Itinatampok ng midya ang maaaksiyong eksena sa larangan ng pampalakasan. Bagamat malaki ang nakaatas na gampanin nito, hindi maitatanggi ang patuloy na pag-iral ng gender stereotype sa mga naglalakihang torneo gaya ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Mula sa media coverage hanggang sa suporta ng taumbayan, kinakikitaan ng hindi patas na pagkilala sa iba’t ibang dibisyon ng mga larangang kalahok sa mga torneo. Kapansin-pansin ito sa mga larangan ng basketball at volleyball na may pagkiling sa kasarian.
Ipinalabas nang live noong 2019 ang piling sagupaan ng UAAP Women’s Basketball Tournament sa website ng ABS-CBN Sports. Maikokompara ang coverage na ito sa men’s division ng naturang isports na nagsimula pa noong 1991. Dahil sa halos tatlong dekadang kawalan ng media coverage para sa Women’s Basketball, kinakikitaan ang kaibahan ng antas ng suportang natatamo ng magkaibang dibisyon sa parehas na larangan. Nagbubunga ito ng mababang bentahan ng tiket para sa mga hindi suportadong dibisyon gaya ng Women’s Basketball.
Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami ang pagkakaroon ng primetime sa pagsasaayos ng iskedyul ng mga laro. Bagamat nagbukas ng mas maraming timeslot para mapaunlakan ang hiling sa mas maraming laro at mas patas na bracketing, nailalagay naman sa mga patay na oras ang mga hindi gaanong kilala o suportadong mga laro. Masasalamin ang ganitong sitwasyon sa kasalukuyang danas ng Men’s at Women’s division ng Volleyball tournament sa UAAP.
Sa kabila ng samu’t saring hamon at restriksiyon, masugid na nagpapamalas ng husay at determinasyon ang bawat atleta sa bawat torneong kanilang sinasalihan. Patunay nito ang pagbulsa ng Gilas Women ng gintong medalya noong 2019 at 2021 sa Southeast Asian (SEA) Games. Gayundin, umukit naman ng kasaysayan ang Philippine Men’s Volleyball Team noong 2019 matapos pabagsakin ang four-time defending champion na Thailand. Hindi man pinalad sa kamay ng bansang Indonesia, nakamit ng Pilipinas ang pilak na medalya sa SEA Games matapos ang 42 taon.
Bagamat subok na ang katatagan ng mga naturang larangan ng pampalakasan sa kabila ng kakulangan ng suporta, isinusulong ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang patas na media coverage at suporta sa mga atleta. Naniniwala ang Pahayagan na karapatan ng bawat manlalaro na tangkilikin din ng masang Pilipino ang kanilang karera. Samakatuwid, inaasahan ng APP ang patuloy na pagtangkilik ng pamayanang Lasalyano at ng taumbayan sa lahat ng larong pampalakasan, hindi lamang sa basketball at volleyball.