PINANGUNAHAN ng Lasallian Ambassadors at Council of Student Organizations (CSO) ang mainit na pagtanggap sa mga estudyanteng ID 123 sa isinagawang Lasallian Personal Effectiveness Program (LPEP) na may temang “Animo Flight: Ascend with Animo,” Agosto 22 hanggang 25 sa Pamantasang De La Salle. Layon nitong tulungan ang mga bagong estudyante sa kanilang transisyon tungo sa buhay-kolehiyo.
Kabilang sa mga isinagawang programa sa LPEP ang Plenary Session, Kumustahan Session, Animo Building Concert, at taunang Frosh Welcoming na isinagawa ayon sa iskedyul ng bawat kolehiyo. Nagtapos naman ang programa sa kampus ng Laguna nitong Setyembre 9.
Paglapag sa Pamantasan ng Flight ID123
Matapos ang pagkaantala ng taunang LPEP at Frosh Welcoming, minarkahan ng LPEP2K23 ang ikalawang pagdiriwang nito sa face-to-face na moda magmula noong pandemya. Naging kakaiba ito sa nakaraang taon dulot ng pag-aalis ng mga restriksiyon gaya ng limitadong pagtitipon at mga health protocol, bagay na nagbigay-daan sa mas mainit na pagsalubong sa bagong henerasyon ng mga Lasalyano.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Aiofi Astryd De Castro, documentations and publicity core head ng LPEP, siniguro aniya ng buong komite ang matagumpay na pagdaraos ng LPEP. Naging posible ito sa pakikipag-ugnayan sa mga faculty mula sa Student Leadership Involvement, Formation and Empowerment at pagkuha ng feedback ng mga estudyanteng nakidiwang sa nakaraang LPEP2K22.
Binigyang-diin din ni De Castro ang naging gampanin ng bawat komite sa tagumpay ng programa. Pinangasiwaan ng Marketing and Relations ang paghahanap ng mga sponsor at pinangunahan naman ng Operations and Logistics ang paghahanap ng mga silid-aralang maaaring gamitin para sa Kumustahan Session.
Tiniyak naman ng Human Resources Management and Development na magiging maayos ang mga modyul at pagsasanay na inihanda upang mas mapabuti ng kanilang mga miyembro ang kanilang mga sarili. Samantala, binigyang-pokus ng Documentations and Publicity ang branding ng LPEP2K23.
Pagpapatuloy niya, sinikap ng komiteng maisakatuparan ang programa nang naaayon sa tradisyunal na pamamaraan nito. Gaya ng mga LPEP sa nakalipas na taon, muling idinaos sa Teresa Yuchengco Auditorium ang College Plenary Session at Animo Building Concert.
“Sa bawat campus tour at kumustahan session na isinagawa, inaasahan naming nararamdaman ng bawat ID 123 ang mainit na pagtanggap, ngunit alam naming bilang Lasallian Ambassadors, hindi dito natatapos ang aming paglilingkod para sa komunidad,” sambit niya. Ipinaliwanag naman ni Rikki Mera, project head for organizational relations ng Frosh Welcoming, na gabi isinagawa ang Frosh Welcoming upang mabigyang-pagkakataon ang mga frosh na mas makilala ang mga kaklase at mapanood ang mga inihandang programa ng LPEP.
Pagsubok na hinarap ng mga tagapamahala
Ibinahagi ni Rock San Juan, project head for public relations and logistics ng Frosh Welcoming na nagkaroon ng mas mahabang durasyon ang programa bunsod ng paglipat ng lokasyon. Matatandaang idinaos ang Frosh Welcoming noong nakaraang taon sa Don Enrique Yuchengco Grounds, ngunit naibalik na rin sa St. Joseph Walk ang kinaugaliang Frosh Walk.
Ayon naman kay Isabela Cerilla, project head for corporate relations and productions ng Frosh Welcoming, naging hamon din ang pakikipag-ugnayan sa mga potensiyal na sponsor sa maikling panahon. “Sa halos dalawang buwan na oras na aming hawak, kinailangan naming gumawa ng mga mahihirap na desisyon at prioritization,” aniya.
Ibinahagi rin ni Mera na sumabay ang kanilang mga gawaing pang-akademiko habang inaasikaso ang naturang programa. “Laking pasasalamat ko sa mga taong nakapaligid sa akin dahil tuwing nararamdaman ko na ang presyon [sa] parehong akademiko at organisasyon ay hindi ko iyon lubhang naramdaman [dahil] kasama ko ang mga taong naghikayat sa akin na maging mahusay,” aniya.
Pagsasalaysay ni Mera, nagkaroon din ng tensyon sa mga project head noong pinaghahandaan nila ang Frosh Welcoming dahil hindi nabibigyang-atensyon ang kani-kanilang mga responsibilidad. “Dahil sa proyektong ito, natutuhan ko na hindi dapat kaibigan ang tingin mo sa iyong katrabaho upang magawa mo ang iyong responsibilidad nang maayos,” ani Mera.
Dagdag pa rito, nagkaroon din ng ilang pagbabago sa bilang ng mga organisasyong lumahok sa Frosh Welcoming, subalit, nasolusyonan naman ito ng mga komite sa pagsasagawa ng mga dry run bago ang Frosh Walk.
Matagumpay ang naging pagtanggap sa mga bagong Lasalyano sa Frosh Welcoming sa kabila ng mga suliraning kinaharap ng DLSU CSO. Pagwawakas ni San Juan, “Nais kong ipahatid ang aking pasasalamat sa pagpili sa Pamantasan upang maging mga bagong Lasalyano na magtataguyod sa uri ng komunidad at lider na mayroon ang institusyong ito. Nawa’y maging tulay ang oportunidad na ito sa pag-abot ng inyong mga mithiin at pangarap na makapaglingkod sa inyong kapwa.”