Nag-iinit ang katawang nagnanais ng lambing at halik. Ramdam ang pag-akyat ng damdaming nanginginig. Naninigas. Yakap-yakap, binabagtas ang mamasa-masang kuwebang unti-unting dumudulas. Pumapasok, lumalabas. Paulit-ulit, walang humpay sa pagbayo habang namimilipit. Napaisip. May hinahanap na kasagutan. Tunay nga bang kaluguran o siphayo ang dulot ng panandaliang kalibugan? Nagbuntong-hininga, muling kumalampag. Nagpatuloy sa larong pinagkasunduan ng dalawang namamawis na katawan. Magkaiba ang dahilan, ngunit parehong sarap at halimuyak ang nararamdaman. Tumalsik. Ano nga ba ang hasik ng isang gabing pakikipagtalik? Putok. Buga. Ito ang kanilang istorya.
Pagyakap sa panandaliang init
Tuwing nararamdaman ang kahungkagan sa katawan, hinahanap-hanap ang karurukang sanhi ng paghagkan ng labi sa sari-saring bahagi ng katawan. Taas-balahibong dadampiin ang mga balat habang unti-unting hinuhubad ang natitirang damit. Dali-daling susunod ang mga ungol at hiyaw dulot ng nakababaliw na panandaliang init.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Cubs*, kaniyang isinalaysay ang naging karanasan niya sa paglahok sa one-night stand pati ang kaniyang paglilimi-limi matapos ito. Ibinahagi niyang hindi bago sa kaniya ang paglahok sa sekswal na aktibidad na tumatagal lamang ng isang gabi sapagkat naranasan niya ito bago ang pandemya noong wala siyang karelasyon. Dagdag pa niya, sa tulong ng mga dating application, mas naging madali ang paghanap ng kasama sa pagpawi ng libog sa katawan. Aniya, “Sa pamamagitan ng mga dating app at website. . . doon ko naranasan ang gano’ng uri ng relasyon.”
Inamin naman ni Cubs na bugso lamang ng damdamin ang kaniyang desisyong sumabak sa one-night stand. Nakaramdam man siya ng rurok ng kasiyahan dahil sa hindi inaasahang karanasan, aminado pa rin siyang may pagkakataong pinagsisihan niya ito. Aniya, “[Nang] kausapin [ko] ang sarili, [nalaman kong] dahil sa nangyaring trahedya sa akin ikinubli ko sa sabik at kasiyahan ang mga tunay kong nararamdaman para ang mga ito ay matakasan o maibsan.”
Hindi rin maikakailang naiilang ang iba sa tuwing napupunta ang usapan sa pakikipagtalik dulot ng konserbatibong kulturang nakatanim sa bansa. Gayunpaman, taliwas dito ang karanasan ni Cubs dahil wala pa siyang natanggap na panghuhusga mula sa mga taong kaniyang pinagsabihan. Imbes na makakuha ng puna, nakatanggap pa siya ng mga payong makatutulong upang mas lumawak at bumuti ang kaniyang kaalaman sa one-night stand. Ipinaalala rin ni Cubs na hindi dapat gawing tsismis ang mga nakasama; hindi dapat sila gawing gantimpala sa sariling pagkatao. Nararapat na bigyang-halaga ang kanilang pribadong identidad dahil naging karamay sila sa pagpuksa sa uhaw na katawan.
Ipinaalala rin niyang maghanap ng maayos na lugar bago makipagtalik. Ika niya, naghanda siya ng condom na nakatago sa kaniyang pitaka upang maging ligtas habang ginagawa ang aktibidad. Kalakip ng paghahanda ang kaniyang sentimyentong walang masama sa paglahok sa one-night stand ngunit nararapat pa ring manatiling ligtas kapag ginagawa ang aktibidad na ito.
Pantakip sa butas ng kahapon
Matapos dumaan ang alon ng init, mistulang kandilang naupos ang minsang nagliliyab na damdamin. Sa isang iglap, nanumbalik ang kapanglawang namamahay sa puso ng isa’t isa. Pagdating ng hukag, magsisimula na naman ang paghahanap sa susunod na pusong gutom para sa katiting na ginhawa. Likas sa pangangailangan ng tao ang paghabol sa mga bagay na pumapawi sa mga pisikal at emosyonal na pangangailangan—gaya ng pagtatalik. Sa isang konserbatibong lipunan, hindi ito madalas pag-usapan kaya marami pang kaalamang hindi nahahalungkat.
Sa panayam ng APP kay Ronn Avila, Department Head ng Psychology sa Trinity University of Asia, kaniyang inilahad ang iba’t ibang motibasyon at sikolohikal na implikasyon ng pakikilahok sa one-night stand. Paliwanag niya, “Sex makes people feel good and it’s part of our instinct to have this kind of activity. . . nagkakaroon tayo ng union with other people and other than biological it can also result to psychological satisfaction or pleasure.” Dagdag pa niya, mahalaga man ang papel na ginagampanan nito sa buhay ng isang tao, tila itinatagong parang lihim ang mga usaping patungkol sa sekswal na pangangailangan. Bunsod nito, nag-uumapaw ang kahihiyang nadarama ng bawat isa tuwing nararamdaman ang tawag ng laman. Sa bawat palihim na pagpaparaos, nananaig sa lipunan ang mga isyung sekswal tulad ng teenage pregnancy at sexually transmitted diseases.
Sa bawat haplos, halik at bayo—sabay natutunaw lahat ng nakagagambalang pagkabalisa. Hindi na nakapagtatakang may mga sikolohikal na benepisyo ang pakikipagtalik. Mula sa paghahanap ng panandaliang kasama hanggang sa pagsuko sa init ng mga katawan at damdamin—ibinahagi ni Avila na napabubuti nito ang self-esteem, sense of well-being, at sense of belongingness ng isang tao. Kaya labis niyang ikinalulungkot ang pangmamaliit na ginagawa ng ilang nangwa-one-night stand sa kasama nila sapagkat karaniwang ginawagawang tropeo ng ibang lalaki ang pakikipagtalik sa mga babae. Binigyang-diin ni Avila na hindi lamang pansariling kapakanan ang dapat isaalang-alang ng mga lumalahok sa aktibidad na ito. “We should also respect it na it’s just not [an] individual activity. . . so it should be between the two of you. Pero ang nangyayari ay nagiging selfish ang isang partner sa isang one-night [stand],” pagsasaad niya.
Bagamat karaniwang bahagi ng buhay ng isang tao ang pakikipagtalik, ipinaliwanag din niyang maaaring iba ang motibasyon ng mga nakaranas ng sekswal na trauma. Binigyang-pansin ni Avila ang posibilidad na ginagawa itong coping mechanism ng iba. Aniya, nakukulong sila sa paulit-ulit na pang-aabuso dahil binabalik-balikan nila ang panggagamit sa kanila ng ibang tao. Nabanggit din niyang may kaugnayan ang relasyon ng iba sa kanilang mga magulang at ang kanilang sekswal na pag-uugali. Kaugnay nito, marami pang diskursong umiikot sa paksa kaya giit niyang kailangang magkaroon pa ng malawak na diskusyon ukol dito.
Pagputok ng pagtanto
Binuhusan. Sabay sa agos ng tubig ang mga katas ng pananabik at kalibugan. Pinunasan. Matapos ang malaswang kaganapan, iba’t ibang bagay na ang tumatakbo sa kanilang mga isipan. Kasunod ng panandaliang aliw, darating ang mabilisang pamamaalam. Maaaring maulit muli, o ito na ang huling buga’t hiyaw.
Maituturing na laro ang malagkit na eksena sa kama. Maaaring parehong panalo, ngunit minsan hindi maiiwasanang matalo. Matatalo ang magpapairal ng damdamin at puso. Sa ganitong pagtatagpo, marapat na maging responsable at alerto sa maaaring sakit na makuha一pisikal o emosyonal man ang katas nito. Maaaring bukas o sa susunod na araw, maulit ang istoryang iba na ang kasama ng bida. Magpapahinga. Kakapa. “Isa pa?” Sabay buga.
*hindi tunay na pangalan