Patuloy na tumatagaktak ang pawis sa ilalim ng nakatirik at nakalupaypay na araw. Bandang alas dose na nang tanghali ngunit wala pa ring namatahang tagagawa ng karatula matapos magpasikot-sikot sa purok ng Libertad. Unti-unti nang nararamdaman ang pangangawit ng mga braso’t kamay mula sa palipat-lipat na pagsakay ng LRT simula alas nuwebe ng umaga. Tila naging hudyat din ito sa napapanghal naming pananalig na makatagpo ng magsesenyas matapos ang dalawang araw na paghahanap.
Sa aming pagtatanong sa mga nakaabang na tsuper ng traysikel, nabanggit nilang may kakilala silang lumilikha ng makukulay na karatulang taglay ang pangalan ng iba’t ibang lugar. Sa kabutihang-palad, inalok nilang ihatid na lamang kami patungo sa kaniya upang maibsan ang pagkahapo dahil sa hirap at haba ng oras ng paghahanap. Kagyat na napawi ang napanghinaang loob nang bumungad ang sandamakmak at nakahilerang mga karatula. Hindi na kami nag-atubiling lapitan at kilalanin ang maestro sa likod ng mga matingkad at agaw-pansing likhang sining.
Mantsang tungo sa tagumpay
Maaaninag sa tikas ni Mang Jeremie, 47 anyos na manlilikha ng mga karatulang nakapaskil sa mga dyip, ang mapagkumbabang kumpiyansang kaniyang taglay. Sa aming paglapit, hindi siya nag-alangang maglaan ng oras sa kahilingan ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) na maranasan ang kaniyang hanapbuhay. Bago namin isalang ang mga sarili, hinayaan naming mauna siyang magpinta upang magkaroon ng bahagyang ideya sa estilo ng pagguhit. Habang nagmamasid, manghang-mangha ang aming mga mata sa marahan ngunit mabikas na pagbuo ng mga letra. Mula sa puting parihabang lapatan ng pinturang walang patutunguhan, nagkaroon ng destinasyon ang kuwadradong karatula.
Malakas na pintig ng puso ang naramdaman bago tuluyang umupo sa kaniyang electric tricycle upang hawakan ang instrumento sa pagpinta. Pagkapulupot ng mga daliri sa hawakan, sinawsaw sa pinturang itim ang mabalahibong parte ng brotsa. Dahang-dahang dumampi ang mga hibla sa ginuhitang espasyo ni Mang Jeremie na nagsisilbing gabay sa pagbuo ng mga letra. Sa bawat lapat ng pinsel, dama ang pangangambang magkamali at manghinayang sa kalalabasan—pumapaling linya, tintang lagpas-lagpas.
Habang nagpipinta, hindi naman maiiwasang matulala at mabaling sa paligid ang atensiyon sapagkat naririnig ng tainga ang harurot ng mga sasakyan at nalalanghap ng ilong ang usok at thinner. Laking gulat na lamang ang naging reaksiyon sa tagal ng pagtitiis ni Mang Jeremie sa maingay at masangsang na paligid. “16 years na [ako rito],” maikling pahayag niya.
Pagdaan ng ilang minuto, tumambad na ang resulta. Hindi man perpekto ang kinalabasan, binigyan kami ni Mang Jeremie ng katiyakang maaayos pa rin ang ilang kamalian. “Okay lang ‘yan. Mabubura pa naman gamit nitong thinner,” paliwanag niya. Bahagi ang madaling pagbura sa kaniyang dahilan upang lalong tangkilikin ang tradisyonal na paggawa ng mga karatula—matipid at hindi magastos. Maiwanan man ng makabagong teknolohiya, mas pipiliin niyang maihayag ang sariling uri ng sining sa pagpipinta.
Hinggil sa kapanalig na pinsel
Dama sa kaniyang pagbabahagi sa APP na hindi naging madali ang takbo ng kaniyang buhay mula nang lumisan siya sa Antique upang tumungo sa Maynila. Mapanglaw niyang isiniwalat na wala siyang alam na trabaho nang mapadpad sa Kamaynilaan. Sa kabutihang-palad, nakasalubong niya ang isang batikang pintor ng karatula habang nagliliwaliw at naisipang gawin itong pangkabuhayan. Dala ang kaunting kaalaman sa pagguhit ng mga sopistikadong letra, walang pag-aatubiling tinahak niya ang larangang ito. “Subukan ko nga ito, kung kaya ng matanda, ako pa kaya na marunong naman na,” nagtitiwalang tinig niya.
Tinanggap niya ang munting pagtatagpo bilang isang pasaring sa landas na nais tahakin. Gamit ang talento sa paggamit ng pinsel, nagtayo si Mang Jeremie ng puwesto sa bangketa. Kalaunan, nagbunga ang kaniyang 16 na taong pagsisikap. Mula sa matatag na karera, lumawig ang saklaw ng trabaho hanggang sa pagpipinta ng disenyo sa mga dyip at taxi sa iba’t ibang lugar tulad ng Cavite at Fort Bonifacio.
Habang nanonood sa kaniyang pagtatrabaho, napansin naming malimit ang paghinto ng mga namamasada sa kaniyang puwesto—tatlo sa loob ng limang minuto. Mapapansing hindi bababa sa dalawang karatula ang binibili ng bawat tsuper na nagkakahalagang Php40 hanggang Php100 pesos, depende sa estilo. “Malaking puhunan [ang] 100 [sa sticker na klase], tapos ito 50 [may matingkad na background], tapos ito 40 [karaniwang disenyo],” ani Mang Jeremie. Dagdag pa niya, 150 versa board, isang rektanggulong karton, ang kaniyang nauubos sa isang linggo. “Sabihin nating 500 [kahit noong may kakompetensiya],” nag-aalangang pagtantiya niya sa kinikita.
Sa kaniyang tagal sa larangan, napagtanto niyang tinatangkilik na siya ng mga mamimili dahil sa estilo ng kaniyang pagpinta at kalidad ng kaniyang gawa. Kusa na ring nagpagawa ang mga suki ng kaniyang kakompetensiya na lalong nagpataba ng kaniyang puso. Habang pinagmamasdan muli ang kaniyang mga likha, mapapansin ang pagkinang ng mata—ipinagmamalaki ang katangi-tanging estilo.
Parihabang karatula
Sa aming paglisan, bitbit ang mga pinatutuyong mga karatula, baon namin ang nasasalat na paalalang ipagtanggol at itaguyod ang kanilang natatabunang kasiningan. Sa bawat hakbang, umaasa kaming magiging tanglaw ang bawat titik na magbibigay-kulay sa pang-araw-araw na kalbaryo ng isang biyahero.
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga gumagawa ng karatula dahil ang kanilang likha ang nagpapabatid sa ating nais patunguhan. Hindi lamang nagsisilbing munting dekorasyon ang mga obrang madalas nating makitang nakasabit sa mga pampublikong sasakyan. Palatandaan din itong nagsasalaysay ng pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino—ang pagiging malikhain, mapagpunyagi, at matatag sa gitna ng mga pagsubok.
Nararapat bigyan ng aktibong pagpapahalaga at pagkilala ang mga artesanong nililinang ang kanilang kakayahan upang mapanatiling buhay ang kanilang industriya. Taimtim pang pagbabahagi ni Mang Jeremie, “Tutuloy-tuloy ko lang, made-develop din ito.” Tangan ng maikli subalit makintal na pahayag ang paniniwalang huhusay pa ang kaniyang namumukod-tanging talento sa malikhaing estilo ng pagsulat.
Bigyan nawa natin ng karampatang pagkilala ang kanilang pagtitiyaga sa pamamagitan ng patuloy na pagsuporta sa kanilang paghagod ng pinsel—tangkilikin ang gawang Pilipino, dinggin ang kulturang naghihingalo. Sa ganitong paraan, maipagpapatuloy nila ang paglikha ng mga karatulang magbibigay ng kasiguraduhan sa ating paroroonan.