NAGBIGAY-LIWANAG sa dilim ang pagtatanghal ng De La Salle Innersoul (DLS-Innersoul) para sa kanilang ika-26 na anibersaryong pinamagatang “Puhon: Sulyap ng Sinag,” sa direksiyon ni Vincent Mallari na isinagawa sa Teresa Yuchengco Auditorium, Hulyo 21.
Sinariwa ng naturang konsiyerto ang naging karanasan ng mga miyembro ng DLS-Innersoul at isinalaysay ang tapiserya ng tagumpay sa mga hamong kanilang kinaharap. Binigyang-buhay nila ang samu’t saring tinig ng pananaig at nagbalik-tanaw sa melodiyang hinubog ng mga birtuwosong tagapagtanghal.
Pag-asa, tibay, at pangarap sa likod ng musika
Nagsimula ang pagtatanghal ng DLS-Innersoul sa kantang “Dulo” ni Sarah Geronimo upang bigyang-diin ang salitang “puhon” na nangangahulugang paghanap ng pag-asa kasama ang Panginoon.
Sinundan ito ng “Anything Worth Holding On To” ni Scott Alan at isang mash-up ng mga kantang “Hari ng Sablay” at “Hay Buhay” ng Sugarfree. Inawit din ang “I Look To You” ni Whitney Houston na tungkol sa paghahanap ng lakas upang mapagtagumpayan ang mga suliranin sa buhay. Ani Methuselah De la Cerna, senyor na kasapi ng DLS-Innersoul, “Music feeds the soul, [it is] an outlet when words can’t be [expressed] alone.”
Bukod dito, ibinida rin ng DLS-Innersoul ang mga kantang “I Believe” ni Fantasia, “Sandalan” ng 6cyclemind, “Invisible” ni Hunter Hayes, at isang awiting pananampalataya upang bigyang-pasasalamat ang Diyos sa kaniyang ipinagkaloob na pagmamahal at pag-asa. Ayon sa isang tagapagtanghal, “We are here standing with the ever present and unconditional love of the Lord. . . We stand with hope, that someday, the sun will rise again, and we will champion our dreams into reality.”
Hinarana rin ng organisasyon ang mga manonood sa mga kantang “Something Big” ni Shawn Mendes at “Dreamers” ni Jung Kook upang bigyang-diin ang kahalagahan ng determinasyon at tiyaga sa pag-abot ng mga pangarap. Ipinakita rin sa kanilang pagtatanghal ang pagkuha ng inspirasyon mula sa ibang tao upang masupil ang mga hamong kinahaharap nila bilang mga estudyanteng mang-aawit.
Kaugnay nito, inialay ang mga kantang “Here We Go” ng 4th Impact, “Next in Line” ng After Image, “I’m Still Standing” ni Elton John, at “Sige Lang” ni Quest, kasama ng isang sayaw mula sa La Salle Dance Company-Street, para sa mga taong nagsisilbing lakas at suporta sa mga tagapagtanghal. Ayon sa isang mang-aawit, “This [segment] celebrates the value of having a support system that lifts you up when you are feeling down.”
Dagdag pa ng isang tagapagtanghal, “Behind every success is always the people who have stuck with you through thick and thin. These special people in your life help you find the light within yourself, so you can shine for the world to see.”
Tinapos ng DLS-Innersoul ang kanilang konsiyerto sa kantang “Sasamahan Kita” ni Quest. Ipinakilala rin nila ang mga bagong miyembro ng organisasyon at sabay inawit ang kantang “You Will Be Found” mula sa Dear Evan Hansen Broadway. Wika nina Division Manager for Human Resource and Documentations Natassia Valeriano at Division Manager for Production and Logistics Darius Miguel, “As we sang here as true survivors, artists, and dreamers, we continue to live out our journey and remember all the other dreamers we met along the way.”
Natapos man ang ika-26 na anibersaryong konsiyerto ng DLS-Innersoul, naaninag pa rin ang sinag ng kanilang musikang nagsisilbing simbolo ng pangarap at pag-asa. Ani ng isang mang-aawit, “We stand in front of you on top of a proverbial mountain to celebrate the journey we have [walked] upon and the journey ahead.”
Himig ng melodiyang nangangarap
Kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si De la Cerna at kaniyang isinatinig na hindi naging madali para sa kanila ang pagbuo ng ganitong uri ng pagtatanghal. Namuhunan sila ng maraming oras sa pag-ensayo at nagpuyat upang alayan nang matagumpay na palabas ang mga manonood. Batay sa kaniya, “Kinakailangan [talaga] ng kasanayan sa pagbalanse ng oras bilang [isang] mag-aaral, artista, at anak.”
Datapwat, ang mga hamon na kanilang kinaharap ang nagbigay sa kanila ng kalakasan upang magpatuloy. Paglalahad niya, “Ang pagmamahal namin sa aming sining ang nagiging sanhi ng aming determinasyon.” Isinalaysay din niyang napapawi ang kanilang pagod tuwing nasisilayan nila ang ngiti at galak sa mga manonood, kabilang ang mga nakidalong mahal nila sa buhay.
Pinaghalong lungkot at galak ang nadarama ni De la Cerna dahil ito na ang kaniyang huling pagtatanghal sa Pamantasan. Paglalahad niya, “Kaparte na ng buhay ko ang DLS-Innersoul kaya’t ramdam ko ang takot at lungkot sa aking pag-alis. Ngunit, ito’y natatabunan ng saya ko para sa mga susunod at mga magpapatuloy na magtataas ng bandera ng aming grupo.”
Emosyonal niyang ipinahayag ang kaniyang walang humpay na pasasalamat at sinariwa ang kaniyang mga naging karanasan sa DLS-Innersoul. Nagsilbing pamilya, kasangga, at lakas niya ang organisasyon para mapagtagumpayan ang mga hamon ng buhay sa loob at labas ng kolehiyo.
Pinasalamatan din niya ang mga taong sumusuporta sa kanila at patuloy na tumatangkilik sa kanilang mga pagtatanghal. Aniya, “Sila ang nagbibigay lakas samin upang magpatuloy sa kabila ng iba’t ibang uri ng pagsubok.” Inilahad din niyang babaunin niya ang mga karanasang ito sa bagong paksa ng kaniyang buhay sa labas ng kolehiyo.
Tinig ng tagumpay
Sa naging panayam ng APP kay Leanne Loyola, ID 118 mula Bachelor of Science in Psychology, ibinahagi niyang ito ang pinakaunang pagkakataong nakapanood siya ng live na konsiyerto ng DLS-Innersoul. “I’m so excited after the pandemic kase I know this is gonna be like fantastic. . . [it’s] gonna be super bongga,” masayang tugon ni Loyola.
Nagpahiwatig din ng suporta si Loyola sa kaniyang kaibigang isa sa mga mang-aawit sa konsiyerto at para din sa Culture and Arts Office.
Pinuri din niya ang katagumpayan ng palabas at kagalingan ng mga tagapagtanghal. Ayon sa kaniya, isa itong napakagandang karanasan at nadama niya ang nakatitindig-balahibong musikang kanilang kinanta. Dagdag pa niya, isa itong paraan upang ipagdiwang ang pagtatagumpay mula sa hamon ng buhay at inihalintulad niya ang mga ibinidang awit sa isang mainit na yakap.
Pagbabahagi ni Loyola, ang ikalawang awiting pinamagatang “Anything Worth Holding On To” ni Scott Alan, ang naging paborito niyang segment sa buong pagtatanghal. “Of course ‘yung ending. . . [nandoon] na talaga lahat pati ‘yung mga apprentices nila. . . It’s such a beautiful thing to witness,” dagdag pa niya.
#iSoulPUHON