TINUPOK ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang pagningas ng San Beda University (SBU) Red Spikers, 25-15, 25-22, 16-25, 25-21, sa 2023 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Agosto 27.
Hinirang na Player of the Game si DLSU playmaker Diogenes Poquita III tangan ang 15 excellent sets at dalawang puntos. Pinangunahan naman ni team captain JM Ronquillo ang opensa ng koponan matapos tumikada ng 19 na marka. Sa kabilang banda, nagpakitang-gilas naman para sa Red Spikers sina Ralph Cabalsa at Andrei Bakil nang magsumite ng tig-15 puntos.
Matibay na depensa ang ipinamalas ng Green Spikers sa unang set nang payungan ni JJ Rodriguez ang tirada ni Cabalsa, 6-2. Nagpatuloy pa ang pag-arangkada ng DLSU matapos utakan ni Noel Kampton ang kalaban gamit ang kaniyang placement shot, 20-12. Sa kabilang banda, sinubukan pang humabol ng Red Spikers, ngunit agad nang isinara ni Nate Del Pilar ang naturang set, 25-15.
Gitgitang sagupaan ang naging eksena pagdako ng ikalawang set matapos magpalitan ng atake sina Vince Maglinao at Justine Santos, 6-all. Nakalamang pa ang mga nakapula, subalit pinadikit muli ng Green Spikers ang talaan sa tulong ng crosscourt shot mula kay Maglinao, 14-all. Kumamada pa ng rumaragasang spike si Maglinao upang dalhin ang kaniyang koponan sa set point, 24-22. Samakatuwid, natuldukan ang set nang magtala ng error ang SBU, 25-22.
Mahigpit ang naging kapit ng magkabilang koponan sa ikatlong set matapos magsalitan sa hampasan sina Red Spiker Arnel Tolentino at Rodriguez 4-all. Sa kabilang banda, naghiganti naman ang mga nakapula nang makapagbuno ng 7-0 run mula sa nagbabagang atake ni Kevin Montemayor, 13-22. Kinalaunan, waging makapuslit ng isang set ang SBU gawa ng attack error ni Ronquillo, 16-25.
Nagpatuloy naman ang pananalasa ng San Beda sa ikaapat na set matapos makalamang ng apat na puntos, 9-13. Bitbit ang hangaring paimpisin ang namamagang kalamangan ng kalaban, mas pinaigting na depensa ang ipinamalas ng La Salle. Kaakibat nito, nagsumite ng magkakasunod na kill block ang Green Spikers, 15-14. Nagpasiklab pa ang koponang Berde at Puti sa pangunguna ni rookie Yoyong Mendoza upang tuluyang wakasan ang bakbakan, 25-21.
Bunsod ng panalong ito, nakamtan ng Green Spikers ang 2-1 panalo-talo kartada. Samantala, sunod na kahaharapin ng Taft-based squad ang matitikas na Ateneo de Manila University Blue Eagles ngayong darating na Biyernes, Setyembre 1, sa parehong lugar.