MASUGID na pagsasanay ang isinagawa ng De La Salle University Green Batters para sa muling pakikipagsapalaran sa entablado ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Baseball Tournament. Bitbit ang kanilang dedikasyon, patuloy ang masigasig na paghahanda at pagpapanday ng kanilang dekalibreng galing upang matiyak ang pagdepensa sa kanilang titulo bilang kampeon. Matapos ang tatlong taong pagkaantala, nananatili pa rin sa maayos na disposisyon ang mga atleta kasabay ang mabalasik na pagliyab ng mga baton bago sumabak sa naturang torneo.
Panunumbalik sa porma
Sabik na muling mapasakamay ang ginto sa torneo, masidhing pag-eensayo, pagtitiwala, at pagbabayanihan ang naging pangkasa ng Green Batters para sa panunumbalik ng tagisan ng gabilya sa UAAP Season 85. Bagamat isang malaking hamon para sa mga atleta ang biglaang pagsabak sa duwelo, ibinahagi nina kapitan Vincent Flores at UAAP Season 85 Most Valuable Player Joshua Pineda sa Ang Pahayagang Plaridel na buong-puso nilang tinanggap ang tungkuling maipagpatuloy ang nasimulang laban. Gayundin, layon nilang maikintal sa kanilang koponan ang simbuyo ng pagiging kampeon.
Isinawalat din ni Flores paano ang naging sistema ng kanilang paghahanda noong nakaarang UAAP. “[Crammed] ‘yong paghahanda dahil noong pandemic puro online conditioning [lang]. . . Medyo minadali kaya akala namin ‘di mag-wo-work. ‘Yong mindset, I think, ‘yong number one thing na nagwork as a team—kasi we really wanted to win the tournament,” pagbabahagi niya.
Sa likod ng bawat paghampas sa bola, tanda ang pananabik na muling pumabor ang kapalaran sa koponang Berde at Puti. Tila isang matarik na pilapil para kina Flores at Pineda ang pagsisimula ng panibagong serye ng sagupaan sapagkat panibagong henerasyon na ng mga atleta ang kanilang kahaharapin.
Kasabay ng pagpapanatili ng tikas ng katawan ang pagpapairal ng kapatiran sa pagitan ng mga manlalaro. Pagbabahagi ni Pineda, hindi naging madali para sa kanilang mga beterano ang naging adaptasyon sapagkat kinikilatis pa ng mga rookie ang kanilang sistema. Gayunpaman, binigyang-puri ng kapitan ang mga baguhan sa kanilang pagpapamalas ng husay at talino sa loob ng field.
Marubdob na pagsisikap
Pansamantala mang natigil ang torneo bunsod ng pandemya, hindi napigilan ang matinding pagmamahal at dedikasyon ng Taft-based squad para sa larong baseball. Ayon kay Pineda, kinailangan nilang bumalik mula sa umpisa bilang paghahanda para sa naturang season. Malaking espasyo man ang dapat na punan bunsod ng pagkalagas ng ilang manlalaro sa koponan, hindi ito naging hadlang upang muling makamit ang kampeonato.
Masasabing hindi talaga naging madali ang pagsalang ng kanilang koponan sa naturang season. Paglilinaw ni Flores, “Number one na hamon is chemistry ng team kasi more than half of players bago na from the old team na nag-champion. . . so malaking adjustment sa lahat and almost lahat ay matatawag mo na rookie kahit hindi na.”
Samakatuwid, kinailangan nilang matutuhan ang pagkakaunawaan, pagtutulungan, at pagpapahalaga sa mga kakayahan ng bawat isa. Hindi lamang ito tungkol sa mga indibidwal na talento, pati na rin sa paraan ng kanilang pagtatrabaho bilang isang kolektibong grupo.
Sa pagbubukas ng panibagong kabanata ng torneo, inaasahan ni kapitan Pineda ang tulong ng mga bagong salta sa koponan. Bukod dito, puspusang pag-eensayo at tiwala sa mga tagapagsanay ang ilan sa mga naging puhunan ng Green Batters upang makamit ang kanilang inaasam na back-to-back championship. Gayundin, nagbigay-inspirasyon sa koponan ang suporta ng kanilang pamilya at mga tagahanga upang ibuhos ang lahat ng kanilang angking talento sa bawat sagupaan.
Pagpapatuloy sa mithiin
Kapana-panabik na Season 86 ang naghihintay para sa koponang Berde at Puti. Bunsod nito, hangad nina Flores at Pineda na maibahagi sa mga bagong salta ang kahalagahan ng solidong samahan upang pagtibayin ang kanilang koneksiyon bilang isang koponan. “Sana hindi mawala ‘yong team bonding namin, kasi doon nabubuo yong brotherhood. . . mahalaga ‘yon sa team para makilala niyo ‘yong isa’t isa. ‘Yon [brotherhood] din ‘yong isang factor na nakapagpanalo sa amin,” huling kahilingan ni Pineda bago matapos ang termino niya bilang manlalaro sa UAAP.
Sa darating na UAAP Season 86, inaasahang patuloy na mag-aalab ang determinasyon ng Taft-based squad kasama ang mga desididong bagong kasapi upang maipagpatuloy ang pag-ukit ng karangalan para sa Pamantasan. Bitbit ang mga aral na kanilang natutuhan, pati na rin ang suporta mula sa pamayanang Lasalyano, buo ang tiwala nina Flores at Pineda na mapapatuloy ang pagkinang ng Green Batters sa paparating na torneo.