Mahirap mabuhay nang may bubog na nakatusok sa dibdib. Sa hindi inaasahang pagkakataon, madalas nitong pinasisikip ang daanan ng hangin at pinabiblis ang tibok ng puso. May mga panahon namang pinalilitaw nito ang mga halimaw na babagabag sa natitirang katinuan ng isip. Saglit mang malimutan, lagi pa ring nananahan; nagbabadyang kumirot muli upang ibalik ang sarili sa marahas na nakaraan.
Sa pag-arangkada ng Cinemalaya 19: ilumiNasyon, itinampok ang isa sa mga kaabang-abang na obrang Iti Mapupukaw, sa direksiyon ni Carl Joseph Papa. Ito ang kauna-unahang pelikulang animated na ipinasok sa naturang film festival. Kabilang ang Best Film at Network for the Promotion of Asian Cinema Full-Length Feature Award sa mga hinakot nitong parangal sa Cinemalaya 2023 Awards Night nitong Agosto 13.
Sa samu’t saring naratibong binigyang-liwanag ng mga pelikula, mahihinuhang kuwento ito ng pagdurusa mula sa pang-aabuso at pagharap sa kinahinatnan ng trauma. Matapang ding isiniwalat ng pelikula ang malagim na proseso ng paghimay sa alaala ng isang biktima sa pamamagitan ng pagsilay sa paghiwa nito sa kaniyang pang-araw-araw na buhay.
Isa-isang kinuha
Marami ang nawawala sa mga biktima ng mga abusadong indibidwal—-karapatan, pag-asa, at pangarap. Naaapektuhan ng mga walang awang pagnanakaw ang kanilang pamumuhay nang matiwasay bilang isang tao. Naiimpluwensiyahan din nito ang kanilang pakikipagkapwa at pag-iral sa mundo nang may tiyak na patutunguhan. Sa pagbagtas ni Eric, sa pagganap ni Carlo Aquino, ipinakita ang kalbaryong kaniyang kinaharap dulot ng pang-aabusong naranasan sa kamay ng kaniyang tiyuhin.
Mula sa simula, ipinakita na ang nawawalang bibig ni Eric na sinundan ng pagnakaw ng mga guni-guning alien sa kaniyang tainga, mata, ari, at kamay. Inilantad ng kawalan ng bibig ang kaniyang inimpit na tinig; ang paglaho ng kaniyang karapatan at kakayahang magsalita pati ang pagsipat sa mundong ginagalawan. Sa pagkawala ng bibig, naging mahirap kay Eric na magkuwento ng kaniyang karanasan—isang bagay na totoo para sa mga tunay na biktima ng karahasan at pananamantala. Maliban diyan, tumatak din sa palabas ang pakikipag-usap ni Eric sa kaniyang babaeng kamag-anak na nawalan din ng bibig. Patunay na marami pang ibang biktimang binusalan ng karahasan at seksuwal na pang-aabuso.
Matapos bigyan ng sapat na konteksto ang mga manonood sa nangyaring pang-aabuso, kinuha rin ng mga alien ang ari ni Eric—pahiwatig ng nawala niyang kapaslitan. Sa gayon, sa kahungkagan ng iba’t ibang bahagi ng katawan, ipinakita ang masalimuot na pagdukot sa kaniyang kamusmusan. Tinanggal nito ang kaniyang dangal; pinaralisa ang manipis na katawan. Gayundin, pinigilan ng pang-aabuso sa kaniyang musmos na katawan at isipan ang sariling kakayahang mamuhay nang matiwasay sa kaniyang pagtanda.
Nabigyan ng pelikula ng karampatang pagtalakay ang kalagayang-isipan ng mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso. Sa kalagayan ni Eric, napapatid ang kaniyang mga alaala, pag-iisip, at pagkakakilanlan bilang indibidwal. Nakakikita rin siya ng mga bagay na kathang-isip lamang tulad ng mga alien at nakaririnig ng mga boses—mga posibleng sintomas ng Post-traumatic Stress Disorder na seryosong karamdamang dulot ng kaniyang kagimbal-gimbal na pinagdaanan.
Sa kabuuan, progresibo ang ginawang atake ng likhang-sining sapagkat salungat ito sa mga kuwentong may katulad na tema—na madalas nakapokus sa kababaihan bilang biktima ng pananamantala. Tinuldukan nito ang mga puwang sa mga naratibong patungkol sa hindi makatarungan at makataong paghahayag ng libog. Pinatunayan ng palabas na walang pinipiling kasarian ang pagiging biktima ng seksuwal na pang-aabuso.
Dagdag dito, hindi lamang ang kamag-anak ni Eric ang tauhang nagbigay-perspektiba sa danas ng isang babae. Hindi man biktima ng pang-aabuso, mahusay din ang paghimay kay Rosalinda, nanay ni Eric, na ginampanan ni Dolly de Leon. Sinasalamin ng kaniyang aksiyon ang hindi masukat na pagmamahal ng isang ina sa kaniyang anak. Isang inang handang yakapin ang anak sa oras ng panganib—ang magulang na nais hilumin ang mga sugat ng anak, hindi man niya alam ang bigat ng mga nakadagan sa dibdib ng bata. Ipinakita rin ang pagdamay ng isang kaibigan sa karakter ni Carlo, na ginampanan ni Gio Gahol. Tanda na may mga kaibigang handang ibsan ang ating takot.
Matapang ding tinalakay ng pelikula ang nakasusuyang kaugalian sa Pilipinas. Sa kulturang Pilipino, mahalagang asal ang paggalang at pagsunod sa nakatatanda habang malimit namang pinakikinggan ang mga sumbong ng kabataan. Angat ang ganitong isyu pagdating sa maseselang paksa sapagkat tila nakabatay sa edad ang pagtimbang sa tama at mali—na hindi wasto ang hinaing ng mga bata dahil sa kasalatan nila sa kaalaman. Masisilayan ang naturang kultura sa pagmamanipula ng tiyuhin ni Eric na ikubli ang mga kahalayan. Kaugnay din nito ang hindi pagsusumbong at pagsasalita ni Eric sapagkat alam niya ang maaaring negatibong pagtanggap ng mga nakatatanda sa nais sabihin. Maaaring pabulaanan o hindi ito paniwalaan, maaari ring ipagkibit-balikat o ibaon sa limot.
Bukod pa rito, hindi lamang usapin ng edad ang ipinahiwatig na dahilan sa pagkubli ni Eric ng kaniyang nakapanlulumong kalagayan dahil ipinakita rin sa palabas ang nakalalasong ugnayan ng pamilyang Pilipino. Hindi maikakaila ang kahalagahan ng pamilya sa kulturang kinalakhan. Bunsod nito, nawalan ng lakas si Eric na lumaban sa kaniyang tiyuhin—bagay na totoo para sa maraming biktima sa kamay ng kapamilya at kamag-anak.
Pagtatagni-tagni ng mga pirasong nawala
Kaakibat ng pulidong paggawa ng pelikula ang mahusay na iskrip. Mahalagang aspekto ang paghahayag ng paninindigan na siyang kaluluwa ng anomang likhang-sining. Masasabing tumatagos sa iskrin ang husay ng Iti Mapukpukaw sa gampanin nito upang isulong ang adbokasiya para sa mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso.
Isiniwalat nito ang marahas na memorya at trauma ng isang bata sa pamamagitan ng guni-guning may mga alien na kukuha sa kaniya. Malapit ito sa katotohanan sapagkat nagaganap ito sa mga taong nais kalimutan ang malagim nilang naranasan—dahilan upang maniwala sa mga delusyon, at malito sa pagitan ng kathang-isip at realidad. Tinalakay nito ang paksa nang maingat ngunit siksik; hindi natatakot isiwalat ang takot na nararamdaman ng mga biktima ng karahasan.
Sa paghahabi naman ng mga eksena, mahusay na nailapat sa palabas ang makabagong teknolohiya nang hindi naisasakripisyo ang emosyon ng mga karakter. Epektibong nagamit ang 2D sa mga eksenang tumatalakay sa nakaraan dahil naipakita nito ang kaibahan ng mga imahen sa takbo ng naratibo at pagkakasunod-sunod ng mga kaganapan. Masining ding iniangkop ang rotoscope animation, at paglalapat ng animation sa mga eksenang kinunan habang nagamit ng green screen para sa mas makabuluhang bahagi ng pelikula.
Marka rin ng nakaaantig na pelikula ang paglalatag ng musika at tunog na tatatak sa tainga ng mga manonood. Kahanga-hanga ang ginawang pagsalungat ng magaan na musika sa bigat ng tema sa palabas. Gamit ang waring pambatang tunog ng mga alien na kabaligtaran sa bigat ng pasanin ni Eric, isinalaysay ang kaniyang mapanglaw na nakaraan. Binigyang-tulong din nito ang bida upang maproseso ang mabibigat na alaala mula sa kaniyang pagkabata.
Kaakibat din nito ang hindi inaasahang eksenang gumamit sa kantang “Kapag Tumibok Ang Puso” ni Donna Cruz. Kamangha-mangha ang paggamit nito bilang pagpapatahan ni Rosalinda sa anak. Nakuha ng awiting palabasin ang pagiging ina ng karakter, gayundin ang pagsisikap nitong pagaanin ang loob ng anak.
Pag-alpas sa kasalukuyan
Alaalang mahirap limutin, mga salitang mahirap usalin—paulit-ulit mauulinigan ng isip. Nagtapos ang pelikula sa pagbukas ng bibig ni Eric upang balikan at ihayag ang kaniyang kuwento bilang biktima. Gayunpaman, hindi nagtatapos dito ang lalakbayin niya sa pagbagtas sa mundo habang nakadagan ang mabigat na nakaraan.
Walang nabuo sa huli kundi ang lakas ng loob ni Eric na ikuwento ang kaniyang mga pinagdaanang pananamantala. Hindi niya nabuo ang sarili sapagkat mananatili siyang basag tulad ng lahat ng tao sa mundo—may bubog at pinapasang bigat. Sa kabila nito, nagkaroon siya ng lakas ng loob na magpatuloy, magkuwento, at manalig na may masasandalang pamilya.
Sa gayon, nagbigay ng pag-asa ang pelikula sa mga manonood na may makikinig sa ating kuwento—na laging may handang umalalay sa ating unti-unting pagbuo muli ng sarili. Paalalang sabay-sabay nating mahahanap ang mga pirasong nawawala sa pagbabaka-sakaling mapagtagni-tagni natin ang magkakarugtong na danas sa pagharap sa mundong marahas. Sa huli, mainam na ikintal sa isipang mas mahalaga ang sabay-sabay nating pagtindig para sa mga biktima ng anomang uri ng pang-aabuso.