TUMATAK ang makisig na presensiya ng Taft big man at sentro na si Benjamin Phillips matapos ang kaniyang produktibong pagpapasiklab sa nakaraang dalawang season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Men’s Basketball Tournament. Taglay ang dugong atleta, masilakbong tinahak ni Phillips ang mundo ng volleyball nang opisyal siyang mapasama sa lineup ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers.
Hindi na bago kay Phillips ang paglalaro ng volleyball sapagkat bihasa na ang atleta simula hayskul pa lamang. Malaking parte rin ang kulturang nakagisnan ni Phillips sa Amerika upang kumasa sa pagiging multi-sport na atleta. Bagamat mapanghamon, sinisikap niyang mabigyan ng sapat at balanseng atensiyon ang kaniyang pagsasanay sa dalawang koponan.
Bagong kabanata, bagong samahan
Masigasig na tinahak ni Phillips ang panibagong kabanata nang magsimula siyang mag-ensayo para sa Green Spikers matapos ang UAAP Season 84. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel, aminado ang atletang naging pagsubok ito sa kaniya sapagkat mahigit anim na taon siyang huminto sa paglalaro ng volleyball at kailangan niya ng sapat na panahon sa pagpapakondisyon ng katawan.
Sa kabila ng pangangapa bilang bagong miyembro ng Green Spikers, mainit na pagtanggap naman ang ibinungad sa kaniya ng koponan. Aniya, “. . . everybody from the outside hitters to the open, to the liberos, you know everybody is telling me how can I improve my game and what I still need to work on. . .” Dagdag pa rito, lubos na suporta ang inihahandog ng coaching staff kay Phillips upang mapabilis ang pag-angkop niya sa sistema ng Green Spikers at mabisang magamit ang kaniyang kakayahan sa koponan.
Pagbalanse at pagpursigi
Nananatiling malakas ang loob ni Phillips na mapagtatagumpayan niya ang dalawang paligsahan na nilahukan buhat ng mga benepisyong natatanggap niya sa cross-training. Positibong nahuhubog ng pagsasanay ang kaniyang landing, timing, at lateral quickness na maaaring magamit sa parehong isport. “I’m strengthening muscles that I don’t use in the other sport and it’s the same in the reverse with basketball. When I go back to basketball, my legs are stronger now from volleyball so I know I can jump higher, I can run faster. My conditioning is at an all-time high,” pagbabahagi ni Phillips.
Maliban sa pag-eensayo para sa dalawang magkahiwalay na koponan, tinatahak din ni Phillips ang pagiging isang estudyanteng atleta. Kasalukuyang tinatapos ni Phillips ang kaniyang programang Master of Business Administration sa DLSU. Sa kabila ng kaliwa’t kanang obligasyon at puspusang pag-eensayo, tinitiyak niyang napaglalaanan pa rin ng sapat na oras ang kaniyang pag-aaral. “You sacrifice a lot of sleep [and] a lot of your social life—you sacrifice a lot of these things but I know that’s what I need to do now in order to be successful later,” ani Phillips.
Bakas ng galing at determinasyon
Pursigido si Phillips na higit pang matuto sa paggabay ng Green Spikers at coaching staff. Bukod dito, sinusubaybayan niya ang mga beteranong manlalaro sa volleyball sa loob at labas ng bansa upang paghusayan pa ang mga galaw na maaari niyang magamit sa laro. “There’s still a lot of weaknesses to my game that I need to work on but just always observing people better than me and seeing what I can pick up,” dagdag ni Phillips.
Matalas na pagsusuri sa galaw ng kalaban at masinop na pagpuna sa daloy ng laro—iilan lamang ang mga ito sa mga alas na katangiang nagpakilala kay Phillips bilang atleta. Sa kaniyang patuloy na pagtahak sa dalawang magkaibang entablado ng palakasan, dumadaloy ang puwersa ng mensaheng walang limitasyon sa atletang pursigido at buo ang loob. Payo ni Phillips para sa mga atletang nais sumunod sa kaniyang mga yapak na manalig sa Diyos, magtiwala sa sarili, at maging masugid sa mga tinatahak.