IDINAOS ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Batasang Pambansa Complex, Hulyo 24. Itinampok sa SONA ang kalagayan ng iba’t ibang sektor sa Pilipinas sa unang taon ng kaniyang termino bilang pangulo at ang kaniyang mga plano para sa mga susunod pang taon.
Napuno ang isang oras at 11 minuto ng mga usaping hinggil sa mga isyu sa nagdaang taon tulad ng patuloy na kampanya ng bansa kontra droga. Binigyang-diin din dito ng Pangulo ang lumalagong ekonomiya ng bansa maging ang kontrobersiyal na Maharlika Investment Fund (MIF).
Kasabay nito, isinagawa rin ang “SONA ng Bayan” tampok ang Anakbayan, Pinagkaisahang Samahan ng mga Tsuper, at Operator Nationwide at iba’t ibang militanteng grupo upang ipahayag ang mga suliraning panlipunan ng bansa at ang mga konkretong solusyong dapat gawin ng pamahalaan.
Edukasyong mapanupil
“Tuition fee increase sa pamantasan: Tutulan, labanan, [at] huwag pahintulutan!” Ito ang paulit-ulit na sigaw ng mga kabataan sa kalsada ng Commonwealth habang isinasagawa ang kilos-protesta upang kondenahin ang pagsasapinal ng pagtaas ng matrikula sa susunod na akademikong taon. Layon nitong ipaglaban ang karapatan ng bawat estudyanteng makapag-aral sa ilalim ng makamasang bayarin sa edukasyon.
Matatandaang inaprubahan ng Pamantasang De La Salle ang 4% dagdag sa matrikula sa kabila nang pagtutol ng mga estudyante. Sa pangunguna ng University Student Government, nagpasa ng petisyon at nagsagawa ng kilos-protesta ang mga Lasalyano upang isulong ang 0% dagdag sa tuition fee.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Jomari Cueto, isang Lasalyanong kasama sa kilos-protesta, maraming dahilan kaya ibinasura ng administrasyon ng Pamantasan ang petisyong huwag itaas ang matrikula. Kabilang dito ang kamalayan ng mga estudyante sa napipintong pagtaas ng matrikula. Idinagdag niya ring hindi mulat ang ibang estudyante sa isyu o hinahayaan lamang nila ito sapagkat wala itong direktang epekto sa kanila.
Hinaing din ng mga grupo ng kabataan ang pagbabalik ng Mandatory Reserve Officers’ Training Corps dahil sa kaakibat nitong kapahamakan sa mga estudyante. Maaalalang nais itong ibalik ng dating Pangulong Rodrigo Duterte upang pagtibayin ang pagmamahal ng mga estudyante sa bayan at maging handa sa anomang pagsubok na kahaharapin ng bansa.
Tinuligsa naman ito ng Anakbayan Morayta at Kabataan Partylist FEU, mga progresibong grupo, sapagkat tinatanggalan nito ng karapatan ang mga estudyanteng mamili ng kanilang programang lalahukan sa ilalim ng National Service Training Program.
Hindi man nabanggit ni Pangulong Marcos Jr. sa kaniyang ikalawang SONA ang kaniyang kongkretong plano hinggil sa naturang taas-matrikula, sisiguraduhin naman niyang hindi magiging hadlang ang pinansiyal na problema ng mga estudyante upang makapag-aral. Iginiit niya pang, “Deserving and talented students without the financial capacity to attend school will not be left behind in this education agenda.”
Ipinangako niya ring, sa tulong ni Bise Presidente at Secretary ng Department of Education Sara Duterte, garantisado nilang mabibigyan ng kalidad na edukasyon ang bawat bata. Kasama dito ang planong pagpapatayo ng mga bagong eskuwelahang handa at ligtas sa anomang kalamidad na darating.
Ekonomiya ni Marcos: Para kanino?
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., lumago nang 7.6% ang ekonomiya ng bansa noong 2022—isa sa pinakamataas sa loob ng 46 na taon. Subalit, pinabulaanan ito ng IBON Foundation matapos sabihing mistulang pantasya lamang ito ng administrasyon. Iginiit nito na hindi mapagkakatiwalaan ang datos na naiulat sapagkat may kasaysayan na ang Development Budget Coordination Committee ng maling pagtatala ng paglago ng ekonomiya ng bansa sa nakalipas na limang taon. Dagdag pa nila, isa lamang itong black propaganda ng estado upang takpan ang totoong imahen ng pamamahala ni Pangulong Marcos Jr.
Isa sa mga lumahok sa SONA ng Bayan si Nanay Nancy, isang organisador mula sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap, pederasyon ng mga maralitang lungsod. Batay sa panayam ng APP kay Nanay Nancy, sa unang termino pa lamang ni Pangulong Marcos Jr. nakita kaagad ang paglobo ng mga presyo ng bilihin habang nananatiling barat ang sahod ng mga manggagawa. “‘Yung Php1,000 ngayon, mamalengke ka lang matitira sa’yo Php200 na lang,” pagbibigay-daing niya kasabay ng kalbaryong kaniyang kinahaharap sa mga bayarin.
Sa pagsirit ng mga presyo nakatali rito ang isyung pang-agrikultura dahil na rin sa tradisyonal na importasyon ng produkto sa bansa. Ibinida ng Pangulo ang pagpapaunlad nito sa pamamagitan ng “consolidation, modernization, mechanization, and improvement of value chains—augmented by timely and calibrated importation, as needed.” Subalit, ang lokal na produksyon at hindi importasyon, batay sa paglalahad ng progresibong grupo ng mga magsasaka, ang makalulutas dito.
Binigyang-diin ni Cathy Estavillo, secretary-general ng Amihan, pederasyon ng mga kababaihang pesante, mula sa kaniyang talumpati sa SONA ng Bayan na ang interes ng mga malalaking dayuhan, negosyante, at mga trader lamang ang inuuna ng Pangulo at hindi ang ordinaryong mamamayan. Matatandaang umupo si Marcos Jr. bilang Kalihim ng Department of Agriculture mula Hunyo 2022 hanggang Mayo 2023.
Binatikos din ni Estavillo ang pagiging bingi at bulag ng Pangulo sa mga isyu ng mga smuggler, hoarder, at price manipulator. Bagamat binanggit ni Pangulong Marcos Jr. na bilang na ang mga araw ng mga smuggler at hoarder sa bansa, hindi naman niya inilatag ang kongkretong hakbang upang maisakatuparan ito.
Sa kabilang banda, ipinagmalaki naman niya ang naipasang “New Agrarian Emancipation Act” na layong solusyonan ang pagkalubog sa utang ng mga magsasaka. Gayunpaman, ayon kay Estavillo, tanging sa pagsasakatuparan ng tunay na reporma sa lupa, pagsasabatas ng Rice Industry Development Act, pagbibigay ng Php15,000 support-subsidy, at pagtalikod sa mga neoliberal na patakaran ang tunay na hinahangad ng mga magsasaka.
Buwis ang kaban ng maharlika
Inulan ng sandamakmak na reklamo ang MIF mula nang ipakilala ito hanggang sa mapirmahan ni Pangulong Marcos Jr. dahil sa kawalan ng kaliwanagan. Inaasahang sa pagkakaroon ng inisyal na kapital na Php5 bilyon, mapopondohan ang mga negosyong nais itayo sa Pilipinas. Subalit, ikinababahala ito ng mga ekonomista sa kadahilanang maaari itong makapagdulot ng gulo sa ekonomiya at publiko.
Nanindigan naman ang Pangulo na makatutulong ang MIF sa bansa. Aniya, “The fund shall be used to make high-impact and profitable investments, such as the Build-Better-More program.” Dagdag niya pang makasisiguro ang mamamayang magkakaroon ng kalinawan at pananagutan upang walang bahid ng politika ang makikita.
Sa pagtatapos ng kaniyang SONA, makikita sa mukha ng Pangulo ang galak habang ipinagmamalaki ang naging kontribusyon ng kasalukuyang administrasyon sa pag-unlad ng bansa. “The State of the Nation is sound and improving,” pagmamalaki niya. Gayunpaman, taliwas ito sa mga problemang patuloy na kinahaharap ng bayan at pilit isinasantabi ng administrasyon.
Habang nagpapakasasa ang oligarkiyang Marcos-Duterte sa kapangyarihan at pagpapakitang-gilas sa loob ng Batasang Pambansa nitong ikalawang SONA, nasa labas nito ang hanay ng mamamayang nagmamartsa para sa tunay na pagbabago ng lipunan. Lalong sumisibol ang diwang palaban ng mga Pilipino sa tumitinding krisis panlipunan dulot ng hindi makamasang plano at pangakong sumibol sa lugar ng Batasan.
Pakinggan at dinggin ang sigaw ng bawat kabataan at mamamayan dahil hindi makakamit ang bagong Pilipinas kapag patuloy na nababalot ng paulit-ulit na hinaing ang bawat sulok ng kalsada.