NAGING MABAGAL ang pamamahagi ng mga identification card (ID) sa mga estudyanteng Lasalyano sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng polisiya ukol sa pagsusuot nito bago makatapak sa loob ng kampus. Matatandaang inanunsyo sa isang Help Desk Announcement noong Oktubre 26, 2022 na magiging mandatoryo na ang pagsuot ng ID mula Enero 1 upang makapasok sa kampus.
Kaugnay nito, nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Vice President for Internal Affairs Janine Siy upang alamin ang mga hakbang na ipinatutupad ng kanilang opisina upang mapabilis ang proseso. Gayundin, siniyasat ng APP ang paninindigan ng kanilang opisina ukol dito, kabilang na rin ang karanasan ng piling mga estudyante.
Paninindigan ng USG
Mahigpit nang ipinatutupad sa bawat tarangkahan ng Pamantasan ang hindi pagpapapasok sa mga estudyanteng walang suot na ID. Alinsunod ito sa Section 1.7 ng Student Handbook na naglalahad na “students are required to scan/present their ID upon entry and visibly wear it while inside the campus or any of its satellite premises.”
Kabilang na rito ang mga estudyanteng tanging Enrollment Assessment Form (EAF), email, at claim stub na natanggap mula sa Office of the University Registrar (OUR) o Enrollment Services Hub mula Enero hanggang Marso ang tanging dala.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan ang University Student Government sa pangunguna ng Office of the Vice President for Internal Affairs sa OUR upang mapabilis ang proseso ng pamamahagi ng ID sa mga Lasalyano. “Naiintindihan namin ang mga hinaing ng mga estudyante at kinakailangan ng detalyeng proseso para sa mga hindi pa [nakakukuha] ng kanilang mga ID,” ani Siy.
Nakipagpulong din sina Siy sa OUR nitong Enero 27 upang masigurong maayos na maipamamahagi ang mga ID bago magtapos ang ikalawang termino. Patuloy rin silang nagpakalat ng mga gabay sa iba’t ibang plataporma sa social media upang mas maipaintindi sa mga Lasalyano ang kasalukuyang estado nito. Kalakip na rin dito ang mga gabay paano nila ito makukuha sakaling dumating na. Binuksan na rin ang USG 24/7 General Concerns Form upang matugunan at malinaw ang mga katanungan, at hinaing ng mga Lasalyano ukol dito.
Kaugnay nito, ipinangako ng OUR sa isang Help Desk Announcement nitong Abril 4 na matagumpay na dapat nilang naipamahagi ang lahat ng ID para sa lahat ng aktibo at naka-enroll na mga estudyante sa Pamantasan pagsapit ng Abril 15. Patuloy din nilang pinaunlakan ang mga estudyanteng hindi pa nakukuhanan ng retrato nitong Abril 11 hanggang 14 mula ika-8 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon at Abril 15 mula ika-8 ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali.
Ani OUR, kinakailangang agarang kumuha ng ID ng mga naturang estudyante mula sa kanilang opisina upang hindi na kaharapin pa ang suliranin ukol sa pag-akses ng kampus. Dagdag pa nila, marapat ding iproseso ng mga opisinang nangangalaga sa mga empleyado, project-based staff, contractor, external service personnel, at iba pang kawani mula sa kaparehong sektor ang pamamahagi ng mga ID upang patuloy silang makapasok sa kampus.
Karanasan ng mga Lasalyano
Ipinabatid ni Siy na pangunahing alalahanin ng mga estudyante ang pagkawala ng kanilang akses sa kampus at kawalan ng balidong school ID para sa mga transaksyon ukol sa mahahalagang dokumento. Matatandaang nagsimula ang pamamahagi ng ID noong Setyembre 2022 at ipinangakong matatapos nitong Abril. Samantala, nagsimula naman ang pagkuha ng ID picture ng mga estudyante noong Hunyo ng nakaraang taon.
Kaugnay nito, nawa’y hindi maging balakid ang malaking bilang ng ID 123 na tinanggap ng Pamantasan sa pagdadaanan nilang proseso bago makuha ang kanilang ID. Inalam naman ng APP ang naging karanasan ng ilang estudyante mula sa pagkuha ng retrato hanggang pagtanggap ng kanilang ID. Ibinahagi ni Basil Licup, ID 120 mula BS Manufacturing Engineering and Management with specialization in Mechatronics and Robotics Engineering, na huli niyang natanggap kaysa sa mga kasabay niya ang kaniyang ID.
Aniya, naramdaman niyang lugi siya sa pagkakataong iyon lalo na at hindi episyente ang paggamit ng EAF upang makapasok sa kampus. Naging punit-punit din ito sa katagalan ng paggamit. Kaugnay nito, hiniling ni Drix Larriel Lazaro, ID 120 mula sa kaparehong kurso, na nagkaroon sana noon ng isang Google Excel para sa progreso ng bawat ID ng estudyante.
“Gulatan kasi kapag thru email. Ginagamit siya for academic purposes eh, medyo tintatambakan ng announcement yung Gmail,” paglalahad ni Lazaro.
Sa kabilang banda, mayroong mga estudyanteng nakaranas ng pagkaantala sa kanilang iskedyul ng pagtanggap dahil sa mga personal na dahilan, tulad ni Dana Sta. Ana, ID 120 mula BS Civil Engineering. Aniya, kinailangan niyang mag-reschedule dahil nagkaroon ng family emergency sa nakatakdang araw na pagkuha ng kaniyang retrato. Kaugnay nito, mayroong mga pagkakataong nahuli siya sa kaniyang klase dahil sa haba ng pila sa scanner ng barcode ng EAF.
“Regarding doon sa error sa pag-read, tsambahan lang sa angle ng bar code sa scanner,” sambit niya ukol sa kinaharap na suliranin. Inagahan na lamang din niya ang kaniyang pagpasok upang hindi na mahuli muli sa klase.
Sinubukan namang makapanayam ng Pahayagan ang Enrollment Services Hub ukol sa isyung nabanggit ngunit wala pang natatanggap na tugon mula sa opisina sa oras na isinulat ang artikulong ito.