MAIGTING na pagpapanday sa mapurol na porma ang inatupag ng Lady at Green Fencers bilang bahagi ng naging preparasyon sa nilahukang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Fencing Tournament. Ibinida ng parehong koponan ang pagtatrabaho ng tabak, tutok ng espada, at teknikal na paggalaw ng mga paa upang mabura ang kalawang sa bawat manlalaro matapos ang tatlong taong kawalan ng patimpalak. Napatagal man ang inaasahang panunumbalik ng mga duwelo, nananatiling buo ang mga loob ng mga manlalaro kasabay ang muling paggising ng mga kalamnan sa ensayo.
Pag-iibayo ng kagitingan
Walang sinayang na panahon ang parehong koponan ng Lady at Green Fencers matapos manumbalik ang tagisan ng espada at florete sa UAAP Season 85. Malugod na tinanggap nina kapitan Tinay Silverio at John Gajon ang biglaang hamon ng pagsabak sa entablado kasabay ang muling pagbabatak ng katawan upang manumbalik ang tikas ng porma. “Sa training palang. . . in-allow na kami ng University to train face-to-face. . . It was very refreshing and sobrang nakaka-miss at sobrang overwhelming up to a certain extent kasi naghalo-halo na ‘yung frustration,” ani Silverio mula sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel.
Matapos ang dalawang taong litanya, muling pumabor ang kapalaran sa mga manlalaro—higit lalo sa mga miyembro ng Lady at Green Fencers. Sa pagbubukas ng panibagong serye ng mga dikdikang labanan, muling nakatapak ang mga fencing team ng DLSU sa Razon at agarang sumabak sa kaliwa’t kanang pisikal na pagsasanay. Kasabay ang bugbog na katawan, hindi rin nawala ang bakas ng panghihinayang ni Silverio para sa rookies nila. “Hindi maipagkakaila na napaka-overwhelming niya kasi a lot of our players yung mga rookies namin, ‘yung rookie year nila is 2020. . . Generally athletes have five playing years and 2022 na kami nakabalik,” sambit ni Silverio.
Kumakalam na espada para sa ginto
Sa muling pagbabalik ng duwelo, naging isang malaking hamon para sa Lady at Green Fencers ang pagplano sa mga gagawing pag-eensayo para sa paparating na season ng UAAP bunsod ng biglaang pagbabago ng sistema. Sa bawat taginting ng espada at walang humpay na paggalaw ng mga braso at katawan, dala ng fencing team ang palasong lumalagablab na sumisimbolo ng masidhing pagnanasang maiuwi ang tropeo sa Taft.
Uhaw na malasap ang tamis ng tagumpay, masugid na paghahanda, mahabang pasensiya, at dedikasyon ang nais maikintal ng dalawang koponan bago magpakitang-gilas muli sa UAAP Season 86. “We felt like na parang behind kami kasi latter end na ng year kami nakapagsimula. So ‘yung paghahanda na ginawa namin, we tried to up our game in a way na humabol sa panahon na meron na lang kami,” pagbabahagi ni Silverio.
Nanatiling pursigido naman si Gajon sa pagsasanay sapagkat ito na ang huling taon niya ng paglalaro sa UAAP. “Pinaghahandaan po namin, siyempre, dapat physically fit kami; kondisyon ‘yung katawan namin. Meron po kaming ginagawa preparasyon para po maging mentally prepared kami sa mangyayari pong UAAP ngayong season.”
Pinuri ni Silverio ang kasalukuyang grupo dahil sa dedikasyong ipinamalas nito upang makamit ang layunin nila bilang isang koponan—maging kampeon. “We are aware as a team that this is our edge. Parang yung compatibility ba among each other. How we can work towards the goal,” saad niya.
Ipinagmamalaki rin ni Gajon ang iskwad ng Green Fencers sapagkat ramdam na mayroong koordinasyon ang grupo sa laro. “Proud ako sa team ko dahil ang ganda ng team dynamics compared sa last season. . . kaya na-inspire ako maglaro at maipakita kung gaano ko kamahal ang fencing.”
Gayunpaman, napatunayan din ng Lady at Green Fencers na hindi lamang sa entablado kaya nilang humataw, pati na rin sa torneo ng realidad matapos malagpasan ang nakahambalang hamon sa parehong koponan. Bilang mga senyor na atleta ng koponan, mabigat ang gampaning tinatanganan nina Silverio at Gajon sa pagkakaisa at dinamika ng puwersa.
Hangaring marka ng atake
Talas ng isip sa paglapat ng taktika, at sabik na mga paa at kamay sa pagpapakawala ng umaatikabong atake ang naging sandata ng Green at Lady Fencers sa preparasyon ng laban. Pagbabahagi ni Silverio, isa sa pinaghuhugutan niya ng lakas ang pananabik na makaranas muli ng pisikal na ensayo at makapagbuga ng mga estratehiya sa naturang kompetisyon.
Binigayang-diin ni Silverio na nais nilang ipadama ang dilaab ng DLSU Fencers, at ipakita na may ibubuga ang mga atleta sa nasabing larangan. Kasabay nito, pinasalamatan din nina Gajon at Silverio ang pagbibigay-suporta at pagpapahalaga ng mga Lasalyano sa kanilang larangan. Kinakikitaan nila ng malawakang pag-unlad ang kanilang isports at pagkakaroon ng pukaw sa mga mata ng publiko. “It is really helpful for the sports itself, not just in terms of DLSU Fencing, so I’m really happy that more people are gaining interest and knowledge sa aming sport,” ani ni Silverio.
Gayundin, inaanyayahan ni Silverio ang mga Lasalyano na nagnanais na maging bahagi ng DLSU Fencing Team, “Don’t be afraid to approach any of the players or even [Office of Sports Development] OSD, kung may interest kayo sa fencing because as much as possible naman, kung may room we would always like see to it if kaya or what.” Samakatuwid, kanilang hinahangad na mapanatili at mapag-alab ang suportang ibinibigay ng mga Lasalyano sa larangan ng fencing.
Ihanda ang mga mata sa kumakawalang init ng DLSU Green at Lady Fencers sa kanilang kapanapanabik na pagsalang sa UAAP Season 86 tangan ang hangaring makapagpundar ng korona sa Taft.