra at Coach Susan Neri, at sa mga teammates ko at sa iba pang mga tumulong sa akin para makamit ‘yung tagumpay ko bilang isang MVP,” mariing sambit niya tangan ang pusong puno ng pasasasalamat.
Bagong hakbang, bagong tagumpay
Patunay si Magpily na hindi natatapos sa isang naabot na pangarap ang pagpapaunlad ng karera sa chess. Buhat nito, hangad niyang pagbutihin pa lalo ang kaniyang kakayahan hindi lamang bilang manlalaro ng chess, pati na rin bilang modelo sa ibang Lady Woodpusher. Batid niya, kahit mag-isa siyang sumasabak sa laban, mahalagang nasa parehong pahina ang utak at kondisyon ng buong koponan upang makalapag sa tuktok ng hanayan sa darating na UAAP Season 86.
Layon din ng atletang mabigyan ng paggabay at motibasyon ang kaniyang koponan sa kanilang ginagawang paghahanda sa darating na UAAP Season 86. “Gusto ko na maibahagi at maimpluwensiyahan din sila ng galing at lakas na mayroon ako. Gusto ko din na mabigyan sila ng motibasyon araw-araw para ganahan sila mag-training. Magagawa ko sa ngayon sa pamamagitan ng pagsimula sa aking sarili,” pagtatapos ni Magpily.
Baku-bakong daan ang binagtas ni Magpily makatapak lamang sa entabladong kasalukuyan niyang pinagtatagumpayan. Gayunpaman, nangibabaw sa atleta ang matibay na pundasyong pinuno ng kaniyang mga naunang tagapagsanay. Bilang pagpapatuloy ng kaniyang nasimulang pag-eksena sa mas mataas na antas ng pautakan, nananatili ang mithiin ng atletang Lasalyano na maisukbit pauwi sa Taft ang gintong medalya ng torneo. Nauna man ang titulong MVP, abangan ang itutudlang galaw ni Magpily, kasama ang hanay ng mga Lady Woodpusher sa darating na UAAP Season 86.