WINALIS ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang University of Perpetual Help System DALTA (UPHSD) Lady Altas matapos mamayagpag sa loob ng straight set, 25-11, 25-17, 25-12, sa unang araw ng Shakey’s Super League National Invitationals, Hulyo 29 sa FilOil EcoOil Centre.
Kinilala bilang Player of the Game si Shevana Laput nang magsumite ng sampung puntos. Umalalay naman sa kaniya sina Taft tower Thea Gagate at Amie Provido matapos magtala ng tig-12 puntos.
Bumida naman para sa Lady Altas si Mary Rhose Dapol nang mag-ambag ng anim na attack at dalawang service ace.
Agarang tinambakan ng Lady Spikers ang Lady Atlas sa unang set sa pamamagitan ng pagpudpod sa depensa ng katunggali. Kasunod ng mga umaatikabong tirada nina Gagate at Laput, humirit pa ng puntos si Alleiah Malaluan mula sa block, 10-1. Tila nabuhayan naman ang depensa ng Perpetual bunsod ng mga long rally, subalit hindi nito napigilan ang nagliliyab na tirada ni Amie Provido sa gitna ng net, 17-3. Naging bentahe naman ng Lady Altas ang magkakasunod na error ng La Salle upang padikitin ang talaan ng iskor, ngunit agad nang tinapos ni Laput ang set bunsod ng kaniyang pangmalakasang tirada, 25-11.
Dikdikang panimula naman ang ipinamalas ng magkabilang koponan matapos magpalitan ng puntos sina Laput at Ocado upang buksan ang ikalawang set, 4-all. Sa kabilang banda, nagawang ungusan ng Taft mainstays ang kalaban nang basagin nina Malaluan at lefty spiker Jyne Soreño ang malapader na block ng Lady Altas, 14-9. Gayundin, lumobo pa ang kalamangan ng Lady Spikers bunsod ng magkakasunod na attack error ng UPHSD, 18-9. Tila humihinga pa ang mga nakapula matapos magpakawala ng dalawang puntos si Shaila Omipon mula sa kaniyang down-the-line hit at service ace, 23-16. Gayunpaman, agad nang sinelyuhan ng Lady Spikers ang set, 25-17.
Nagpatuloy ang bagsik ng Lady Spiker matapos padapain ang depensa ng Lady Atlas bunsod ng kanilang mabibigat na serve. Sa kabilang banda, sinubukang agawin ni Dapol ang momentum ng La Salle matapos magtala ng magkasunod na service ace, 9-5. Subalit, mabilis na nakaporma ang Lady Spikers sa depensa na pinamunuan ni Malaluan. Nagpakitang-gilas din ang mga rookie ng DLSU na sina Lilay Del Castillo at Ela Raagas matapos kumamada sa service at atake, 22-11. Hindi na nagpapigil ang Taft-based squad nang tuldukan ni Del Castillo ang huling set sa pamamagitan ng matatag na single block sa tirada ni Charisse Enrico, 25-12.
Susunod na makahaharap ng Lady Spikers sa Pool A ang University of Southern Philippines Foundation sa darating na Martes, Agosto 1, ika-9 ng umaga sa parehong lugar.