Sa imo pagpanglugayawon sa kabuhi nga matahom, maabot gid ang mga tini-on, tawgon ka sang imo nga handum. (Sa iyong paglalakbay sa magandang buhay, darating ang oras, magpapahiwatig ang iyong mga pangarap). Sa pagtawag ng kalooban sa nawawalang sarili, mahahanap ang senyas na maglakbay upang hanapin ang mga pirasong kulang.
Kag kung ikaw naga duha-duha, kag ang dughan gakuba-kuba. Amu sina ang umpisa sang bulawan mo nga istorya (Kung ikaw ay may pag-aalinlangan at nanginginig ang puso. Iyan ang simula ng iyong maningning na istorya). Masipat man ang kakulangan ng lakas ng loob upang tahakin ang paglalakbay, patuloy pa ring maglalakad upang mabago ang buhay.
Ipinasilay sa malawak na iskrin, sa direksiyon ni Kenneth De la Cruz, ang pelikulang Bulawan Nga Usa na tumalakay sa paglalakbay ng isang lalaki upang hanapin ang tanyag na gintong usa para sa isang hiling. Inihandog ang palabas sa ilalim ng Cinemalaya 19: IlumiNasyon, kasama ang iba pang sari-saring obra. Bukod sa nakapupukaw-loob na mga kuwento at alamat, inuudyok ng pelikula ang sabay na pagtuklas ng sarili kasama ang bidang si Makoy sa pamamagitan ng pagbalik sa nalimutang kinagisnan.
Bighaning taglay ng mga Ilonggo
Kasabay ng pagsindi ng iskrin, bumukadkad ang pagsungaw ng gintong araw sa berdeng kumot na bumabalot sa kabukiran at kabundukan. Nagsilbing panggising ng diwa sa lakbay na tatahakin ang masiglang tanawing pupukaw ng loob at damdamin. Sa gayon, tila kasabay sa paggising mula sa isang kamping ang naging umpisa ng pelikula.
Tagpo sa matayog at mariwasang kabundukan ng Panay, sinundan ang buhay ng batang Makoy, sa pagganap ni CJ Agasita. Mula sa kaniyang pagsibol sa siyudad kasama ang kaniyang lolo, nailantad sa kaniya ang samu’t saring kuwento at alamat ukol sa malalapit na bukid at bundok. Kasama pa rito ang kanilang munting paglalakbay at paghahanap ng mga mahiwaga at misteryosong nilalang na hinggil sa mga naturang alamat. Sa mga istorya, nakita ang maagang kamanghaan at bighani ni Makoy sa kaniyang kinagisnan.
Kawangis ng mga eksena ang alindog na madadama sa mga naitampok na panimulang alamat. Nakaugat ang karikitan ng mga kuwento sa realidad na hindi lamang yari sa imahinasyon ng mga gumawa ng pelikula, sa halip hango ito sa mga sinaunang alamat na ipinasa-pasa ng bawat henerasyon ng mga Ilonggo. Kasama rito ang pamagat ng pelikula na nakabatay din sa kanilang kultura ukol sa mitolohiya ng gintong usa sa kabundukan ng Dingle at San Enrique. Sa paghanap ng gintong usa, pinaniniwalaang matutupad ang kahit anomang hiling ng sinomang makatatagpo nito.
Namumukod-tangi rin ang pelikula dahil sa paggamit ng katutubong wika na Hiligaynon. Nakatulong ito sa paglubog na tila kasama mong nakaupo si Makoy sa harap ng kaniyang lolo habang nakikinig sa mga kuwento. Kapos man ang iba sa kasanayang intindihin ang wikang naririnig, bakas sa mga boses ang kasiyahang dala ng bawat alamat na naimik.
Kasabay ng kalugurang dala ng pagkabata ang realidad ng pagtanda. Sumisid ang likhang-sining sa aspekto ng paglaki at paglayo ng loob sa kamusmusan—mga bagay na sumasalamin sa karaniwang karanasan ng bawat isa. Dinala rin nito ang madla sa kanilang pagkabata; ang mga inalikabok nang alaala. Nakatulong ang paglalakbay sa paglatag ng relasyon ng manonood bilang kasangga ni Makoy, hindi lamang sa masasayang alaala ng pagkabata pati na rin sa kapanglawan ng pagtanda.
Ipinakita rin ng kaniyang pagtungtong sa hustong edad at pagkamit ng trabaho bilang isang accountant ang unti-unting paglisan mula sa nakaraan. Kasabay pa ng mga makabuluhang pagbabago, ang pagsumpong ng sakit ng kaniyang lolo. Sa bawat araw na lumilipas, lumalala ang kakapusan ng lakas at sigla. Kalakip ng mga pangyayari ang hangaring bumalik sa kabundukan upang mamataan ang gintong usa. Sa kaniyang kalumbayan, nagpasiya na ang matandang Makoy, na ginagampanan ni Ron Matthews Espinosa, na sumabak sa isang paglalakbay na babago sa kaniyang buhay.
Yapak sa daang walang patutunguhan
Sa walang katuturang paglalakad ni Makoy, mahahanap ng madla ang oras upang gumawa ng sariling repleksiyon sa kanilang buhay. Makikita sa pagbagtas niya ang pag-iba ng eksena bilang taong-siyudad na may mabilis at masidhing buhay tungo sa mabagal at sariwang paglalakabay. Sa kalagitnaan ng kawalan, nakilala ni Makoy ang batang si Minggo, na ginampanan ni John Neil Paguntalan. Natapik ng bata ang kaniyang interes at kuryosidad sa hiwagang naidagdag nito sa kaniyang paglalakbay.
Sa kanilang pagsasama, nahikayat si Makoy na hanapin ang kaniyang nawalang sarili habang hinahanap ang gintong usa. Maaliwalas nitong itinulak na mapulot ng iba ang kahalagahan sa pagbalik sa sari-sariling pagkabata. Hindi nito kagaya ang ibang likhang-sining na hubad ang atake sa maseselang tema sapagkat hinikayat ng pelikulang bumitaw ang lahat sa paghanap ng malalim na mga puntong hindi naman ipinararating. Sa halip, inuudyok nitong kapain ang kamusmusan na matagal nang inabandona.
Nakatulong naman ang animasyon at musika sa paglubog sa kamangha-manghang isip ng isang bata. Mahusay ang estilo ng animasyon, katulad nito ang mga sining na matatagpuan sa mga kinalakihang librong pambata. Masisilayan nang maigi ang paghalo ng animasyon sa karingalan ng mga kuhang nagbigay ng katarungan sa kagandahan ng eksena. Ibinalik nito sa mata ang lente ng isang batang may mahiwagang pagtingin sa mundo. Subalit, hindi napanatili ng pelikula hanggang katapusan ang hiwagang dala ng animasyon. Nabalewala ng ginamit na estilo ang binuong tensiyon at inabangang katuturan ng paglalakbay. Imbis na makaramdam ng kaluguran sa pagtatapos ng makabuluhang paglalakbay, mas nanaisin na lamang ang pagtatapos ng pelikula sa misteryoso nitong anyo.
Sa kabilang banda, dumagdag naman sa kasiglahan ng biswal ang mga musikang kumuha ng inspirasyon sa mga katutubong tunog gamit ang tradisyonal na mga instrumento. Angkop at hindi nawala sa lugar ang musika sapagkat natural na tunog ito ng kagubatan—mga ibon na sumasabay ang huni sa bawat yapak sa kabundukan. Sa bawat malumbay namang eksena, ramdam ang tunay na kalungkutan dahil sa kabaligtaran nito sa mga nakaraang masaya at masiglang musika.
Bukang-liwayway na bumalot sa kabundukan
Sa bawat yapak sa lupa, kasunod tayong nanonood; sa bawat kuwentong naimik, kasama tayong nakikinig. Suminag din sa mga mukha ang gintong pagningning ng araw. Kulang na lamang ang halimuyak ng damo at basang kahoy para maidala tayo mismo sa kabundukang tinatapakan ni Makoy. Tagos din sa kalooban ang taos-pusong mga diyalogo. Hubad sa katutubo nitong wika, hindi nagpatinag sa paggamit ng wikang Filipino para sa kaalwanan ng mga hindi nakaiintindi ng Hiligaynon.
Nabuhat ng pelikula ang hiwagang nais iparating hanggang sa dulo nito. Mahahanap nito ang minsang nawalang sarili sa pagbaling sa kinalimutang kamusmusan. Nagsilbing katalista sa pagtuklas ang sinabak na paglalakbay. Bagamat mahusay ang paglalakad, may kabiguan pa rin sa pagpapanatili nito hanggang katapusan. Sa kasudkulan ng layon sa paglalakbay, nawala rin ang pananabik sa pag-iiba ng estilo ng animasyon. Gayunpaman, hindi nito naalis ang pakiramdam ng pagiging kasangga ni Makoy sa kaniyang bawat sandali.
Sa pagtatapos ng pelikula, nabigyang-liwanag nito ang mga tanong at hakbanging bubuo ng sarili. Hudyat na dumating man muli ang pakiramdam ng kamusmusang nawala, mapupulot ito muli sa pagsulong sa isang paglalakbay. Maaaring mahanap ito katulad ng pamumundok ni Makoy—o sa iba pang paraan na aangkop sa identidad ng bawat isa. Patunay na mahahanap lamang ang nawalang bahagi ng sarili sa mga paggunita ng mga bagay na minsang nagpasaya sa musmos na puso.