IKINASA sa unang pagkakataon ang pisikal na pagtitipon ng Sine Qua Non na may temang “Importance of the Judiciary in upholding Democratic Values,” handog ng University Student Government Judiciary, sa Room 507 ng Don Enrique T. Yuchengco Hall, Hulyo 19.
Itinampok sa pagpupulong ang mga usaping pumupuntirya sa sangay ng hudikatura sa pangunguna nina dating Election Commissioner Luie Tito Guia at University of the Philippines Law Professor Alfredo Molo III. Ibinahagi nila ang kani-kanilang mga sentimyento tungkol sa kalagayan ng hukuman sa isyu ng katiwalian sa demokratikong bansa at payo para sa mga Lasalyanong nais maging lingkod bayan.
Pagkapit ng sangay ng hudikatura sa demokrasya
Ipinaliwanag ni Guia ang kahalagahan ng paghihiwalay ng kapangyarihan ng bawat sangay ng pamahalaan upang maintindihan ang gampanin ng hukuman sa demokrasya ng bansa. Aniya, pangunahing tungkulin nito ang siguraduhing nasusunod pa rin ang rule of law o ang primadong patakaran at polisiya na ipinatupad ng mga mambabatas.
Pagdidiin ni Guia, pumapanig ang soberanya sa mga mamamayan pagdating sa demokrasya lalo na at makikita sa Konstitusyon ang manipestasyon ng kapangyarihan nila bilang soberano. Kabilang sa nilalaman nito ang estruktura at kapangyarihan ng mga sangay ng gobyerno at konstitusyon bilang paglalarawan sa kapangyarihan ng mga mamamayan.
Binigyang-halaga rin ni Guia na karapat-dapat tingnan ang kakayahan ng Korte Suprema na maitaguyod ang batas konstitusyunal at rule of law dahil maituturing itong pinakamahinang sangay ng gobyerno. Pagsasalaysay niya, walang direktang kapangyarihang politikal ang hukuman at nakadepende lamang ito sa mga organisasyong pampolitikal na binubuo ng mga mambabatas.
Kaugnay nito, priyoridad ng hukuman na bigyang-boses ang mga nasa laylayan, lalo na sa mga nangangailangan ng hustisya.
Dagdag pa niya, mandato ng isang pangulo ang pagtatalaga ng mga hukom, maging ng mga Supreme Court Justice kaya naman hindi magiging makatwiran sakaling nasa iisang antas lamang ang kakayahan ng mga itinalaga at ng pangulo. Magiging maayos lamang ang takbo ng hukuman kapag maayos din ang mga taong bumubuo sa hudikatura.
Ipinaaalala rin ni Guia ang tungkulin ng Korte Suprema ukol sa usapin ng demokratikong eleksyon sa bansa, partikular na ang pagkakaroon ng dual citizenship ng mga kumakandidato. “The rule is that if you open up a position, you should be Filipino. If you are a dual citizen, you can’t open up. You have to renounce your foreign citizenship for you to be qualified to run,” paglalahad niya.
Pagkatig sa paghahatid ng hustisya sa bansa
Muli namang ipinaalala ni Molo ang kaibahan ng sangay ng hudikatura kompara sa ibang mga sangay ng gobyernong inihahalal ng mga mamamayan sa pamamagitan ng halalan. Aniya, marapat na manatiling walang kinikilingan ang sangay ng hudikatura sa bansa upang maprotektahan ang minorya at mapangalagaan ang karapatan ng mga mamamayan.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng propesor sa kaniyang pagbabahagi na kinakailangang makilatis ng mga estudyante ang pagtupad ng mga hukom sa kanilang mga gampanin. Wika niya, “History shows us that court cases can be the catalyst for major changes in society. So we also need to examine today what exactly is our Judiciary doing? Is it appropriate? Does it align with the reasons we made it so powerful?”
Pinalawig din ng abogado sa mga Lasalyano ang kahalagahan ng kapangyarihang ibinibigay ng masa sa sangay ng hudikatura upang matiyak ang pananaig ng sistema ng hustisya sa bansa. “The power to adjudicate exists only because it was supposed to be a tool to deliver justice, not subverted. So look at judiciaries this way. Not just our judiciary, [but] other judiciaries,” pagpapahayag ni Molo.
Bilang pagtatapos, iniwan ng isa sa mga nagtatag ng MOSVELDTT Law Firm ang pagtalakay sa posibilidad ng pagbabanta sa buhay ng mga miyembro ng sangay ng hudikatura para makatakas ang mayayaman at makakapangyarihan mula sa batas.
Ipinakita ni Molo sa bulwagan ang nakababahalang estadistika ng mahigit sampung abogadong namamatay kada administrasyon simula noong taong 1972. Gayundin, nagsilbing pangwakas sa presentasyon ng propesor ang datos na tumutukoy sa 66 na mga abogadong pinaslang sa bansa nito lamang 2016 hanggang 2021 upang tuluyang maipakita ang estado ng hudikatura sa Pilipinas.