PULIDONG MGA PALASO ang ipinalipad ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers kontra sa hanay ng Emilio Aguinaldo College (EAC) Generals, 25-19, 26-24, 25-18, sa V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Setyembre 8.
Hinirang na Player of the Game si DLSU team captain JM Ronquillo matapos mag-ambag ng 16 na puntos. Tumulong din sa opensa si outside hitter Noel Kampton nang magsumite ng 14 na marka mula sa 11 atake at tatlong service ace. Magiting namang pinangunahan ni opposite hitter Bryan Jay Cabrera ang puwersa ng mga heneral tangan ang walong puntos.
Maagang pananabik ang ipinalasap ng Taft-based squad sa unang set ng sagupaan nang magpasiklab ng nagbabagang crosscourt attack si Ronquillo, 5-3. Hindi naman nagpatinag ang EAC nang sugurin ni middle blocker Jerimaih Salonga ang kampo ng Berde at Puti, 10-15. Gayunpaman, muling binasag ni Ronquillo ang pag-asa ng Generals sa bisa ng down-the-line hit, 21-15. Bunsod nito, tuluyang isinara ni DLSU rookie Yoyong Mendoza ang set matapos bombahin ang zone 5 ng kort, 25-19.
Gitgitang sagupaan mula sa dalawang koponan ang naganap pagdako ng ikalawang set nang magpakawala si Kampton ng service ace, 3-all. Samantala, hindi agad pinalusot ng Generals ang Green Spikers nang magrehistro ng puntos si Jester Bornel gamit ang kaniyang down-the-line hit, 9-10. Bumira naman ng puntos si Kampton matapos magpamalas ng isang umaatikabong backrow attack, 25-24. Samakatuwid, tuluyang napasakamay ng Green Spikers ang 2-0 bentahe nang magtala ng attack error si open hitter Frelwin Taculog, 26-24.
Patuloy na sinalanta ng Taft mainstays ang Generals nang kumamada ng puntos si middle blocker Nath Del Pilar sa service line, 6-1. Umeksena naman ng isang nag-aalab na down-the-line hit si Ronquillo upang bitbitin ang koponan sa komportableng kalamangan, 12-7. Kaakibat nito, agad nang sinelyuhan ng mga nakaberde ang panalo matapos ang net error ni heneral Kenneth Batiancila, 25-18.
Bunsod nito, matagumpay na naposasan ng Green Spikers ang kalalakihan ng Ermita tangan ang 3-2 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, sunod na makatutunggali ng koponan ang University of Perpetual Help System DALTA Altas sa Biyernes, Setyembre 15, sa ganap na ika-12 ng tanghali sa parehong lugar.